
Todo sa Pagkayod ang Dalaga Upang Maipatikim ang Tamis ng Buhay sa Kaniyang mga Magulang; Labis Siyang Nasaktan at Natauhan sa Bwelta ng Ate Niya
Tatlong oras lamang sa loob ng bente kwatro oras sa isang araw kung matulog ang dalagang si Celestine. Ang dahilan? Apat kasi ang trabahong kaniyang pinagsasabay-sabay para lamang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang tumatanda nang mga magulang.
Kahit Sabado’t Linggo’y hindi niya pinalagpas! Imbes na bumawi ng tulog at pahinga, mas pinili niyang patuloy na magtrabaho. Aba! Sayang naman daw kasi ang kikitain niya. Katwiran niya, sino bang yumayaman sa pagtulog? Wala naman, ‘di ba?
Bente kwatro anyos pa lamang si Celestine. May nobyo siya ngunit napili niyang huwag munang lumagay sa tahimik kasama ang binata dahil nais niyang maipatikim muna ang tamis ng buhay sa kaniyang mga magulang na puro lamang hirap ang dinanas sa pagpapalaki sa kanilang apat na magkakapatid. Pasaway na bata kasi itong si Celestine noong siya’y nasa kolehiyo pa lamang. Ni hindi nga siya nakatapos ng pag-aaral dahil sa sandamakmak na kalokohang kinasangkutan niya noon.
Katunayan, akala nga ng lahat ng kaniyang kapamilya’y habambuhay na siyang magiging perwisyo’t pabigat sa kanila. Ngunit nang tumuntong sa bente uno anyos itong si Celestine, tila nag-iba ang ihip ng hangin dahil bigla na lamang itong nagbago at natutong kumayod upang kumita ng pera.
“‘Ma, nakapagwithdraw na po ako. Nariyan na po sa mesa ang kwarenta mil pambayad sa lahat ng bills natin ngayong buwan. Ibawas niyo na po d’yan ‘yong pang-grocery. Pero may nakahiwalay pong sampung libo sa may ref, pambili po ninyo ni Papa ng kung anong gusto niyo. Babawi na lang po ako next month, wala pong bonus ngayon eh,” nangangalumatang hayag ni Celestine sa kaniyang ina pagkauwi galing sa bangko.
Kakasweldo pa lamang niya’y apat na libo na lang ang natira sa wallet niya. Wala iyong problema sa kaniya dahil sa puro naman “work from home” ang trabaho niya kaya naman ‘di niya kailangang gumastos sa pamasahe’t pagkain araw-araw. Kasyang-kasya na ang apat na libo hanggang sa pagsahod niya sa susunod na buwan.
Napatingin naman sa kaniya ang kaniyang ina. Halatang may pag-aalala sa mga mata nito.
“Salamat, ‘nak. Sa inyong apat na magkakapatid, ikaw lang ang hindi ko inintregahan pero kusang nagbibigay. Kumain ka naman muna bago ka matulog, ipinagluto kita ng paborito mong kare-kare,” wika ni Loreta.
“Oo nga, ‘nak, gusto mo bumili ako ng paborito mong sopdrinks d’yan sa tindahan? Para masarap naman ang kain ng anak ko,” nakangiting sabad naman ng ama niyang si Horacio.
“Naku, mamaya na lang po. Kailangan ko rin po kasing gumising ng alas tres ng hapon at marami pa po akong hahabulin doon sa isa kong trabaho. Iidlip na po ako at medyo masakit na ang ulo ko,” sagot ni Celestine sabay pasok sa kaniyang silid. Sa wakas, matapos ang pagkayod nang walang pahinga sa loob ng bente oras ay nailapat din ng dalaga ang likod niya sa malambot niyang kama. Ilang segundo lamang ay nagpatinaod na siya sa kaniyang matinding antok at pagod.
