Pinili Niyang Tulungan ang Matanda Kahit Marubdob ang Kaniyang Pangangailangan; Nagulat Siya nang Ito ang Magsalba sa Kaniya
Malikot ang mata ni Joey nang pumasok sa tindahan. Napailing siya nang mapansin na maraming tao ang kasalukuyang namimili.
“Naku, mukhang mali yata ang timing ko,” nanlulumong bulong ng binata habang iginagala ang mata sa mga taong abala rin sa pamimili.
Nasa labas na siya ng tindahan nang maramdaman niya ang kalam ng sikmura. Sa kaniyang balintataw ay nakita niya ang isang taong gulang na anak na umiiyak dahil sa gutom.
“Hindi, hindi. Hindi maaari. Kawawa naman ang anak ko.”
Patuloy niyang pinalakas ang loob habang mabilis ang hakbang na muling pumasok sa tindahan.
Nanginginig ang kamay na tinahak niya ang daan patungo sa estante ng mga gatas.
Inabot niya ang pinakaunang nakita at malikot ang matang nilinga ang mga tao sa paligid.
Nang masiguro na walang nagmamasid sa kaniya ay mabilis niyang isinilid ang gatas sa bitbit niyang itim na bag.
Humablot na rin siya ng dalawang balot ng tinapay nang mapadaan sa mga estanteng naglalaman ng kung ano-anong pamatid gutom.
“Tama na siguro ito. Diyos ko, patawarin Ninyo ho ako,” usal ni Joey habang mabilis na naglalakad palabas ng tindahan.
Bumagal ang kaniyang lakad nang mapansin ang isang matanda na mabagal na naglalakad sa kaniyang harapan. Tila hirap na hirap ito sa pagbubuhat ng mga basket na naglalaman ng samu’t saring pinamili.
Akmang lalampasan niya ang matanda nang usigin siya ng konsensiya kaya naman kahit na tutol ang kaniyang kalooban ay nag-alok siya ng tulong sa matanda.
“‘Nay, ako na ho ang magdadala niyan kahit hanggang sa labasan lang,” nakangiting alok niya sa matanda.
Nahihiyang nag-angat ng tingin ang matanda.
“Naku, hijo, hindi na kailangan, nakakahiya naman sa’yo,” agarang tanggi ng matanda.
“Sige na ho, mukhang nabibigatan kayo sa inyong mga pinamili,” pilit ni Joey sa matandang babae.
Pumayag naman ang matanda. Mabagal silang naglakad hanggang sa makarating sila sa babaeng nagbabalot ng mga pinamili.
Lubos ang pasasalamat ng matanda, na sinuklian ni Joey ng mga salitang “walang anuman.”
Tumalikod na si Joey nang marinig ang boses ng matanda. “Naku, nalaglag ko yata ang pitaka ko!”
Agad na bumalik si Joey upang mag-usisa.
“‘Nay, nawala ho ang pitaka ninyo?”
“Oo, hijo. Marahil ay nahulog iyon habang namimili ako,” naiiling na wika ng matanda.
Niingon ni Joey ang daang tinahak nila ng matandang babae.
Namataan niya ang pulang pitaka sa hindi kalayuan. Tinakbo niya ang distansiya at pasimpleng dinampot ang pitaka ng matanda.
Nilinga niya ito. Abala ito sa pakikipag-usap sa babaeng nagbabalot ng mga pinamili nito.
Muling nagtalo ang isip ni Joey. Matindi rin ang pangangailangan niya.
“Gumawa ka na rin naman ng masama, sagad-sagarin mo na!” anang isang bahagi ng kaniyang isip.
“Hindi, hindi. Paano kung lubos na nangangailangan din ang may-ari niyan?” wika naman ng isa pang bahagi.
Sa huli ay pinili niya pa rin ang idinidikta ng puso.
“Hijo, maraming salamat, ha! Ang dami mong naitulong sa akin ngayong araw,” tuwang-tuwang wika ng matanda nang iabot niya rito ang pitakang nahanap niya.
Bagsak ang balikat na naglakad palayo si Joey.
