
Ayaw ng mga Magulang ng Babae sa Manliligaw Nito Dahil Mahirap Ito at Mahina Raw ang Kokote; Mas Sinuwerte pa Pala Ito sa Huli
Matagal nang nanliligaw si Timothy kay Shiela ngunit hindi siya gusto ng dalaga maging ang mga magulang nito ay ayaw sa kaniya.
“Shiela, bigyan mo naman ako ng pagkakataon na patunayan ang sarili ko sa iyo!” wika ng binata.
“Sorry, pero hindi ikaw ang tipo kong lalaki, eh,” sagot ng dalaga.
Nagmula lang kasi sa mahirap na pamilya si Timothy. Ang mga magulang niya ay nagtitinda lang sa palengke at ang binata ay mahina pa ang ulo at tamad na mag-aral kaya hindi ito pumasa sa panlasa niya at ng kaniyang mga magulang.
Matapos niyang bastedin si Timothy ay isa na namang lalaki ang nagpahayag ng damdamin nito para sa kaniya at iyon ay walang iba kundi si Kian.
Nagmula sa mayamang pamilya ang binata at nakapagtapos sa kursong Medisina na may makataas pang karangalan. Nag-top notcher pa ito sa board exam. Matalino si Kian na kabaligtaran ni Timothy kaya botong-boto rito ang mga magulang niya.
“Naku, anak huwag mo nang pag-isipan pa, si Kian ang nababagay sa iyo, matalino, at nanggaling sa mayamang pamilya. Siya ang makapagbibigay sa iyo ng magandang buhay,” payo ng kaniyang ina.
“Mas ‘di hamak na mas boto ako kay Kian sa Timothy na iyon na mahirap na nga, bobo pa. Wala kang mapapala sa lalaking iyon!” gatol pa ng kaniyang ama.
Habang nakahiga sa kama ay pinag-isipan maiigi ni Shiela ang sinabi ng mga magulang at sa naging desisyon niya ay tiyak na hindi siya magsisisi.
Sinagot niya si Kian at sila ay naging opisyal na magkarelasyon. Nagbuhay prinsesa talaga siya nang maging kasintahan ang binata. Palagi siya nitong hatid sundo sa trabaho gamit ang magara nitong kotse. Gabi-gabi ay kumakain sila sa mamahaling restaurant at palagi siya nitong binibigyan ng mamahaling mga regalo. Nireregaluhan siya nito ng mga mamahaling alahas, gadgets, damit at mga sapatos.
Pati mga magulang niya ay naambunan ng suwerte dahil pati ang mga ito ay binibigyan ng pera ng binata para sa pang-araw-araw na gastusin. Nireregaluhan din nito ng mga alahas ang mga magulang niya.
“Masaya ka ba, babe?” tanong ni Kian.
“Oo, babe, wala na talaga akong mahihiling pa!” aniya.
Hindi na inaksaya ni Shiela ang pagkakataon at agad na nagpakasal sa binata. Sa una ay patuloy ang pagbubuhay prinsesa niya ngunit napansin niya na habang tumatagal ay nagbabago ang ugali ng asawa. Pinagbubuhatan na siya nito ng kamay at sinasaktan sa tuwing nagkakaron sila ng pagtatalo.
“Ano’t gabi ka na naman umuwi? Hindi ka naman ganyan dati ha!” aniya.
“Puwede ba, huwag mo akong pakikialaman sa gusto ko, asawa lang kita!” sabi ng kaniyang asawa sabay sinampal siya nito nang malakas. Sinikmuraan pa siya nito na agad niyang ikinabuwal.
Wala na siyang nagawa kundi ang umiyak sa isang tabi.
“Bakit ka nagbago?” hagulgol niya.
Imbes na magpaliwanag ay sinuntok siya nito sa tiyan na agad niyang ikinabuwal. Sa sobrang sakit ay hindi niya nakayanang tumayo. Halos gabi-gabi ay sinasaktan siya ng asawa kapag umuuwi ito nang lasing.
