Umuwi ng Pilipinas ang Bunsong Kapatid ng Babae Upang Ipakilala sa Kanila ang Fiancé Nito; Magustuhan Niya Kaya Ang Lalaki Para sa Kaniyang Kapatid?
“Kailan ka ba uuwi rito sa Pilipinas para naman makilala namin ang boyfriend mo?”
Iyan ang tanong ni Aling Magda sa kaniyang bunsong anak na si Stephanie na nagtatrabaho bilang nurse sa Germany. Anim na taon na ito roon.
“Soon, Ma! May kailangan lang akong hintayin, yung approval ng vacation leave ko, tapos puwede na akong umalis. Naghahanap pa kasi ng line-up ng mga papalit para sa mga magvi-VL,” sagot ni Stephanie.
Naputol ang usapan nina Aling Magda at Stephanie sa video call nang dumating si Stella, ang panganay na anak ni Aling Magda. Isa naman itong propesor sa isang kilalang pamantasan sa Maynila.
“Oh, narito na pala ang Ate mo. Stella, si Stephanie,” sabi ni Aling Magda.
Lumapit si Stella sa kaniyang ina. Kinuha niya ang hawak nitong cellphone.
“Kailan ka uuwi rito? Sana naman makauwi ka rito bago mag-Pasko,” sabi ni Stella.
“Yes ate. Sinabi ko na kay Mama. Hinihintay ko lang ang approval ng mga boss ko para magamit ko ang vacation leave. Uuwi rin ako para maipakilala ko sa inyo si CJ.”
“CJ? Ahhh… iyong boyfriend mo? Siguraduhin mong matutuwa kami riyan ni Mama ah. Kikilatisin namin,” pabirong sabi ni Stella.
“Oo naman, ate! Pipili ba ako na hindi maipagmamalaki sa inyo? Alam mo namang magkapareho tayo ng taste sa mga boys hindi ba?” ganting biro ni Stephanie.
“Sabagay… siguraduhin mo lang, ah…” pagtitiyak ni Stella. Marami pa silang napagkuwentuhan bago nila naisipang magpaalam na sa isa’t isa.
“Nakakamiss din ang kapatid mo. Kaya ikaw, Stella… maghanap ka na ng mapapangasawa mo. Aba, nauunahan ka na ni Stephanie. Huwag kang masyadong subsob sa trabaho mo, hindi ka naman mayayakap niyan,” sermon sa kaniya ni Aling Magda.
“Ma naman eh. Huwag mo nga akong i-pressure. Sige ka, hindi na ako makakapag-aral ng MA niyan sa States. Hindi ko na masusundan ang yapak mo bilang principal noon,” sabi ni Stella. Si Aling Magda ay isang retiradong guro at dating punungguro sa isang pribadong paaralan.
“Hindi ako nagbibiro, Stella. Masaya ang pagiging isang guro, pero sana naman isipin mo rin ang sarili mo. Wala yata akong nababalitaang nagkaroon ka ng kasintahan eh. Tatandang dalaga ka niyan,” sabi ni Aling Magda.
Habang nakahiga sa kaniyang kama at nagpapaantok ay hindi dalawin ng antok si Stella. Iniisip niya ang mga sinabi ng kaniyang ina. Hindi totoong hindi pa siya nagkaroon ng kasintahan. Hindi lamang niya ito ipinabatid sa kanila.
Si Joaquin ang unang lalaking nagpatibok sa kaniyang pihikang puso, na nakilala niya sa pamamagitan ng isang katrabaho. Nahulog ang kaniyang kalooban sa lalaki. Hanggang sa lihim na naging magnobyo sila.
Subalit dahil sa kaniyang trabaho na kalahati o hindi man buong pagkatao at oras niya ang nasasakripisyo, hindi ito nagustuhan ni Joaquin. Naalala niya, laging sinusumbat sa kaniya ni Joaquin na wala na siyang panahon sa kaniya.
“Ikaw ang gusto kong makasama, Stella. Bigyan mo naman ako ng oras. Iba pa rin kapag kasama kita,” madalas ay sinasabi sa kaniya ni Joaquin noon kapag sila ay nag-uusap sa pamamagitan ng video call.
“Unawain mo naman ako. Marami akong ginagawa sa trabaho,” laging isasagot ni Stella.
“Unawain mo rin ako. Ako ang boyfriend mo at gusto kitang makasama nang madalas,” lagi namang isasagot sa kaniya ni Joaquin.
Hanggang sa dumating ang panahong nakipaghiwalay mismo si Joaquin sa kaniya. Walang nagawa si Stella. Hindi niya maipangako rito ang buong panahon at atensyon niya. Mahalaga si Joaquin, pero para sa kaniya, mas mahalaga ang trabaho, lalo na’t noong mga panahong iyon ay accreditation ng kanilang pamantasan. Nalunod siya sa dami ng mga papeles na kailangang ihanda. Nabalitaan na lamang ni Stella na nangibang-bansa na sa Joaquin subalit hindi na niya inalam kung saang bansa.