Napapitlag siya nang dalawang guwardiya ang humablot sa kaniya bago pa siya makalabas ng tindahan.
“B-bakit ho?” nahihintakutang tanong niya sa mga ito. Dinala kasi siya sa isang malamig na silid na walang katao-tao.
“Kitang-kita sa CCTV ang pagnanakaw mo,” matapang na saad ng maskuladong guwardiya bago hinablot at itinaktak ang kaniyang bag na naglalaman ng gatas at tinapay.
Nanlaki ang mata ni Joey. Hindi niya alam na may nakakita pala sa ginawa niya!
Takot na takot na napaluhod si Joey sa harapan ng dalawang guwardiya.
“Patawad ho! Nagawa ko lang naman ho iyon dahil sa anak at asawa ko! Walang-wala ho talaga kaming makain! Hindi ho ako masamang tao!”
Hindi na napigilan ni Joey ang mapaluha sa takot.
“Dun ka sa boss namin magpaliwanag!” maangas na sagot ng isa sa mga guwardiya bago siya iniwang mag-isa.
“Diyos ko! Paano na ang mag-ina ko kung makukulong ako?” tumatangis na hagulhol ni Joey.
Alam niya kasi na maari siyang makulong dahil sa pagnanakaw na nagawa.
Muling bumukas ang pinto. Nagulat siya nang makita ang taong iniluwa nito.
Walang iba kung hindi ang matandang babae na tinulungan niya!
Walang salitang umupo ang babae. Makikita sa mukha nito ang malaking pagkadismaya.
“Bakit mo nagawa ito?” seryosong saad ng babae.
“Walang-wala ho kasi akong malapitan. Hindi naman ho maaring hintayin ko na lang mamat*y sa gutom ang pamilya ko.”
“Natanggal ho ako sa trabaho nang magbawas ng mga tao. Simula noon ay unti-unti na hong naubos ang ipon naming mag-asawa. Mayroon ho kaming anak na kailangan ng panggatas. Hindi ho ako masamang tao,” lumuluhang paliwanag ni Joey sa matanda.
“Kanina, may pagkakataon ka na kunin na lamang ang pitaka ko at hindi na iyon ibalik sa akin, bakit hindi mo ginawa?” kunot noong tanong ng matanda.
“Baka ho kasi mas nangangailangan kayo,” nakayukong wika ni Joey.
Hindi niya nakita ang pagsilay ng ngiti sa labi ng matanda.
“Sumama ka sa akin,” masungit na wika ng matandang babae.
Muling napaiyak si Joey. Sigurado kasi siya na dadalhin siya nito sa mga pulis.
Ngunit nagulat siya ng abutan siya nito ng isang malaking basket.
“Kunin mo lahat ng kakailanganin ninyong mag-anak.”
“A-ano h-ho?” paninigurado ni Joey. Hindi kasi siya sigurado kung tama ba ang narinig niya.
“Ang sabi ko, kumuha ka ng lahat ng kailangan niyo,” pag-uulit nito.
“Pero bakit ho? Hindi niyo ako ipapakulong?” tanong ni Joey. Sa mga mata niya ay makikita ang nagbabadyang pagbagsak ng masaganang luha.
“Hindi. Alam ko naman na may mabigat na rason kaya mo nagawa iyon. Tinulungan mo ako nung ako ang nangangailangan, walang rason para hindi ko ibalik iyon,” nakakaunawang sagot ng babae.
Napaluhod na lamang si Joey. Hindi niya inakala na may tutulong sa kaniya sa oras ng matinding kagipitan.
Nahihiya man ay tinanggap niya ang tulong na inialok nito.
Nang paalis na siya ay isang bagay pa ang sinabi nito na nagpaluha sa kaniya.
“Bumalik ka rito bukas. Bibigyan kita ng trabaho,” pangako ng matanda.
Habang pauwi sa kanilang tahanan ay panay ang pasasalamat ni Joey sa nasa itaas. Hindi niya inakala na ang pagmamagandang loob niya ang magsasalba sa kaniya sa pagdurusa.