Inday TrendingInday Trending
Sinisi Niya ang Ina sa Pagkawala ng Ama; Isang Nakagigimbal na Lihim ang Nabunyag Pitong Taon ang Lumipas

Sinisi Niya ang Ina sa Pagkawala ng Ama; Isang Nakagigimbal na Lihim ang Nabunyag Pitong Taon ang Lumipas

Isang maaraw na umaga ay natagpuan ni Sandra ang kaniyang sariling tahimik na nagdadasal at komportableng nakaupo sa tapat ng puntod ng kaniyang ama.

“Ang ganda ng mga nabili kong bulaklak,” natutuwang sambit ng kaniyang kaibigan na si Laura nang dumilat siya nang matapos sa pag-aalay ng dasal sa namayapa.

“Aba, dapat lang! Para yata sa Papa ko ‘yan,” pagbibiro ni Sandra kaya’t nagtawanan ang magkaibigan habang inaayos ang mga pagkaing baon.

Ngayong araw ay ang takda ng ika-pitong taon simula ng pumanaw ang kaniyang ama. Simula ng mawala na ito at iniwan na rin siya ng itinuturing na pinakapaboritong tao sa mundo, ng kaniyang superhero.

“Kumain ka muna at mamaya ka na mag-drama. Lalamig pa ang pagkain eh,” untag ni Laura sa kaniya.

Mabuti na lamang at pinuna siya ng kaibigan dahil masyado siyang nadala ng kaniyang iniisip.

Paminsan-minsan ay para bang nagbabalik sa kaniya ang mga alaala ng kahapon at ang mga napagdaanan niya sa mga nakalipas na taon.

“Malungkot ka na naman!” muling puna ni Laura.

Mapait na napangiti si Sandra. Kilalang kilala talaga siya ng kaibigan.

“Salamat sa pagsama sa akin dito, ha? Taon taon,” pagbabago niya sa usapan.

“Hay naku, mabubuhay ka ba kung wala ako?” pagyayabang pa ni Laura.

Pabiro niyang inirapan ang kaibigan bago siya nagsimulang kumain.

Talaga nga namang napakaswerte niya sa kaniyang kaibigan at hindi nga talaga siya mabubuhay kung wala ito.

Saglit pa silang nanatili doon upang magkwentuhan at para na rin makasama pa ng mas matagal ang kaniyang ama.

“Sigurado ka bang kaya mo na mag-isa?” Dama ni Sandra ang pag-aalala sa boses ni Laura nang makabalik sila sa ospital.

“Kaya ko na, Laura,” matigas na sagot niya sa kaibigan.

Pag-uwi nila galing sementeryo ay agad silang dumiretso sa ospital kung nasaan ang kaniyang nanay dahil sa sakit nito na bre@st canc*r.

“Mag-ingat ka sa mga sasabibin mo dahil alam mo naman kung anong araw ngayon,” muling pagpapaalala ni Laura kay Sandra.

“Oo na. Kanina mo pa sinasabi ‘yan,” pagod na utas ni Sandra sa kaibigan bago siya naglakad papasok sa ospital.

Ngayong araw lamang siya pupunta sa ospital at bibisitahin ang ina sa loob ng isang buwan.

Simula nang pumanaw ang kaniyang ama ay hindi naging maganda ang kanilang relasyon ng kaniyang ina dahil sa isang partikular na rason.

Sa loob ng pitong taon ay sinisi niya ang kaniyang ina sa pagkawala ng ama niya.

Itinuturing niya ang kaniyang ina na para bang ito ang dahilan ng pagkawala ng kaniyang ama.

Puno ng galit ang puso ni Sandra at wala itong espasyo para sa pagpapatawad.

“Magandang gabi, Ma’am,” pagbati sa kaniya ng iilang tao sa ospital na nakakakilala na sa kaniya.

Tipid na ngiti ang kaniyang naging pagbati.

Tahimik niyang binagtas ang daan papunta sa silid ng ina.

Nang matapat na siya sa pintuan ng kwarto kung saan ay nananatili ang kaniyang ina ay nakita niya ang isang pamilyar na mukha.

Nakita niya ang kaniyang tiyahin, kapatid ng kaniyang ama, na kausap ang ina niya. Nakatalikod ang mga ito sa gawi ng pintuan kaya hindi nila napansin ang pagbukas ng pintuan at pagpasok niya.

Subalit tila itinulos siya sa kinatatayuan niya nang marinig ang sumunod na sinabi ng kaniyang ina.

“Kung sana ay nagkaroon ako ng lakas ng loob na sabihin kay Sandra ang totoo, sana ay nayayakap at nahahalikan ko siya kagaya ng dati,” mahinang bulong ng kaniyang ina ngunit sapat pa rin iyon upang marinig niya.

“Anong katotohanan?” naguguluhang sigaw ng kaniyang isip.

“Ginusto mo lang naman ang ikabubuti ng anak mo, Ester,” nakikisimpatyang sambit ng kaniyang tiyahin habang hinahagod ang likod ng kaniyang ina.

