Malaki ang Kinikita ng Lalaki Ngunit Hindi Siya Nakakaipon; Nanlambot ang Misis Niya Nang Malaman Kung Saan Niya Dinadala ang Pera

Gaya ng mga normal na araw ni Natalie, umaga pa lamang ay abalang-abala na ang ilaw ng tahanan sa pag-eempake ng mga paninda na idedeliver sa araw ding iyon. Online seller kasi ang ginang at talaga namang malakas ang benta niya. Kasabay ng pag-eempake ay ang pag-aasikaso niya sa kaniyang mister na si Jerry na papasok na sa trabaho bilang arkitekto sa isang sikat na kompanya at sa kaisa-isa nilang anak na si Carlyn na papasok naman sa eskwela bilang 2nd year high school na estudyante.

“‘Pa, may field trip daw po kami sa Bulacan next week. May babayaran daw pong P3,000.00 para sa bus at saka sa mga entrance fee, tapos baka naman pwede rin pong makahingi ng pambaon para may pangkain po kami ng mga kaklase ko. May pupuntahan po kaming sikat na restawran eh,” nakangising paglalambing ni Carlyn sa kaniyang ama habang sabay silang kumakain ng agahan.

Napansin naman ni Natalie ang pagbabago ng timpla ng kaniyang asawa, tila ba bigla na naman itong namroblema.

“Ikaw talaga, ‘pag naglambing ka e tiyak manghihingi ka ng pera e, ‘no?” tatawa-tawang sabat ni Natalie, hindi kasi sumasagot ang mister kay Carlyn.

“Oo, sige, kunin mo na sa wallet ko ang pambayad sa field trip niyo. Kumuha ka na rin ng dalawang libo pambaon, tutal tinulungan mo ako kagabi na mag-imbentaryo ng mga paninda ko,” dagdag pa ni Natalie na talaga namang ikinatuwa ng dalaga.

Mabait at masunuring bata si Carlyn kaya naman talagang sinisikap ni Natalie na maibigay ang mga pangangailangan maging ang mga kagustuhan ng anak.

“Yehey! Thank you, Mama! Labyu! Alis na po ako, nandiyan na pala sa labas ‘yong school bus namin,” nakangising pagpapaalam ni Carlyn habang kinukuha ang pera sa wallet ng ina.

Pagkaalis ng kanilang anak, agad na nagtanong itong si Natalie sa mister niyang si Jerry.

Advertisement

“Hon, may problema ba sa opisina? Bakit parang namutla ka ata kanina nang manghingi si Natalie…” ‘di pa natatapos ng babae ang kaniyang tanong ay bigla na lamang tumayo itong si Jerry mula sa hapag-kainan at saka nagpaalam. Naiwan niyang nakabukas ang kaniyang laptop sa mesa.

“Naku, late na pala ako! ‘Di ko napansin. O siya, sige, aalis na ako. Baka gabihin ako nang uwi ha, ‘wag niyo na akong hintayin at sabay na kayong maghapunan mamaya,” anito sabay kuha sa kaniyang bag at nagmadali nang makalabas ng kanilang pintuan.

Napakunot naman ang noo ni Natalie. Katunayan, napapadalas na ang paghihinala niya kay Jerry. Madalas itong wala sa sarili at madalas ay gabi na rin kung umuwi.

Napukaw ng kaniyang atensyon ang laptop na naiwan ng kaniyang mister sa mesa. Nakabukas ito at nalimutang i-off ni Jerry sa pagmamadali nito kanina.

Malaking bagay para kay Natalie ang pagbibigay ng halaga sa “privacy” sa isang relasyon, ngunit ‘di na niya matiis at tila ba isang malaking tukso ang pagkakaiwan ni Jerry sa laptop nitong nakabukas.

Dahan-dahan, binuksan ni Natalie ang e-mail ng mister.

Nakakuha ng kaniyang pansin ang sariling bank account ni Jerry. Nanlaki ang mata niya nang makita ang balanse!

“Ha?! P5,000.00?”

