
Pinandirihan ang Lalaki ng mga Kapwa Pasahero dahil Malansa Ito; Ito pa pala ang Tutulong sa Kanila na Makaligtas sa Panganib
Napabuntong-hininga na lamang si Celso nang makita ang eksenang araw araw niyang kinakaharap sa tuwing magtatrabaho siya – ang pandidiri ng mga tao.
Nagtitinda siya ng isda sa palengke. Bagaman sariwa ang isda na itinitinda niya ay hindi pa rin nawawala ang malansang amoy nito na ayaw na ayaw ng mga tao.
“Manong bayad ho,” nahihiyang wika niya.
Mukhang naiinis din ang driver dahil may mga pasaherong umiiwas sumakay sa jeep nito dahil sa mga pasaherong kagaya niya.
Hindi naman siya maaaring maglakad dahil masyadong mabigat ang dalawang timbang bibitbitin niya.
Tiniis na lamang ni Celso ang mapangutyang sulyap ng mga tao.
“Namumuhay naman ako nang marangal. Wala naman akong naaagrabyadong tao.” ‘Yun ang madalas niyang sabihin sa sarili.
Mabuti na lamang at maikling oras lamang ang ilalagi niya sa jeep dahil hindi naman ganun kalayo ang palengke.
“Salamat naman! Nawala rin ang malansa!” narinig niya pang komento ng isang babae nang bumaba siya mula sa jeep.
Ipinagkibit-balikat na lamang iyon ni Celso at sinimulan niya ang araw nang may ngiti sa labi.
Maganda ang pasok ng araw na iyon dahil madami sa kaniyang suki ang bumili ng kilo kilong isda.
Kaya naman bago mag-alas singko ay nakaligpit na at handa nang umuwi si Celso.
Papunta sa sakayan ng jeep ay bumili pa si Celso ng isang kilong ubas, na paborito ng kaniyang asawa at dalawang chikiting.
Bumili na rin siya ng ng dalawang kilong bigas.
“May tira pa naman na mahigit isang kilong galunggong, ‘yun na lang ang uulamin namin,” sa isip isip ni Celso.
Sa dami ng taong nag-aabang ng masasakyang jeep ay halos alas sais na nang makasakay si Celso.
Narinig niya pa ang pagpalatak ng isang matandang babae ng sumiksik siya sa masikip na jeep kasama ang dalawang timba na may kasangsangan dahil sa isda.
“Manong! Dapat hindi na ho kayo nagpapasakay ng mga nagtitinda ng isda! Ang lansa lansa!” hayagang reklamo ng babaeng aksidenteng nadikitan niya.
Nakita niya rin ang pagtakip ng ilong ng babae sa kaniyang harapan.
Ang lalaki naman na katabi nito ay tila walang pakiaalam at mahigpit ang kapit sa itim na bag nito.
Bagaman nahihiya ay wala namang ibang pagpipilian si Celso kaya naman ipinikit na lamang niya ang mata at ipinahinga ang isipan.
Ngunit ang kaniyang inaantok na diwa ay binulabog ng isang malakas na sigaw.
“Holdap ‘to! Walang kikilos nang masama kung ayaw niyo masaktan!”
Napapitlag si Celso. Hindi niya malaman ang gagawin lalo pa’t halos katapat niya lang ang lalaking may hawak na baril.
Kitang kita niya ang panginginig ng babaeng katabi nito.
“Ilabas niyo lahat ng cellphone at wallet niyo! Ilagay niyo lahat dito!” Inabot nito sa babaeng katabi ang itim na bag na hawak nito kanina.
Sinigawan din ng holdaper ang driver ng jeep.
“Manong! Dire-diretso ka lang sa pagmamaneho! ‘Pag naramdaman kong huminto ka eh bubutasin ng bala ang ulo mo!” pananakot ng lalaki.
Inilibot ni Celso ang paningin.
May mag-asawang matanda na halatang takot na takot sa nangyayari. May isang bata na umiiyak habang pilit itong pinatatahan ng ina nito.
