
Tinalikuran Daw ng Lalaki ang Misis at mga Anak Upang Magpakasasa sa Piling ng Mayamang Kabit Nito; Ilang Taon ang Lumipas at Nalaman ng Lahat ang Totoo
Maligayang-maligaya na naman ang grupo ng mga tsismosa sa Barangay Sta. Ana. Napapabalita kasi ang pag-iwan ng padre de pamilyang si Robert sa kaniyang asawa’t mga anak upang sumama sa ubod nang yaman nitong kabit. Dati kasi ay labis na kinaiinggitan ang pamilya nito dahil kahit halatang hikahos sa buhay, palaging nakikita ang pamilya na buo at masayang magkakasama.
“Sinasabi ko na e! Wala namang perpektong pamilya. Kung tayo nga, lahat tayo may issue sa bahay. Ayan, biglang sabog ang baho ng pamilya nila,” sabik na sabik pang kwento ni Aling Myrna sa paborito niyang katsismisang sila Aling Marites at Aling Hilda.
“Kung ikaw ba naman, ganoong kagwapo ang asawa mo, mapapanatag ba ang loob mong walang aagaw sa mister mo? Si Heidi rin ang may kasalanan. Dapat pinaghigpitan niya ang asawa niya. Balita ko, ‘yong mayamang boss daw ni Robert ang nakabingwit sa kaniya e,” animo’y eksperto kung magbigay ng opinyong ani Aling Marites. Talamak sa lugar nila ang pambababae ng kaniyang mister, kaya naman ang saya-saya niya nang malamang hindi lang siya ang ginogoyo ng asawa.
Sa kanilang pagtsitsismisan, napansin nilang nakatingin sa kanila ang bunsong anak ni Heidi at Robert na si Karlo na tila papauwi galing sa maliit na tindahan malapit sa kanila. Sampung taong gulang pa lamang ang batang ito.
Imbes na tumigil, lalo pang lumakas ang boses ng mga tsismosa sa kanilang pagkukwentuhan tungkol sa buhay ng kanilang kapitbahay. Lalong nalugmok ang bata sa kaniyang mga narinig. Iginagalang at tinitingala niya kasi ang kaniyang ama, kaya naman hindi siya makapaniwalang nagawa nitong lokohin ang kaniyang ina at abandonahin silang magkakapatid, lalong-lalo na ngayong nasa ospital pa ang kanilang bunso dahil sa malubhang karamdaman.
“Isinusumpa ko, hinding-hindi ako magiging kagaya ng tatay ko,” bulong niya sa sarili habang dumadaloy ang masaganang luha sa kaniyang pisngi.
Pag-uwi sa bahay, inasikaso na ni Karlo ang kaniyang sarili upang maghanda sa pagpasok sa eskwela. Nasa ospital pa rin kasi ang kaniyang ina upang bantayan ang lagay ng kaniyang bunsong kapatid, habang ang ate naman niyang si Mikaela ay nag-aaral sa kolehiyo at gabi na kung umuwi dahil sa paggawa ng thesis. Nalalapit na rin kasi ang pagtatapos nito.
Mabagal ang naging paglipas ng panahon lalong lalo na para kay Karlo. Kung dati ay palaging umaalingawngaw ang tunog ng tawanan sa kanilang munting tahanan, ngayon ay palagi nang tahimik dahil madalas siyang naiiwang mag-isa sa bahay. Sa mga panahong naiiwan siyang mag-isa, hindi niya maiwasang isipin ang kaniyang amang sumakabilang-“bahay”.
Sa kabila ng mga dagok sa kanilang buhay, nagpatuloy pa rin ang buhay ng mag-anak kahit wala na sa kanilang tahanan ang haliging si Robert. Kahit pinagsasabay ni Heidi ang pagtatrabaho at pag-aalaga sa kaniyang mga anak, talaga namang naging mahusay pa rin ang pagpapalaki niya sa kanilang tatlong anak. Ni minsan nga’y hindi ito nagpakitang umiiyak o nalulungkot nang dahil sa pag-iwan sa kanila ng kaniyang mister. Nang dahil doon ay lalong tumindi ang paghanga ni Karlo sa kaniyang ina. Lalo siyang nagpursigi na mag-aral nang mabuti upang makatulong na sa kaniyang ina at mabigyan ito ng maalwang buhay.
Gayunpaman, hindi maipagkakailang malaking kabawasan sa puso ni Heidi at ng tatlo nilang anak ang pagkawala ni Robert.
Isang dekada ang lumipas.
