Binastos ng May-ari ng Restawran ang Isang Kostumer na Hindi Kaaya-aya ang Hitsura; Ibayong Pagsisisi ang Madadama Niya Kapag Nalaman Niya kung Sino Ito

“Gusto kong maging maayos ang lahat. Malinis, maaliwalas at maganda! Nagkakaintindihan ba tayo?”

“Yes, sir!”

Matapos manduhan ang kaniyang mga empleyado sa pagmamay-aring kainan ay agad na naupo sa kumportableng upuan si Leandro. Gusto niyang maging maganda ang araw niya ngayon dahil may inaasahan siyang isang bisita na magpapaangat sa kaniya, laban sa kaniyang mga kakompitensya!

Matagal nang bali-balita sa mga pahayagan ang tungkol sa pagdating ng isa sa pinakasikat at inirerespetong food critique na si Arnold Cueva upang suriin ang ilan sa pinakamagagandang kainan sa kanilang lugar. Bagaman hindi pa nakikita ni Leandro ang histura ng naturang food critique, dahil sinasabing madalas ay paiba-iba ito ng fashion style at mahirap itong ma-recognize ay sigurado naman siyang madali niya itong makikilala dahil sigurado siyang mukha itong mamahalin sa tindig pa lang.

Hindi niya maiwasang makadama ng labis na kasabikan sa isiping maaaring mamarkahan ng naturang food critique ang kanilang restaurant bilang isa sa pinakaprestihiyosong kainan sa bansa na paniguradong mas ikasisikat pa nila! Pihadong dadayuhin sila ng napakaraming customers na siyang magdadala naman sa kaniya ng limpak-limpak na salapi!

Ngunit tila hindi umaayon ang tadhana kay Leandro dahil pagkalabas na pagkalabas pa lang niya sa kaniyang opisina ay ang siya namang pagpasok ng isang wirdong lalaki… isa itong malaki, mataba at balbas saradong lalaki na nakasuot ng isang simpleng puting t-shirt at kupas na pantalong maong! Ang malala pa, mukhang ilang araw na itong hindi nakaligo!

“Sandali, paano ka nakapasok dito?!” bungad ni Leandro sa nasabing lalaki. “Hindi ka p’wede rito, labas!” aniya pa.

“Ano?!” nanlalaki naman ang mga matang tanong ng nasabing lalaki. “Bakit bawal?!”

Advertisement

“Hindi p’wede ngayon dito ang mga katulad mo! May importanteng bisita akong inaabangan at baka mandiri sila kapag nakita ang hitsura mo! Baka isipin pa niya na cheap ang restaurant ko dahil sa ’yo!” patuloy pang pambabastos ni Leandro sa naturang customer.

Akmang sasagot na sana ito nang biglang mabaling ang atensyon ni Leandro sa bagong pasok na binata. Nakasuot ito ng magarang damit at mukha itong modelo!

“Mukhang ito na ang hinihintay ko,” sambit ni Leandro at muling binalingan ang lalaking balbas-sarado. “Pagbibigyan kita ngayon dahil ayaw kong mapahiya sa bisita ko!” aniya pa bago niya ito tinalikuran.

Iling na lang ang tanging naisagot ng naturang lalaki habang si Leandro naman ay patuloy na inasikaso ang makisig na binatang kapapasok lang.

Inihain ni Leandro ang lahat ng pinakamasasarap nilang putahe sa harapan ng nasabing binata na may magandang hitsura, habang ang lalaking balbas-sarado naman ay kinailangang maghintay ng halos kalahating oras upang matikman ang kaniyang in-order na pagkain!

Hinintay ng balbas-saradong lalaki ang kaniyang in-order sa abot ng kaniyang makakaya ngunit maging ang mga crew sa kainang iyon ay hindi rin naging maganda ang trato sa kaniya. Ang mga tingin nila ay may halong panghuhusga at animo siya ay pinandidirihan nila!

Dahil doon ay nanggagalaiti itong tumayo at nilapitan ang may-aring si Leandro.

“Ganito ba ang ipinagmamalaking serbisyo ng kainang ito?” nangingising anang lalaki na nakakuha ng atensyon ng lahat. “Napakapangit!” sabi pa nito.

Advertisement

“At sino ka para mag-complaint?” galit namang ganti ni Leandro. “Pasalamat ka pa nga at pinapasok ka namin dito! Kung hindi lang ako nahihiya sa food critique na si Mr. Arnold Cuevo, na narito ngayon sa tabi ko ay baka kanina pa kita ipinakaladkad sa mga guwardiya namin!”

“Wait—hindi Arnold Cuevo ang pangalan ko!” biglang singit naman ng makisig na lalaking kanina pa inaasikaso ni Leandro! “Kaya pala nagtataka ako kung bakit ganito kaganda ang pag-aasikaso sa akin ng mismong may-ari nitong restaurant ay dahil inaakala mong ako ang food critique na dadalaw dito ngayon?”

Biglang nasapo ni Leandro ang kaniyang noo nang marinig ang tinuran ng lalaking napagkamalan niyang Arnold. “K-kung gan’on, nasaan ang tunay na Arnold Cuevo?!” malakas na aniya.

Halos manigas naman sa kaniyang kinatatayuan si Leandro nang biglang iabot ng balbas-saradong lalaki ang kaniyang ID bago ito nagsalita. “Tinatanong mo kung sino ako, hindi ba? Ako lang naman ang totoong Arnold Cuevo na hinahanap mo!”

Halos malaglag ang panga ni Leandro sa kaniyang nalaman. Huli na para bawiin niya ang kaniyang mga naging pagtrato sa food critique na kaniyang pinaghahandaan dahil lang nagkamali siya ng panghuhusga sa hitsura nito! Sa mga sandaling iyon, alam ni Leandro na iyon na rin ang simula ng kaniyang pagbagsak. Ngayon ay puro na lamang pagsisisi ang kaniyang nararamdaman ngunit wala nang magagawa iyon ngayon.