Nang dumating kay Celso ang itim na bag ay nag-aalangan niyang kinapa ang wallet.
“Hoy! Bilisan mo diyan! ‘Wag kang kikilos nang kakaiba kung ayaw mong masaktan!” asik nito sa kaniya.
Minasdan ni Celso ang lalaki. Sa unang tingin ay makikita sa mabangis nitong anyo na tila wala itong takot ngunit nang titigan ni Celso ang lalaki ay nakita niya ang panginginig ng kamay nito na may hawak na baril.
Malikot din ang mata ng lalaki.
Kaya naman sumubok si Celso. Ayaw niya rin naman na makagawa ang holdaper ng bagay na alam niyang pagsisisihan nito.
“Pare, ‘wag mo naman gawin ‘to…” malumanay na pakiusap ni Celso sa lalaki.
Lalong bumangis ang mukha ng lalaki.
“‘Walang magsasalita! Tumahimik ka!” sagot nito kay Celso.
Ngunit walang plano magpatinag si Celso.
“May ibang paraan naman. Kahit nangangailangan ka ay ‘wag mo sanang gawin ito. May mga pamilya din ang mga tao rito,” patuloy na pagsusumamo ni Celso.
Unti-unting lumambot ang ekspresyon ng mukha ng holdaper.
Nagpatuloy si Celso.
“Kung itutuloy mo ‘to, wala naman kasiguraduhan na maaabswelto ka. Mas kawawa ang pamilya mo kung makukulong ka,” dagdag pa ni Celso.
Kitang kita niya ang pagbaba ng lalaki sa hawak nitong baril.
Maya maya ay narinig nila ang paghagulhol ng lalaki.
“Wala naman akong balak manakit. Gusto ko lang talaga na may ipakain sa pamilya ko,” umiiyak na wika ng lalaki.
Walang makapagsalita.
“Pasensiya na kayo kung natakot kayo.” Itinaas ng lalaki ang hawak na baril. “Hindi naman totoo ito. Hindi naman ako kr*minal talaga.”
Nakahinga nang maluwag ang mga pasahero. Pinukol ng nakikisimpatyang tingin ang holdaper.
Isa isang ibinalik ng holdaper ang mga wallet at cellphone na nakuha nito sa mga pasahero.
“Manong! Bababa na ho ako riyan sa kanto!” sigaw nito kapagkuwan.
Agarang itinabi ng driver ang jeep. Akmang bababa na ang lalaki nang may maisip si Celso.
“Sandali!” pigil niya sa lalaki.
Walang pag-aalinlangan niyang inabot sa lalaki ang supot ng bigas, ubas, at isda.
“Para sa pamilya mo. Hindi marami ‘yan pero sana makatulong,” wika ni Celso.
“Maraming salamat, pare.” May simpleng ngiti sa labi ng holdaper bago ito tuluyang bumaba ng jeep.
Nang makababa ang lalaki ay agad agad na umandar muli ang jeep.
Ilang sandali natahimik ang lahat marahil ay sa takot at gulat sa nangyari.
Ngunit maya maya ay napuno ng palakpakan ang jeep dahil pawang bumilib ang mga pasahero sa ginawa ni Celso.
“Mabuti na lamang at nadaan mo sa pakiusap ang lalaki, hijo! Ang pera lang na mayroon kami ay ang pampaospital ng asawa ko,” wika ng matandang lalaki.
Maging ang babaeng nasa harapan niya na kanina lang ay hindi maatim ang amoy niya ay binigyan siya ng isang ngiti bilang pasasalamat.
Ang kanina’y tensiyonadong jeep ay napuno ng tawanan at pasasalamat kay Celso.
Kumalat sa social media ang ginawa ni Celso. Nang mga sumunod na araw, imbes na sulyap ng pandidiri ay puro paghanga ang natamo ni Celso.
Sino nga ba ang mag-aakala na ang lalaking pinandirihan ng mga pasahero ang siya palang sasagip sa mga ito? Lubha talagang mapagbiro ang tadhana.