Tatlong taon nang paulit-ulit na ganoon ang buhay ni Celestine. Palibhasa’y may kani-kaniya nang pamilya ang tatlo niyang nakatatandang kapatid, hindi na rin nagagawang magbigay ng mga ito sa kanilang mga magulang. Kaya naman kahit tumatanda na’y wala pa ring sariling plano si Celestine para sa kaniyang sarili. Katwiran niya’y pareho nang senior citizen ang kaniyang mga magulang, at bilang bunsong anak, wala nang ibang aasahan ang mga itong sumuporta sa kanila.
Isang araw, nagpasya ang kuya niyang si Caloy na imbitahan sila sa munting selebrasyon ng kaarawan ng kaniyang anak. Matagal-tagal na rin silang hindi nagkikita-kita kaya naman ang lahat ay nagkompirmang dadalo sa nasabing okasyon.
“Celestine, sigurado ka bang sasama ka? Hindi ka pa natutulog, ang itim-itim na ng ilalim ng mga mata mo,” nag-aalalang tanong ng ama niyang si Horacio.
“Kaya nga, maiintindihan naman ng kuya mo kung hindi ka makakapunta. Alam naman ng lahat na ang dami-dami mong trabaho,” dagdag pa ng inang si Loreta.
“Maiintindihan nga ni kuya, pero hindi ng pamangkin ko. Alam niyo namang ‘yong mga batang ‘yon na lang ang kaligayahan ko e,” katwiran ng dalaga. Tunay naman kasing handa niyang isakripisyo ang kakarampot niyang tulog para lamang makalaro ang kaniyang makukulit ngunit malalambing na pamangkin.
Nang makarating sa bahay nila Caloy, agad na nagpulasan ang mga anak ng kaniyang tatlong kapatid ni Celestine patungo sa kaniya. Kahit pagod na pagod at puyat na puyat, agad na napawi ito nang marinig niya ang hagikgik ng mga bata.
“Yehey! Nandito na si Tita Celestine!” hiyaw ng pinakapaborito niyang pamangking si Iliana, anim na taong gulang. Anak ito ng ate niyang si Jemma.
Ginastos niya ang natitirang apat na libo sa kaniyang wallet upang ibili ng pasalubong na mga kendi at kung anu-anong pagkaing patok na patok sa mga bata. Agad niya itong ipinamahagi sa mga pamangking sabik na sabik siyang makita.
“Puro basurang pagkain na naman ang ibinibigay mo sa mga bata, kaya nakukuha mo ang loob e. Ginagaya mo sa’yo, kung ano-anong kinakain. Tingnan mo nga ang hitsura mo, mukha ka nang losyang. Ikaw ang bunso pero mukha kang panganay na pagod na may lima nang anak,” kunot-noong puna ng ate niyang si Jemma.
Agad namang sumabat ang kuya niyang si Caloy.
“O tama na ‘yan, ngayon na lang tayo nagkita-kita ang init agad ng ulo mo, Ate Jemma,” ani Caloy.
“Lubayan niyo nga si Celestine, pagod iyan at ‘di pa natutulog. May pasok pa ‘yan mamaya kaya’t maaga rin kaming uuwi. Happy birthday, apo ako!” wika ni Loreta sabay baling sa apong may nagseselebra ng ika-walo nitong kaarawan.
Hindi na kumibo pa si Celestine at ‘di na pinatulan ang ate niyang halatang may galit ka sa kaniya. Sa kanilang magkakapatid kasi, pawang si Jemma na lamang ang hindi pa nakakalimot sa mga kalokohang ginawa ni Celestine noong siya’y bata-bata pa.
Matapos magkainan, nakaramdam ng antok itong si Celestine. Panay sulyap niya rin sa kaniyang selpon dahil may mga natatanggap siyang mensahe mula sa isa niyang trabaho. Habang pinanonood na naglalaro ang kaniyang mga pamangkin, ‘di niya namalayang unti-unti na pala siyang nakatulog sa sofa ng kaniyang kuya.
Maya-maya pa’y napansin siya ng kaniyang Ate Jemma.
“Diyos mio! Nagpunta rito para makitulog. Trabaho nang trabaho pero wala namang naiipong pera!” sigaw ni Jemma na nakapagpagising sa kaniya. Napukaw niya ang pansin ng kaniyang mga magulang at ng dalawa pa niyang kapatid na nagkukwentuhan sa hapag-kainan.
