Isang Mag-asawa ang Sangkot sa Isang Aksidente; Malaking Lihim ang Natuklasan ng Nagmamaneho ng Sasakyan

“Ayos lang po ba kayo?” tanong ni Rachelle na bumaba mula sa kotse. Sa harap niya ay ang dalawang matanda na muntikan niya nang masagasaan. Mabuti na lang at nakapagpreno siya agad kaya gasgas lang ang tinamo ng mga ito.

Tinulungan niya ang mag-asawa na tumayo.

“Salamat, hija. Pasensiya na, hindi namin nakita ang sasakyan mo,” sabi ng matandang lalaki.

“Pasensiya na rin po. May sugat kayo, kailangan natin ‘yang gamutin.”

May mga sugat ito sa braso nito na dumudugo pa.

“Ayos lang. Malayo naman ito sa bituka,” pagtanggi ng dalawa.

Iginiit niya rito na mas makakampante siya kung hahayaan siya ng mga ito na dalhin sila sa pagamutan dahil tingin niya ay responsibilidad niya pa rin.

“Ako ang magbabayad, ‘wag kayong mag-alala.” sabi niya pa nang maisip na baka kaya ayaw pumayag ng mga ito ay dahil sa bayad.

Advertisement

Sa huli ay pumayag rin ang matandang lalaki. Inalalayan nito ang asawa na panay lamang ang tingin sa kaniya.

Binuksan niya ang pinto ngunit bago pa sumakay ang matandang babae ay tinanong siya nito.

“Anong pangalan mo?”

Nahihiwagaan siyang ngumiti rito. “Rachelle po. Kayo po ba?”

“Ang pangalan ko ay Carmela.”

Tumango siya at ngumiti. Sa ‘di malamang kadahilanan ay napakagaan ng loob niya sa mag-asawa.

“Ako naman si Danilo,” pagpapakilala rin ng matandang lalaki.

Pumasok na sila sa loob ng sasakyan at mabilis siyang nagmaneho papunta sa pinakamalapit na pagamutan.

Advertisement

“Ilang taon ka na, Rachelle?”

Nanatili ang kaniyang mata sa daan. Gayunpaman, sinagot niya ang tanong nito. “Dalawampu’t tatlong taong gulang po.”

Tinantiya niya tuloy ang edad ng mga ito at sa palagay niya ay nasa mga singkuwenta anyos na ang dalawa.

“Kasing-edaran mo ang anak ko,” komento ni Nanay Carmela.

Ngiti ang isinagot ni Rachelle dito.

“Oo nga pala. Pwede ko po bang tawagan ang mga anak niyo para alam nila ang nangyari?” tanong niya nang maisip na baka nag-aalala na nga ang mga anak ng mga ito.

Sandaling nag-isip si Tatay Danilo bago sumagot.

“Hindi naman siguro kami magtatagal doon dahil simpleng gasgas lang naman ang mga ito.”

Advertisement

Kaya kahit na gusto niya ulit kumontra ay tumango siya bilang respeto sa kagustuhan nito.

Ginamot agad ng mga nurse ang sugat ng mga ito sa braso at nanatili lamang siya hanggang sa matapos.

“Sigurado po ba kayong ayos lang sa inyo na iwan ko na kayo dito?” Tumawag kasi ang kaniyang ina at pinapauwi na siya dahil may kailangan daw itong sabihin.

Tumango si Tatay Danilo. “Oo ‘wag kang mag-alala dahil —”

Hindi nito natuloy ang sasabihin nang bigla na lang sumigaw si Tatay Danilo.

“Carmela!”

Nang linguin nila ay naka hawak na ito sa kaniyang dibdib at tila nahihirapan na huminga.

Agad naman nila itong dinaluhan. Nagtawag siya agad ng doktor ngunit nawalan na ito ng malay.

Advertisement

Mabuti na lamang at agad itong nahawakan ng asawa.

Dinala ng mga ito ang ginang sa isang kwarto at naiwan siyang windang sa nangyayari.

“‘Ma, pasensiya na at mukhang mamaya pa ako makakauwi. May nangyari lang,” hinging paumanhin niya sa naghihintay na ina. 

“Bakit? Nasaan ka, anak?”

Bumuntong-hininga siya habang nakatingin sa may emergency room. “Nasa ospital po. Uuwi rin ako mamaya.”

“Ha? Bakit ka nasa ospital? May nangyari ba sa’yo?” tarantang bulalas nito.

Natawa siya sa ina. “‘Wag ka mag-alala, Mama. Ayos lang ako at walang nangyari sa akin.”

Ngunit kahit na anong sabi niya na ayos lang siya ay hindi pa rin kumakalma kaya nang tanungin nito kung nasaan siya ay sinabi niya rito ang eksaktong lugar. Alam niyang pupuntahan siya nito.

Advertisement

Hindi na iyon bago kay Rachelle. Overprotective talaga ang kaniyang mga magulang, lalo na ang kaniyang ina, pagdating sa kaniya.

Akala niya noon ay dahil sakitin siya mula pagkabata ngunit alam niya na ngayon ang totoo matapos nitong ipagtapat ang totoo ilang araw matapos nilang umuwi mula sa Amerika.

Hindi magkaanak ang mga ito kaya napadesisyunan ang mga itong ampunin siya.

Gayunpaman, mahal na mahal siya ng mga kinikilalang magulang.

“Pasensya na, hija. Pwede bang tawagan mo ang aking mga anak? Mukhang kailangan naming manatili dito, baka matakot ang mga iyon, bata pa eh,” balisang pakiusap ni Tatay Danilo.