Advertisement

Parehong nanggaling sa nakakariwasang pamilya si Natalie at Jerry, kaya naman simula pa noong sila’y magkasintahan hanggang sa ikasal, hindi nagiging isyu sa kanila ang pera.

Sa pagkakatanda ni Natalie, pumapatak sa P100,000.00 kada buwan ang sinasahod ng kaniyang mister bilang isang arkiteko. Dahil nga simula’t sapul ay hindi naman siya tumigil sa pag-oonline selling niya, kailanma’y hindi naman siya nag-intrega kay Jerry. Nakatoka lamang ito na magbayad ng buwanang kuryente, tubig, at internet nila pati ang tuition fee ni Carlyn. Siya naman ang may sagot sa pagbili ng kanilang mga pagkain at grocery.

Sa kaniyang nakitang balanse ng bank account ng mister, hindi siya mapakali. Ayaw naman siyang kausapin ni Jerry sa tuwing tinatanong niya ito kung may problema. Ngayon, isa lang ang tumatakbo sa isip niya – baka may babaeng pinagkakagastusan ang mister niya!

Dala ng pagkataranta, tinawagan niya ang kaisa-isang kakilala niya sa opisina ng kaniyang mister, ang kaibigan nitong si Ronald. Kaibigan niya rin ang misis nito dahil kaklase ni Carly ang anak nito kaya naman malakas ang kutob niyang magsasabi ito nang totoo sa kaniya kapag tinanong niya ito tungkol sa pambababae ni Jerry.

“Hello, Ronald? Kumusta ka na?” pambungad ni Natalie nang sumagot ng telepono si Ronald.

“Natalie! Eto, ayos naman, nakakaraos kahit papaano kahit napakalaking dagok sa ating lahat ang pagsasara ng kompanya. Kayo, kumusta? Balita ko ayos na ayos pa ring ang online business mo ah!” masigla pa nitong sagot sa kaniya.

“Ha?! Nagsara, ang alin? Ang kompanya niyo? Kailan pa?” halatang walang kaalam-alam na tanong ng babae.

Nahalata naman ni Ronald na tila hindi sinabi ni Jerry sa kaniyang misis ang nangyari sa dati nilang pinagtatrabahuan. Tatlong buwan na kasi ang nakalipas magmula nang magsara ang kanilang kompanya dahil napag-alaman ng mga awtoridad na may ginagawang kabalbalan ang CEO ng kompanya, kaya naman agad itong naipasara at daang-daang tao ang nawalan ng trabaho nang dahil dito. Isa na nga roon ang mister ni Natalie.

Advertisement

“Sorry, Natalie, pero mukhang kayo dapat ang mag-usap ng mister mo. Ayokong makialam, pasensiya ka na. Hindi ko naman alam na hindi pa niya nababanggit sa iyo. O sige, pasensiya ka na talaga. Mabuti pang kausapin mo na lang siya,” pamamaalam ni Ronald sabay baba ng telepono.

Kahit namomroblema si Natalie, kahit paano’y lumuwag ang kaniyang dibdib dahil kanina talaga’y akala niyang nangangaliwa na si mister. Gayunpaman, kailangan niya itong makausap upang mabigyan ng linaw ang lahat. Plano niyang kausapin ito nang masinsinsan sa pag-uwi nito mamayang gabi, ngunit dahil hindi siya mapakali, napagdesisyon siyang tawagan ito at puntahan kung saan man ito naroroon.

“Hon, pwede ba kitang puntahan? Paalis na ako, hawak ko na ang susi ng kotse,” bungad ni Natalie pagkasagot ng telepono ni Jerry.

“Okay sige, pumunta ka na lang sa opisina,” diretsong sagot ng lalaki na labis namang ipinagtaka ni Natalie. Bakit siya nito pinapapunta sa kompanyang nagsara na? Upang makuha ang sagot ay agad na siyang nagmaneho patungo roon.

Pagdating sa opisina, agad na napakunot ang noo ni Natalie sa kaniyang nakita. Nag-iba na ang itsura ng lugar na iyon kumpara sa dati.