“Sorry, ate, ‘di ko napansing nakatulog na pala ako. Pauwi na rin kami nila mama at papa maya-maya,” ani Celestine.
“Sus! Puro ka trabaho, ano na bang narating mo? Kung nagtapos ka lang ng pag-aaral, ‘di ka sana nagkakaganiyan. Kailangan mo pang kumuha ng apat na trabaho para lang magkapera ka,” palabang sagot ni Jemma sa pupungas-pungas pa ring si Celestine.
Sa pagkakataong ito ay hindi na nakapagpigil pa si Celestine. Pagod at puyat siya kaya naman nag-init na rin ang ulo niya.
“Ano bang problema mo sa’kin? Inaano ba kita?” ani Celestine, napagtaasan na niya ng boses ang kaniyang ate.
Nakaramdam ang ina nilang si Loreta na magkakainitan na naman ang dalawa, kaya agad na itong tumayo upang pumagitna sa kanila. Ngunit ‘di na niya napigilan ang mainit na sagutan ng dalawa.
“Noong nakaraan, lumapit ako sa’yo ‘di ba? Sabi ko, kailangang-kailangan ko ng pera. Tapos nagpaawa ka pa at ipinamukha pa sa akin na walang-wala kang pera dahil ang dami mong gastos kina mama at papa! Ang yabang mo, e responsibilidad mo namang buhayin sila dahil sandamakmak ang kag@guhan mo noong araw! Ang damot mo!” bwelta ni Jemma sa bunso nilang kapatid.
Nanlaki ang mga mata ni Celestine sa kaniyang narinig. Kaya naman pala pagkainit-init ng ulo ng ate niya sa kaniya! Naalala niyang ‘di niya nga pala ito napautang noong nakaraang buwan!
“Anong ipinamukha?! Ipinaliwanag ko lang sa’yo kung anong mga ginastos ko noong nakaraang buwan kaya ‘di ko kakayaning magpahiram. Nagpapaawa? Kailan ba ako nanghingi sa inyo pagdating sa mga gastusin nila Mama at Papa?” sagot ni Celestine. Sumabog na nga ang bulkan.
“Hanggang ngayon, bastos ka pa rin talaga, ‘no? Ate mo ako pero kung sagut-sagutin mo ako, akala mo kung sino ka! Ano bang pinagmamalaki mo?” nangmamatang sagot ni Jemma kay Celestine.
“Tama na! Sumosobra ka na, Jemma! Wala kang karapatang ganiyanin ang kapatid mo,” nakahawak sa dibdib na awat ni Horacio sa kaniyang mga anak.
“Oo, maraming naging maling desisyon si Celestine noon, pero bumabawi na siya ngayon sa paraang alam at kaya niya! Ikaw, kailan ka ba nakatulong sa pamilya natin? Matapos ka naming igapang sa kolehiyo noon, agad kang nag-asawa. Ni hindi ka nakatulong sa amin hanggang ngayon. Pero sinumbatan ka ba namin? Hindi! Kasi anak ka namin at mahal ka namin. Sana nama’y ganoon din ang gawin mong pagtrato sa kapatid mo,” naiiyak nang sambit ni Horacio kay Jemma, na hanggang ngayon ay nagpupuyos pang lalo sa galit dahil kinakampihan ang bunso niyang kapatid.
Ang hindi alam ni Jemma, naghuhulog buwan-buwan si Celestine sa bangko para makaipon sa pampaaral ng anak niyang si Iliana. Hiniwalayan si Jemma ng kaniyang asawa’t mula noon ay hindi na ito nagbibigay ng sustento. Kaya naman naisipan ni Celestine na pag-ipunan at paghandaan ang pag-aaral ni Iliana upang makatulong sa ngayong single parent nang Ate Jemma niya.
Nang ilahad iyon ng kanilang ina sa kaniya, napaluhod na lamang itong si Jemma at tuluyan nang bumagsak ang kaniyang mga luha. Wala siyang kaalam-alam na pati ang kinabukasan ng anak niya ay pinag-iipunan ng bunso niyang kapatid.