Walang naiintindihan si Sandra sa nangyayari kaya’t patuloy siyang nakinig sa usapan ng dalawa.

“Masaya kaya ang aking asawa sa langit sa aking ginagawa? Sa pagtatago ko ng katotohanan mula sa aming anak?” muling sambit ng kaniyang ina habang nakatingin sa kaniyang tiyahin.

Gustong maunawaan ni Sandra ang ibig sabihin ng ina kaya hindi niya na napigila ang sarili na sumabat.

“Katotohanan? Anong ibig ninyong sabihin?” nanghihinang usisa ni Sandra.

Bumakas ang gulat sa mukha ng dalawa.

“Anak! S-sandra, a-anong ginagawa mo d-dito?” Kitang kita niya ang pamumutla ng ina.

“Ano ang itinatago niyo sa akin?” galit na sigaw ni Sandra sa ina.

“Sandra! Huwag mong sinisigawan si Ester, nanay mo pa rin siya!” pagdepensa ng kaniyang Tita Miriam.

“Tita! Alam niyo rin ho ba ‘yung sikreto nila? Sabihin niyo sa akin.” Desperadong bumaling si Sandra sa tiyahin.

Nilingon nito ang kaniyang ina na tahimik na nakayuko lamang.

“Ester, oras na para malaman niya ang katotohanan,” narinig niyang bulong nito sa kaniyang ina.

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ng kaniyang ina bago ito nagsimulang magkwento.

“Ang papa mo, Sandra… ang kaniyang pagkasawi sa sunod ay hindi ko kasalanan,” pagsisimula nito.

Lumakas ang kabog ng dibdib ni Sandra sa sinabi ng ina.

“Sigurado akong pinat@y ko ang tangke ng gas noong lumabas ako. Alam kong hindi ko maaaring iwan iyon dahil tulog ang papa mo at kayong dalawa lang ang tao sa bahay.”

“Nakita sa CCTV na ikaw ang nagbukas ng kalan, anak. Marahil ay naglalaro ka noon. Iyon ang naging dahilan ng sunog.”

Humahagulhol na ang kaniyang ina nang huminto ito sa pagkukwento.

Si Sandra naman ay agad na natigilan na para bang tumigil ang paggana ng kaniyang utak. Para bang tumigil sa pag-inog ang kaniyang mundo.

Tila iyon isang masamang panaginip at gusto niya nang magising.

Nang mahanap niya ang tinig ay tinanong niya ang ina ng bagay na bumabagabag sa kaniya.

“P-pero bakit hindi niyo po sinabi sa akin? Bakit hinayaan niyong sisihin ko kayo?” naluluhang tanong niya sa ina.

“Dahil ayokong sisihin mo ang sarili mo, anak. Bata ka pa noon at hindi mo alam ang iyong ginagawa,” paliwanag ng kaniyang ina.

Napaikit nang mariin si Sandra. Dumagsa kasi sa alaala niya ang mga masasakit na salitang nasabi niya sa ina.

Patuloy ang pagtulo ng masaganang luha sa mata ni Sandra.

“Sorry, Mama! Ako pala ang dahilan kung bakit maagang nawala si Papa!” Hindi maampat ang pagtulo ng luha ni Sandra.

“Pati ikaw, sinisi ko! Sorry, Mama!” patuloy sa pagtangis si Sandra.

Puno ng pagsisisi ang puso ni Sandra dahil sa pagtrato niya sa kaniyang ina at pagsasayang niya ng pitong taon.

Mahigpit na niyakap siya ng ina.

“Walang may gusto sa nangyari, anak. Alam kong hindi gugustuhin ng tatay mo na ganiyan ka.” Hinaplos nito ang buhok niya.

Nang gabing iyon, napanaginipan ni Sandra ang kaniyang ama.

Masaya na raw ito kung saan ito naroroon, kaya wala na siyang dapat pang ipag-alala.

Noon ay napagtanto niyang napatawad na siya ng ama.

Paggising ni Sandra ay mukha ng ina ang nabungaran niya.

“Salamat, Mama. Salamat sa pagtitiis para sa akin,” wiika niya sa ina.

Malaki ang pasasalamat ni Sandra dahil sa sakripisyo ng ina. Hindi niya alam kung kakayanin ng kaniyang konsensiya kung sinabi nito noon na siya ang dahilan kaya maagang kinuha sa kanila ang kaniyang ama.

“‘Wag mo nang isipin ‘yun, anak. Ang mahalaga sa akin ay maayos ka,” nakauunawang sagot ng kaniyang ina.

Muli lang napaiyak si Sandra. Naisip niya kasi na tunay ngang walang kapantay ang pag-ibig ng isang ina sa anak nito. Napakapalad niya.

Nang gumaling ang ina mula sa sakit nito ay agad nilang binisita ang ama sa sementeryo.

“Patawad, Papa. Sana ay masaya ka diyan dahil masaya na kami ni Mama,” bulong niya sa hangin.

Nang umihip ang malakas na hangin ay alam ni sandra na hudyat na ‘yun para tapusin niya ang kalungkutan at magsimula na ng bagong buhay kasama ang kaniyang ina.

Advertisement