Wala ang doktor na nag-aasikaso sa asawa nito at wala pa ring malay ang babae.

“Kamusta daw po si Nanay?” usisa niya sa lalaki.

“Inatake lang siya ng kaniyang sakit,” sagot nito.

Advertisement

Ibinigay niya rito ang kaniyang cellphone para ito ang kumausap sa anak. Hinayaan niya lamang ang mga ito na mag-usap habang siya ay tinatanaw ang ginang na walang malay.

Hindi niya man personal na kakilala ang mga ito ay ganun na lamang ang kaniyang pag-aalala.

“Salamat. Ihahatid na raw sila dito,” sabi ni Tatay Danilo nang ibalik ang kaniyang cellphone.

Tumango siya at inisip niyang sasamahan niya ito hanggang sa dumating ang mga anak nito para hindi ito mapag-isa. Nanatili sila sa loob ng kwarto habang naghihintay, maya-maya pa ay tumawag na ang anak ni Tatay Danilo at sinabing nasa ospital na ito. 

“Pwede bang maiwan ka muna rito at susunduin ko lang sila?” tanong nito na tinanguan niya. Maya-maya lamang ay tumunog ang kaniyang cellphone.

“Anak? Nasaan ka? Nandito na ako sa ospital,” bungad ng kaniyang Mama nang sagutin niya ang tawag nito. 

Tama nga ang hula niya. Pinuntahan siya nito.

“Nasaan ka, Mama? Pupuntahan kita diyan.”

Advertisement

“Nasa may labas.”

Kaya lang ay naisip niya bigla na walang magbabantay kay Nanay Carmela kapag umalis siya kaya sinabi niyang hintayin muna siya nito.

“‘Wag ka magmadali! May nakita akong kakilala,” tarantang wika ng kaniyang ina bago nito pinutol ang tawag.

Narinig niya ang mahinang boses ni Nanay Carmela na nagigising na, hinahanap nito ang asawa. Ngumiti siya dito at hinawakan ang kamay nito.

“Tatawagin ko po si Tatay Danilo,” wika niya sa babae.

Tumayo siya ngunit bumukas ang pinto. Nagulat siya nang ang kaniyang ina ang bumungad, kasunod si Tatay Danilo.

“‘Ma?”

“Anak!” magkasabay nilang sinabi.

Advertisement

“Magkakilala kayo?” tanong ni Tatay Danilo na nalilito.

Hindi agad nagsalita ang kaniyang ina.

Nagulat siya nang tawagin nito si Nanay Carmela at agad na nilapitan para kamustahin. Natahimik siya. Hindi akalain na ito pala ang kakilalang tinutukoy ng kaniyang Mama Ingrid.

“Kung ganoon, siya ba si…” sabi ni Tatay Danilo na nakatingin sa kaniya.

Nalilito siya sa nangyayari lalo na nang unti-unti ay tumango ang kaniyang Mama. Nangilid ang luha ni Nanay Carmela.

Hindi siya makapaniwala sa sumunod na sinabi ng kinikilalang ina.

“Si Rachelle Daniela. Ang anak niyo, Carmela, Danilo,” nanginig ang boses ng kaniyang ina.

Alam niyang hindi siya nito tunay na anak ngunit mas lalong hindi niya akalain na ang mag-asawang Danilo at Carmela pala ang kaniyang tunay na mga magulang.

Advertisement

Nangilid ang kaniyang luha lalo na nang yakapin siya ni Tatay Danilo at maging ni Nanay Carmela kahit na hirap ito sa pagtayo.

“Ipinaampon niyo po ba talaga ako?”

Gusto niyang malaman kahit na kahit minsan ay hindi sumama ang kaniyang loob sa mga ito. Alam niyang may na dahilan kung bakit iyon ang naging desisyon at dahil mahal na mahal niya rin ang kaniyang magulang at alam niyang mahal rin siya ng mga ito.

“Patawarin mo kami, anak. Wala kaming pagpipilian dahil hindi namin kayang ipagamot ang sakit mo. At si Ma’am Ingrid… gusto ka niyang ipagamot pero kailangan mong lumipad sa ibang bansa. Mas madali ang proseso ng papeles kung legal ka nilang aampunin kaya pumayag kami dahil ‘di naman namin kayang pabayaan ka lang,” paliwanag ng kaniyang ina na tumatangis. 

Ngumiti siya rito. Naiintindihan niya ang lahat. 

“Patawarin mo rin ako, Rachelle. Ngayon ay napagtanto ko ng napaka-makasarili ng aking ginawa. Inilayo kita sa iyong magulang kahit na hindi ko sinasadya,” sabi naman ng kaniyang kinikilalang ina.

Niyakap niya ang kaniyang dalawang ina. Mahal na mahal niya ang mga ito. Ang kaniyang tunay na ina at ang babaeng tumayong kaniyang simula pagkabata.

“Salamat at lumaking maintindihin ang inyong anak, Carmela… Danilo,” nakangiting saad ng kaniyang Mama Ingrid kahit na hilam sa luha ang mata nito.  

Advertisement

Hinawakan niya ang kamay nito. “Anak niyo. Anak mo pa rin ako, Mama. Hindi iyon kailanman magbabago,” puno ng pasasalamat na pagtatama niya sa ina. 

Ipinakilala rin sa kaniya ang mga kapatid na si Daniel at Carla.

Walang pagsidlan ng saya ang puso ni Rachelle. Sa wakas ay nahanap niya ang nawawalang parte ng kaniyang pagkatao.

Gaano nga ba kalaki ang tiyansa na sa aksidente pa nag-krus ang landas niya at ng kaniyang mga tunay na magulang? Napakaliit nga naman ng mundo.