Matapos mahimasmasan, nilapitan ni Jemma ang si Celestine. Kahit napakama-pride niyang tao, hindi na siya nag-atubili at niyakap nang mahigpit ang kanilang bunso.
“Sorry, Celestine. Hindi ko sinasadya ang mga nasabi ko kanina. Minsan kasi, hindi ko lang matanggap na ganito ang nangyari sa buhay ko. Maraming salamat sa lahat. Sa pag-aalaga at pagsuporta mo kila Mama at Papa, pati na rin sa pagmamahal mo sa amin ni Iliana,” lumuluhang sambit ni Jemma sa kapatid.
Nakangiting yumakap pabalik si Celestine.
“Wala iyon, ate, sino pa bang magtutulungan? ‘Di ba, tayo-tayo lang din?” sagot ng bunso sa kaniyang ate.
“Kayo talaga, ang hirap ng mag-isang lalaki sa pamilya! Puro drama!” natatawang sabat ni Caloy at saka nakiyakap sa kaniyang mga kapatid. Nakisali na rin ang isa pa nilang kapatid na si Rizza na kanina pa nakikinig lamang sa kanilang pagtatalo.
Magkayakap ding nanonood sa kanila ang kanilang Mama at Papa.
“Kayo na lang lagi ang bida kapag may kita-kita. ‘Di niyo man lang ako kinukumusta!” nakangising sambit ni Rizza, tila may baong pasabog para sa kanilang lahat.
“Kahapon, may kinita akong negosyante d’yan sa may Marikina. Natikman daw kasi ng tauhan niya ‘yong pansit sa maliit kong restawran, aba’y noong natikman daw niya’y limpak limpak na pera ang sumagi sa isip niya! Gusto raw niyang mag-invest sa pagpapalago ng restawran ko. Magpapatayo ng limang branch sa buong Metro Manila!” tuwang-tuwang kwento ni Rizza.
Napanganga naman ang kaniyang ina. Hindi niya akalain na mabibigyan ng pansin ang recipe ng pansit ng kanilang pamilya na minana niya pa sa lola ng kaniyang lola.
“Kaya rin ako pumunta ngayon, kasi kung interesado kayo, tayong lahat ang mamamahala ng mga restawrang itatayo. Ikaw, Celestine, ‘di mo na kailangang magpakam@tay d’yan sa pagtatrabaho mo. Ikaw na ang humawak mag-isa ng branch sa Quezon City, iyon ang pinakamalaki. Mahigit pa sa triple ng kinikita mo ang kikitain mo roon!” dagdag pa ni Rizza sabay akbay kay Celestine.
Lahat sila ay ‘di makapaniwala sa magandang balita na baon nitong si Rizza para sa kanilang lahat.
Makalipas lamang ang tatlong buwan, tuluyan nang naipatayo ang mga nasabing restawran. Tulad nga ng hula ng negosyante, talaga namang pumatok sa masa ang kanilang negosyo. Naghatid ito ng sangkatutak na pera sa buong pamilya ni Celestine.
Tuluyan nang nagbitiw sa apat niyang trabaho si Celestine at nagpokus na lamang sa pamamahala sa mga restawran ng kanilang pamilya. Sa pagtutulungan ng apat na magkakapatid, sa wakas ay naibigay na nga nila ang maginhawa at matamis na buhay sa kanilang mapagmahal na mga magulang.
Ngayon ay kahit matulog siya, alam niyang patuloy na kikita ng pera ang kanilang negosyo. Makalipas ang dalawang taon, nakatakda nang magpakasal itong si Celestine sa nobyo niyang matagal nang naghihintay sa kaniya. Todo-suporta naman ang buo niyang pamilya sa pagbuo niya ng sarili niyang pamilya.

Tinalikuran Daw ng Lalaki ang Misis at mga Anak Upang Magpakasasa sa Piling ng Mayamang Kabit Nito; Ilang Taon ang Lumipas at Nalaman ng Lahat ang Totoo
