Laging “Perfect Attendance” ang Babae Kaya Naman Marami sa Kaniyang mga Kasamahan ang Humahanga at Naiinggit sa Kaniya; Ano Nga Ba ang Dahilan ng Kaniyang Kasipagan?
Bilib na bilib ang mga boss at kaniyang mga kasamahan sa empleyadong si Vanessa. Lagi itong nakatatanggap ng “Perfect Attendance” award buwan-buwan kaya nakakakuha ito ng cash incentive. Ito ang paraan ng kanilang kompanya upang mahikayat ang kanilang mga empleyado na pumasok sa opisina at huwag lumiban.
Bukod sa pagiging perfect attendance talaga namang workaholic si Vanessa. Pagdating na pagdating niya kaagad sa opisina at pagkaupong-pagkaupo sa kaniyang desk, bubuksan na niya ang desktop computer o kaya ay personal laptop at susubsob na sa kaniyang mga nakalistang gawain. Hindi ito makakausap sa chikahan, maliban na lamang kung para sa trabaho ang pinag-uusapan. Pero sa usaping pamilya at lovelife, tikom ang bibig ni Vanessa at hindi siya masyadong nagbabahagi sa mga kasamahan.
Minsan, tinangka ng kaniyang mga kasamahan na ayain siyang sumabay sa kanila sa pananghalian. Nagbabaon na kasi ito at hindi pa nila nakitang sumabay kumain sa sinuman sa canteen ng kompanya.
“Vanessa, kain tayo sa canteen, para makabonding ka naman namin,” aya sa kaniya ni Thelma, na halos katabi lamang niya sa desk.
“Oo nga naman, bonding ba…” sabi naman ni Elmer.
“Tara Vanessa, gusto ka naming makasabay sa pagkain,” sabi naman ni Arah.
Ngumiti naman si Vanessa sa kanila.
“Guys, alam naman ninyo, hindi talaga ako nagpupunta sa canteen. May baon kasi ako, kayo na lamang… salamat,” magalang na tugon ni Vanessa.
Tumango naman ang tatlo at nagtungo na sa canteen. Makalipas ang 15 minuto, muling bumalik ang tatlo at may dala-dalang mga styrofoam ng pagkain.
“Tara na Vanessa, kain na tayo. O ayan ha, bumili na lang kami ng pagkain para makasalo ka namin. Dito na lang kami kakain,” sabi ni Elmer.
Dahil nahiya na rin, kinuha na ni Vanessa ang kaniyang baon.
Habang kumakain, nagtanong-tanong ang tatlo hinggil sa kaniya.
“Napaka-workaholic mo Vanessa. Minsan naman bonding tayo sa labas,” sabi ni Thelma.
“Oo nga naman, Vanessa. Tayo-tayo lang naman. Pero puwede ka namang magsama ng dyowa para hindi ka mailang,” sabi naman ni Arah.
“Naku, wala akong dyowa. Single ako,” diretsong sagot ni Vanessa.
“Ah talaga ba? Akala ko personally may pamilya ka na kasi grabe ka magtrabaho. Baka kako may sinusuportahan ka,” sabi naman ni Elmer na may katabilan ang dila.
“Wala naman. Ano ba kayo. Alam ko marami sa inyo ang naiisip iyan pero I’m single. Hindi lang talaga ako sanay na makipagkaibigan, saka magsayang ng oras,” sabi ni Vanessa.
Nagulat ang tatlo kay Vanessa dahil akala nila, hindi ito masalita at makuwentong tao. Akala nila, hindi nito sasagutin ang mga personal na tanong na magpapakilala kahit paano sa buhay nito.
“Eh bakit ang aga-aga mong pumasok dito sa opisina at ikaw rin ang huling umaalis? Grabe ka, girl! Napaka-dedicated mo sa kompanya at trabaho mo,” sabi ni Arah.
“Oo nga. Siguro gipit ka no, kaya kailangan mo yung cash incentive,” biro ni Elmer at nagkatawanan sila.
“Hindi naman. Hindi ko naman kailangan yung cash incentive para sa sarili ko. Para siguro sa mga tao sa bahay,” sabi ni Vanessa.
“Tao sa bahay? Akala ko ba single ka?” tanong ni Thelma.
“Oo, single ako pero marami kami sa bahay,” sabi ni Vanessa. Kinuha nito ang kaniyang cellphone at ipinakita ang isang larawan. Nagulat ang tatlo. Kung susumahin, 16 silang lahat na nagkakasya sa isang bahay na nagmukhang maliit dahil sa dami nila!
“Magkakasama kayong lahat sa bahay?” gulat na tanong ni Arah.
“Oo. Walo kaming magkakapatid, bukod sa nariyan pa ang mga magulang ko na senior citizen, tapos yung panganay namin na may pamilya na rin, tapos yung dalawa riyan ay tito at tita kong walang trabaho,” sagot ni Vanessa.
“Lahat sila nakaasa lang sa iyo? Sorry ah, medyo personal na itong tanong na ito,” tanong ni Elmer.
“Hindi, ano ka ba… ayos lang. Nagpapasalamat nga ako sa inyo dahil kinakausap ninyo ako at nag-effort kayo na alamin ang buhay ko. Hindi naman kasi ako suplada kagaya ng iniisip ng marami. Anyway, tatlo kaming nagtatrabaho sa pamilya. Kaya kailangan kong kumayod. At isa pa, kaya ako perfect attendance kasi… kasi… ayoko sa bahay,” diretsahang sagot ni Vanessa.
“Paanong ayaw mo sa bahay?” balik na tanong ni Arah.
“Sa totoo lang, ayoko na sa amin dahil nga napakarami na namin. Napakaingay… lalo na kapag naroon na ang mga pamangkin ko. Minsan gusto ko ng katiwasayan, kaya pumapasok na lang ako nang maaga. At para naman sa overtime pay kaya ako nagpapagabi sa pag-uwi. Saka, gusto ko kasi pagdating ko tulog na sila, para walang ingay,” pagtatapat ni Vanessa.
Natahimik ang tatlo. May malalim pa lang dahilan kung bakit laging pumapasok nang napakaaga si Vanessa sa trabaho, at kung bakit naman ito laging huling umuuwi.
“Eh hindi naman sa nanghihimasok… may trabaho ka naman, saka puwede ka naman bumukod…” sabi ni Elmer.
“Naisip ko na iyan noon. Kaya lang, ayoko namang iwanan ang mga magulang namin. Kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanila, you know what I mean. Siguro tiis-tiis na lang muna hangga’t nariyan pa sila,” tugon ni Vanessa.
“Saka, kapag narito ako sa opisina, nakakalimutan ko ang mga problema ko sa pamilya ko. Itinuring ko na kasi rito na pangalawang bahay ko. Kapag nakaupo na ako sa desk ko, pakiramdam ko mas nakikilala ko ang sarili ko, mas tahimik ang buhay ko,” dagdag pa niya.
Humanga naman ang tatlo sa kuwento ni Vanessa. Kung tutuusin, may sapat na pera na ito upang bumukod, subalit iniisip pa rin nito ang kaniyang pamilya.
Simula noon, ganap na naunawaan ng tatlo kung ano ang kuwento sa likod ng pagiging perfect attendance ni Vanessa; hindi lamang pala ito dahil sa cash incentive o pagpapasikat para makakuha ng promosyon sa tungkulin, kundi dahil malungkot ito sa kanilang bahay dahil sa sitwasyong kinalalagyan nito. Naging inspirasyon nila si Vanessa upang mas pag-igihan pa ang kanilang mga trabaho.