Iminulat ni Karlo ang kaniyang mga mata matapos marinig ang pagpasok ng kaniyang ina at dalawang kapatid sa kaniyang kwarto. Kaarawan niya kasi nang araw na iyon kaya naman naisipan ng kaniyang ate na siya ay sorpresahin.
“Happy birthday, Karlo! Bangon na riyan! Nandito ang ate mo at nanghingi ng bakasyon sa trabaho para makapagselebra tayo!” hiyaw ng kaniyang ina.
Tuwang-tuwa ang ginang dahil minsan na lamang silang makumpletong apat. Sa kabilang lungsod kasi ang trabaho ng panganay niyang si Mikaela at umuupa ng hiwalay na apartment upang hindi na mamasahe pa araw-araw. Hindi pa rin nag-aasawa si Mikaela dahil pangako niya sa kaniyang ina na pagtatapusin muna ng pag-aaral sa kolehiyo itong si Karlo bago siya lumagay sa tahimik.
“Ang sweet naman talaga! Salamat, ate! Pangako, malapit na akong makabawi sa’yo,” nakangiting pasasalamat ni Karlo. Isang semestre na lamang at tapos na siya sa pag-aaral. Sa wakas ay matutupad na niya ang lahat ng pangako niya sa kaniyang pamilya.
“Oo naman, sigurado akong magiging successful ka! O siya, hipan mo na itong kandila mo bago pa matunaw sa cake mo,” ani Mikaela, nang biglang sumabat ang bunso nilang si Joshua.
“Kuya, wish muna bago mo i-blow ang kandila! Ayie! Wish mo siguro na mapansin ka na ng crush mo ‘no?” pang-aasar ng kanilang bunso na ngayon ay nasa hayskul na.
Tila ngayon na lamang napuno muli ng halakhakan ang kanilang munting tahanan. Nanumbalik sa isip ni Karlo ang mga memorya ng kaniyang ama na mahigit isang dekada na niyang hindi nakikita. Alam na niya kung ano ang hihilingin niya.
Isang ihip at agad na nawala ang apoy sa kandilang nakaturok sa cake… Isang katok ang umalingawngaw sa kanilang tahanan.
“Hala kuya, ang bilis! Nandiyan na si crush mo!” tatawa-tawang pang-aasar muli ni Joshua sa kaniyang kuya.
“Ewan ko sa’yo! Ako na nga ang magbubukas, baka may surprise delivery si ate para sa’kin,” nakangising sambit ni Karlo sabay tayo mula sa kaniyang kama patungo sa kanilang pintuan.
Pagpihit niya sa pinto, isang mukha na mahigit isang dekada na niyang hindi nasisilayan ngunit imposible niyang makalimutan ang bumungad sa kaniya. Nakangiti ito ngunit may luha sa mga mata.
Hindi makapagsalita si Karlo.
“P- papa?” gulat na gulat at hindi makapaniwalang sambit ni Mikaela.
Nang matauhan si Karlo, nagulat ang lahat nang bigla itong sumigaw.
“Anong ginagawa mo rito?! Bumalik ka ba kasi sawa ka na sa kabit mo? O baka naman may sakit ka at magpapaalaga ka na kay Mama? Ay teka, wala na sigurong pera ‘yong kabit mo, ano? Ha! Naubos mo na?! Ah, alam ko na! Nabalitaang mong magtatapos na ako, ano? Wala kang mahihita sa akin, lumayas ka na rito! Wala kang puwang rito,” sunod-sunod na tirada ni Karlo. Kumawala sa kaniyang bibig ang mga salitang mahigit sampung taong naipon sa kaniyang puso.
Isang tulak ang iginawad niya sa balikat ng kaniyang ama, nang biglang nagsalita ang kaniyang ina.
“Karlo, tama na iyan… Papasukin mo na ang papa mo…” sumamo ni Heidi na tila ba walang hinanakit sa kaniyang puso.
“Ha?! Ma, ano ka ba?! Ganon kabilis, napatawad mo na ‘tong g@gong ‘to sa pag-iwan niya sa atin? Ma naman, iginagalang kita at tinitingala, pero ‘wag ka namang t@nga!” sigaw pang muli ni Karlo. Hindi na niya makontrol ang mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig.
“Tama na, Karlo! Hindi mo alam ang sinasabi mo!” ani Robert, malalim at maawtoridad pa rin ang kaniyang boses.
Lalong nagpuyos ang damdamin ni Karlo. Ang kapal naman ng mukha ng lalaking ito, matapos mawala ng isang dekada, babalik ito sa kanila upang sigawan siya?