“Hon! Nandito ka na pala. Halika sa opisina ko, may mahalaga akong ipapakita sa iyo,” nakangiting bati pa ni Jerry sa kaniya. Sa isip-isip ni Natalie, ano naman kayang paandar ang mayroon itong mister niya?

“Jerry, ‘wag mo nang pakomplikahin pa ang sitwasyon, alam ko na ang mga nangyari. Nakausap ko si Ronald kanina nang makita ko ang laman ng bank account mo. Magsabi ka nga ng totoo sa akin, san ba napupunta ang pera mo? Hindi naman kita hinihingan, hindi ba? Ang gusto ko lang naman, magsabi ka sa akin! Mas marami pang alam ang ibang tao tungkol sa’yo kaysa sa akin na misis mo eh!” himutok ng babae habang inaakay siya ni Jerry papasok sa isang napakalaking silid.

Nang makalapit sa pagkalaki-laking mesa, nanlaki ang mata ni Natalie nang makita ang pangalang nakaukit sa name plate na nakapatong doon.

Advertisement

“Architect Jerry De Guzman, Owner and CEO“

Hindi makapagsalita ang ginang. Hindi niya lubos maintindihan kung ano ang nangyayari. Doon ay binasag na ni Jerry ang katahimikan.

“Hon, oo, tama ka. Nagsara na ang kompanyang ito dahil sa dating may-ari na may ilegal at kalokohan palang ginagawa sa iba niyang mga negosyo. Malapit ako sa mga taong naging katrabaho ko rito, mula sa mga tiga-linis hanggang sa mga pinakamatatagal nang arkitekto rito. Kaya naman napagdesisyunan kong bilhin na lamang ang kompanya at bigyan ng bagong pangalan at pamamalakad,” bunyag ng ginoo sa misis niya.

“E… Bakit hindi mo sinabi sa akin? Bakit inilihim mo pa?! Hindi mo ba alam na masakit para sa isang asawa ang mapaglihiman nang ganito?!” naiiyak nang tirada ng mga tanong nitong si Natalie.

“Wala kasing kasiguraduhan kung magiging matagumpay ang lahat, kaya patawarin mo ako kung inilihim ko sa’yo, hon. Pangako, hinding-hindi na mauulit. Sasabihin ko na ang lahat sa iyo,” anito habang nunuyong niyayakap ang asawa.

Nagtatampo man ay agad ding lumambot itong si Natalie. Aniya, mas ayos nang ito ang sikreto ng mister niya kaysa naman isang querida!

Kaya naman pala nasimot ang bank account nitong si Jerry ay dahil binili niya ang kompanya sa tumataginting na halagang isang daang milyong piso! Wala ring alam si Ronald, ang kaibigan ni Jerry, dahil plano pa lamang pala ng lalaki na tawagan ang kaibigan upang sabihin ang balitang kukunin na siya nito pabalik sa kanilang kompanya.

Hindi naman natakot itong si Natalie na mauwi sa wala ang lahat ng ito dahil napakalaki ng tiwala niya sa kakayahan at husay ng kaniyang mister sa pamamahala at pagpapatakbo ng sarili nitong kompanya.

Advertisement

At hindi nga nagkamali ang babae. Makalipas lamang ang lima pang buwan, agad agad nabawi ni Jerry ang ipinuhunan niya sa pagbili ng kompanyang iyon. Naging kliyente nila ang ilan sa pinakamayayaman at kilalang tao sa Pilipinas. Naging tapat naman ang mga tauhan ni Jerry sa kaniya at lalong pinag-igi ang kanilang pagtatrabaho dahil napakalaki ng utang na loob nila sa lalaki. Kung hindi dahil sa kaniya, ang mga taong ito malamang ay naghahanap pa rin ng malilipatang kompanya ngayon.

Kahit na naging maganda ang kinahantungan ng paglilihim ni Jerry sa kaniyang misis, itinaga niya sa bato na kailanma’y hindi na maglilihim dito. Lalo namang gumanda ang naging relasyon ng mag-asawa nang dahil sa lahat ng nangyari.