Inday TrendingInday Trending
Nagkakilala ang Binata at Dalaga Dahil sa Isang Payong; Ito na Kaya ang Simula ng Isang Matibay na Relasyon sa Pagitan Nilang Dalawa?

Nagkakilala ang Binata at Dalaga Dahil sa Isang Payong; Ito na Kaya ang Simula ng Isang Matibay na Relasyon sa Pagitan Nilang Dalawa?

Para kay Douglas, si Amelie ang babaeng nakatadhana para sa kaniya.

Nakakalimutan ni Douglas ang paglipas ng maghapon kapag kasama niya ang kasintahan. Katunayan, hindi niya malaman kung talaga bang magkasintahan na sila. Nagkakilala sila sa hindi inaasahang pagkakataon. Hindi niya napipigilang mapangiti sa tuwing naaalala iyon.

“Miss, gusto mo ng payong?” tanong noon ni Douglas sa noon ay basang-basang si Amelie. Biglang bumuhos ang malakas na ulan. May hawak na pinamiling grocery ang magkabilang kamay ng dalaga. Agad itong sumilong sa tapat ng isang convenience store, na nagkataong naroon din si Douglas at nagpapatila ng ulan.

“Hindi kuya, I’m okay. Titila rin po iyan,” pakli nito. Subalit hindi nagpatinag si Douglas. Kung totoo man ang pag-ibig sa unang pagkikita, iyon na yata ang naramdaman niya para sa dalagang may mapupungay na mata, mahabang buhok, at makapal-kapal na labi. Hindi siya pumayag noon na hindi niya makilala ang babae.

“Okay lang naman, Miss. Hindi naman ako masamang tao. Mukhang kailangan mo eh. Heto… kunin mo ang payong ko, hiramin mo muna.”

“Sige na nga… mapilit ka eh. Hindi ko na isasauli ito kapag ibinigay mo sa akin, Kuya,” sabi ni Amelie.

“Ay hindi miss… paborito ko iyan eh. Pahiram ko lang iyan sa iyo. Ibalik mo rin sa akin,” sabi ni Douglas. Kapagkuwa’y bumunot ito ng calling card mula sa kaniyang pitaka at iniabot kay Amelie.

At iyon na nga ang simula ng kanilang pagkakakilala. Benta kay Amelie ang naging paraan ni Douglas upang makilala siya.

“Nakauwi na ako, Kuya. Salamat sa payong,” sabi ni Amelie noon nang siya ay makauwi na. Agad niyang tinawagan ang numerong nakaimprenta sa calling card na ibinigay sa kaniya ni Douglas.

“Miss, kailangan ko na kasi yung payong. Coffee tayo?”

At nagpaunlak naman si Amelie. Nagkita sila sa coffee shop na sinabi ni Douglas. Doon, walang humpay na tawanan at kuwentuhan ang kanilang ginawa. Hindi pa sila nagkasya roon: nanood pa sila ng sine. Hanggang sa makauwi si Amelie. Nakalimutan niyang isauli ang payong ni Douglas, na talaga namang dahilan kung bakit sila magkikita.

“Hayaan mo muna riyan. Mabuti nga hindi mo naisauli… next time na lang? Isauli mo na lang ulit,” sabi ni Douglas. Laking pasasalamat niyang hindi naibigay sa kaniya ni Amelie ang payong. Sinadya niya talagang hindi kunin ito upang magkaroon pa sila ng dahilan upang magkita.

At naging madalas na nga ang kanilang pagkikita; pagtambay sa coffee shop, panonood ng sine, pagkain sa kung saan-saang restaurant. Subalit sa panahong iyon, nakalilimutan ni Amelie na iabot ang payong ni Douglas, na hindi rin naman nito kinukuha.

Hanggang isang araw, isinama ni Amelie si Douglas sa kaniyang bahay. Siya lamang kasi mag-isa.