“Tama na, Kian! Nasasaktan ako!” Hiyaw niya nang bigla na lamang siya nitong sampalin sa mukha nang ubod lakas.
“Ughh… bakit mo sa akin ‘to ginagawa, Kian?”
“Wala, gusto ko lang!” natatawang sagot ng lalaki.
Nang minsan dumalaw siya sa bahay ng mga magulang ay ikinuwento niya ang ginagawang pananakit sa kaniya ng asawa.
“Ma, Pa, hindi ko na po kaya ang mga sampal at suntok ni Kian!” umiiyak nitong sumbong.
“Ang walang hiyang iyon! Kailan ka pa niya sinasaktan?” tanong ng kaniyang ama.
“Buhat po nang naging mag-asawa kami. Akala ko mabait siya, akala ko mabait siya at hindi niya ako sasaktan pero ‘yun pala!” patuloy na paghagulgol ni Shiela.
“Huwag ka nang bumalik sa inyo. Dumito ka na lang. At kapag pumunta dito ang lalaking iyon at kinuha ka ay kami ang makakalaban niya!” galit na wika naman ng kanyang ina.
“Gusto ko na pong makipaghiwalay sa kaniya. Ayoko na pong makisama sa kaniya. Hindi ko na po kaya ang mga pananakit niya,” iyak niya sa mga magulang.
“Kung iyan ang desisyon mo ay susuportahan ka namin, anak,” tugon ng ama.
Nang minsan lumabas siya ng bahay ay nakita siya ng kaibigan niyang si Maricar.
“Uy, Shiela kumusta ka na? Mabuti at dumalaw ka rito sa atin!” masayang sabi ng kaibigan.
“A, e. oo. D-dinalaw ko sina mama at papa.”
“Bakit hindi mo kasama ang asawa mo?”
“A, e, b-busy kasi siya kaya hindi siya nakasama,” palusot niya.
“Ganoon ba? Napakasipag naman ng asawa mo kahit mayaman na sila. Napakaswerte mo rin kay Kian ‘no dahil bukod sa mapera na, matalino at mabait pa. Alam mo napakaswerte rin ng napangasawa ni Timothy, yung ex mo,” hayag ni Maricar.
“Si T-Timothy, may asawa na?”
“Oo, may asawa na rin siya. Napangasawa niya si Almira, iyong kaklase natin noong high school. Alam mo napakasuwerte rin niya dahil si Timothy ang napangasawa niya. Kahit hindi nakapagtapos sa pag-aaral ay nakapagpundar siya ng maliit na negosyong bigasan na napaunlad niya. Sa ngayon ay ang bigasan ng kanilang pamilya ang pinakamalaking bigasan sa lugar natin. Maganda na ang pamumuhay nila ngayon. Pinahinto na niya sa pagtatrabaho ang mga magulang niya at kasama na lang niyang nagpapatakbo ng kanilang lumalaking negosyo. Kahit hindi matalino ay napakamadiskarte at maabilidad ni Timothy kaya mula sa hirap ay umunlad ang buhay niya. Naku, balita ko ay napakabait na asawa sa kaniyang maybahay.”
Sa sinabi ng kaibigan ay nakaramdam siya ng inggit at labis na panghihinayang. Kung mas pinili niya sana si Timothy kaysa kay Kian at hindi hinusgahan ang pagkatao nito’t ipinaglaban sa mga magulang ay maganda sana ang buhay may-asawa niya at hindi nakaranas ng pananakit. Matalino nga at mapera ang kaniyang napangasawa ngunit mapanakit pala ito at isang marahas na kabiyak samantalang ang lalaking hindi niya pinili dahil mahirap lang at mahina ang ulo ay isa palang maabilidad, masipag at mabuting tao. Sa isip niya ay nasa huli talaga ang pagsisisi.
‘Di nagtagal ay napagdesisyunan ni Shiela na makipaghiwalay na sa kaniyang asawa at patuloy pa ring naiinggit sa dati niyang kaklase na si Maricar dahil napunta ito sa tamang lalaki, lalaking mapagmahal at maabilidad.