Sa wakas, nakatulog na rin si Stella.
Makalipas ang dalawang linggo, naaprubahan na raw ang vacation leave ni Stephanie kaya nakauwi na ito ng Pilipinas. Ang sumundo rito ay si Aling Magda dahil may trabaho noon si Stella. Kasama ni Stephanie, ang kaniyang fiancé na si CJ.
Ganoon na lamang ang pagkatuwa ni Stella nang sa kaniyang pag-uwi ay mabungaran ang kaniyang kapatid. Nagyakap sila nang mahigpit. Na-miss nila ang isa’t isa.
“Namiss kita, hitad ka! Marami ka bang pasalubong sa akin?” tanong ni Stella.
“Oo naman! Nabilhan din kita ng tablet para magamit mo sa work mo. Anyways, nariyan sa komedor si CJ, ipapakilala kita…” at hinila na ni Stephanie ang kaniyang kamay patungo sa komedor.
“Ate Stella, I’d like you to meet my fiancé, CJ. CJ, this is my Ate Stella,” pagpapakilala ni Stephanie.
Tinakasan ng kulay ang mukha ni Stella nang makita ang CJ na tinutukoy ni Stephanie, ganoon din ito. Hindi sila makapagsalita. Walang iba kundi si Joaquin, ang kaniyang kauna-unahan at huling naging kasintahan. Mas gumwapo at mas pumuti ito.
CJ? Saka niya naalala na ang buong pangalan nito ay Carlos Joaquin. Subalit noon, Joaquin ang ginagamit nitong panawag sa kaniya.
Upang hindi mahalata, magiliw na nakipagkamay pa rin si Stella kay Joaquin. Buong puso naman itong ngumiti sa kaniya. Sa panahon ng kanilang dinner ay nanatiling kimi at tahimik sina Stella at Joaquin, ang bumabangka sa kuwentuhan ay sina Stephanie at Aling Magda.
Pagkatapos ng hapunan, naglakas-loob si Stella na kausapin nang sarilinan si Joaquin.
“K-kikilatisin ko muna ang boyfriend mo ah,” paalam ni Stella sa kapatid para hindi ito makahalata.
At pumasok naman sa kaniyang kuwarto si Stephanie. Si Aling Magda naman ay nasa kusina at nagliligpit-naghuhugas ng mga pinagkainan. Nagkasarilinan sina Stella at Joaquin. Binasag nilang pareho ang namumuong katahimikan subalit nagkasabay pa sila.
“Sige, ikaw muna…” nakangiting sabi ni Stella.
“Hindi, ikaw na…” pagpaparaya naman ni Joaquin.
“Hindi nga. Ikaw na muna. Marunong naman akong magparaya,” biro ni Stella. Na ikinatahimik ulit ni Joaquin, at pagkaraan ay natawa na ito.
“Ouch… lalim ng hugot noon. Para sa akin ba iyon?” biro ni Joaquin.
At nagsalaysay si Joaquin kung paano sila nagkakilala ni Stephanie. Nagkrus ang kanilang mga landas sa ibang bansa dahil magkalapit lamang ang ospital at kompanyang pinagtatrabahuhan nila. Ang totoo raw, hindi niya alam na magkapatid sila ni Stella. Napakaliit ng mundo para sa kanilang dalawa.
“Mahal mo ba ang kapatid ko?” tanong ni Stella kay Joaquin, na may espesyal na espasyo sa kaniyang puso.
“Oo, mahal na mahal ko siya. At pakakasalan ko siya. Ok lang ba sa iyo?” malalim ang tanong ni Joaquin. Nag-aarok. Iba ang tingin nito.
“Ayos lang naman sa akin. Tapos na ang nakalipas natin, Joaquin. Mahal na mahal ka ni Stephanie at ayokong masaktan ang kapatid ko. At kung mahal mo rin siya, wala akong karapatan para pigilan kayo.”
Sa araw ng kasal nina Stephanie at Joaquin, nagdurugo man ang puso, masaya pa rin si Stella na nahanap na rin ng kapatid ang lalaking makakasama nito sa hirap at ginhawa, sa kalungkutan at sa kasiyahan.
Para sa kaniya, ang tunay na pagmamahal ay marunong magsakripisyo alang-alang sa kasiyahan ng taong tunay mong minamahal. Pinili niyang huwag nang sabihin kay Stephanie ang nakaraan nila ni Joaquin, na asawa na nito, upang hindi na maging komplikado ang lahat.
Naniniwala siyang darating din ang lalaking magpapatibok sa kaniyang puso at maghaharap sa kaniya sa dambana.