“May kailangan kang malaman, Karlo. Ang katotohanan… Please lang, kumalma ka muna at sasabihin namin ang lahat sa inyong magkakapatid…” wika ng kaniyang ina.
“Nasa ospital si bunso noong mga panahong iyon… Ayaw man namin ng Papa mo, pero wala na kaming nagawa dahil dalawang milyong piso ang hinihingi ng ospital upang tuluyang maoperahan ang kapatid mo. Matagal nang may gusto sa Papa mo ang boss niya at hindi iyon lingid sa aking kaalaman. Nang sinubukan naming maghanap ng paraan, sinubukan ng Papa mo na manghingi ng tulong sa boss niya. Laking galak namin nang agad siyang pumayag na ibigay ang pampaopera ni Joshua, pero hindi namin inasahan ang hihingin niyang kapalit…” madamdaming pahayag ni Heidi, nakayakap sa kaniya ang mister.
Nagkatinginan ang tatlong magkakapatid. Wala silang kaalam-alam sa mga nangyayari sa kanilang magulang noong panahon na iyon.
“Oo, tama kayo ng iniisip. Hininging kapalit ng boss ng Papa niyo ang mismong Papa ninyo. Sinubukan namin, maniwala kayo, na humanap ng ibang paraan. Pero hindi biro ang dalawang milyong piso, at noong panahon na iyon at tinaningan na ng doktor ang buhay ni Joshua, kaya hindi na kami nakapag-isip pa,” bunyag pa ni Heidi.
Sampung milyong piso ang ibinigay ng boss ni Robert na siyang ginamit ng mag-asawa upang mabayaran nang buo ang pagpapa-opera ni Joshua. Ginamit din nila ang pera upang tuluyang mapawalang bisa ang kasal nila dahil na rin sa kagustuhan ng boss ni Robert.
“Itinago namin sa inyo ang katotohanan dahil masyado pa kayong mga bata noon para maintindihan ang mga bagay na iyon. Mahal na mahal namin kayo ng Mama niyo kaya naman napilitan akong sumama sa boss ko upang maging mister niya. Maniwala kayo, kailan man ay hindi ko siya minahal. Kailan man ay hindi kayo nawala sa aking puso’t isip,” lumuluhang pahayag ni Robert.
Kaya rin pala naging maalwan kahit papaano ang buhay nila ay dahil patuloy sa patagong pagpapadala ng pera itong si Robert kay Heidi upang gamitin sa pag-aaral at araw-araw na pangangailangan nilang magkakapatid.
Ngayon ay nagbabalik si Robert dahil sa wakas ay malaya na siya mula sa boss niyang ginamit ang kaniyang pagmamahal sa pamilya upang tuluyan siyang makuha. Inatake ang matandang babae sa puso ilang araw na ang nakalilipas. Matapos asikasuhin ni Robert ang lahat ay napagdesisyunan na niyang umuwi sa kaniyang tunay na pamilya.
Alam ni Robert na magiging mahirap, lalo na kay Karlo, na tanggapin siyang muli sa kanilang tahanan. Kaya naman laking gulat nilang mag-asawa nang bigla itong magsalita.
“Alam niyo ba kung ano ‘yong wish ko kanina noong hinipan ko ‘yong kandila? Hiniling ko na sana ay matupad na ang panalangin ko na sampung taon ko nang inilalapit sa Diyos. Iyon ay ang bumalik ka na, Papa,” lumuluhang sambit ni Karlo. Ang matigas niyang puso ay tuluyan nang bumigay at lumambot.
Hindi na nakapagpigil pa si Robert at mabilis na hinagkan ang kaniyang mga anak. Ngayong malaya na siya, pangako niyang ilalaan ang buong buhay niya sa pagbawi sa kaniyang asawa’t mga anak.
Hindi man lubos na naiintindihan ng mga anak ni Heidi at Robert ang ginawang pagsasakripisyo ng kanilang ama, nagdesisyon silang patawarin at tanggapin itong muli sa kanilang tahanan.
Bilang bagong panimula, niyaya ni Robert na muling magpakasal si Heidi. Sigurado siyang wala nang makapaghihiwalay pa sa kanilang dalawa at sa kanilang buong pamilya.
Mapait man ang nakaraan, natutunan ng buong mag-anak na kalimutan na lamang ang lahat ng nangyari. Nagsimula silang muli bilang isang masayang pamilya. Sa wakas, nagbalik na ang buhay at pagmamahalan sa kanilang tahanan.