“Hindi ka ba natatakot mag-isa?” tanong sa kaniya ni Douglas.

“Bakit naman ako matatakot? Lahat ng tao, darating sa puntong kailangang mapag-isa. Saka, bakit naman ako matatakot kung paminsan-minsan, may makakasama ako?” sabi ni Amelie kay Douglas. Pinakatitigan siya nito. Nangungusap ang mga mata. Hindi nakapagtimpi ang binata. Lumapit siya kay Amelie at siniil ito ng halik. Halik na mapusok. Nag-aalab.

Natagpuan na lamang nila ang mga sariling kapwa walang saplot. Hindi lamang isang beses nangyari iyon. Maraming beses. Halos laging nasa bahay ni Amelie si Douglas. Kahit labas-masok na siya sa bahay nito, hindi pa rin niya nakukuha ang payong na ipinahiram kay Amelie.

At ngayong gabi, sa bilang ni Douglas ay dalawang buwan na ang “relasyon” nila ni Amelie. Pagkatapos ng kanilang pagniniig, tinanong niya ito.

“Saan mo gustong magcelebrate ng monthsary natin?”

Napapitlag si Amelie. Kumunot ang noo.

“Monthsary? Bakit kailangan nating mag-celebrate?”

“G-ganoon naman ang ginagawa ng mga magkarelasyon, hindi ba?” sabi ni Douglas.

Natawa si Amelie. Tumayo ito at unti-unting nagbihis.

“Wala tayong relasyon. Wala ito,” sabi ni Amelie.

Napapitlag si Douglas. Mali ba siya nang akala? Ang buong akala niya, nagkakagustuhan at nagkakaintindihan na sila ni Amelie.

“Eh bakit natin ginagawa ang mga bagay na ito kung wala tayong relasyon? Ano ba ako sa iyo?”

Humarap si Amelie kay Douglas.

“Walang tayo, Douglas. Gusto kita pero hindi kita mahal. May fiance na ako. Nasa ibang bansa siya. Dalawang buwan mula ngayon, uuwi siya rito sa Pilipinas at magpapakasal kami.”

Parang pinagbagsakan ng langit at lupa si Douglas. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang mga narinig. Sa mga pelikula, mga lalaki ang kadalasang gumagawa nito sa mga babae. Pero iba ang sitwasyon ngayon. Malinaw: ginamit lamang siya ni Amelie.

“Itigil na natin ito, Doug. Nag-enjoy naman ako sa company mo. Pero akala ko, malinaw sa iyo na hindi ito seryosong relasyon, na laro lamang ito, na we are just two consenting adults, having fun. Pero kung ganiyan na gusto mo na pala ng seryosohan, sorry hindi ko maibibigay. Mahal ko ang boyfriend ko, at magpapakasal na kami.”

Masakit. Iyan ang naramdaman ni Douglas. Hindi kaya ng ego niya ang mga sinabi ni Amelie. Hindi kinaya ng puso niya ang katotohanang gusto lamang siya at hindi minahal. Pampalipas-oras.

Agad na nagbihis si Douglas. Tahimik. Dire-diretso siyang naglakad palabas subalit may naalala. Biglang bumalik.

“Kukunin ko na ang payong ko. Isauli mo na pala.”

May kung ilang sandaling napatanga si Amelie kay Douglas. Kinuha nito ang bag, at inilabas ang payong ni Douglas.

“Salamat sa pagpapahiram sa payong mo,” makahulugang sabi ni Amelie. Hindi kumibo si Douglas. Kinuha niya ang payong. Pagkaraan, walang lingon-likod na lumabas ng bahay ni Amelie at naglakad palayo.

Binuksan ni Douglas ang payong na naging puno’t dulo ng pagkakakilala nila ni Amelie. Mabuti na lamang at hindi pa niya ito nakuha noon sa kaniya. Tamang-tama, dahil nagsisimula nang bumuhos ang malakas na ulan…

Advertisement