
Hiniwalayan ng Kaniyang Nobya ang Lalaki Dahil Isa Lamang Siyang Hamak na Utusan; Sa Huli ay Napatunayan Niyang Mali Ito sa Sinabi Nitong Wala Siyang Mararating sa Buhay
“Oh Boyet, bakit narito ka pa? Hindi ba’t nagpaalam kang aalis ka?”
Napalingon si Boyet, 21 taong gulang, sa bagong gising na among si Don Rafael, 65 taong gulang, isang haciendero, at nagpapalakad ng isang koprahan. Mag-isa na lamang ito sa buhay. Hindi nakapangasawa. Hindi naman alam ni Boyet kung may mga kaanak pa ito sa ibang bansa.
Si Boyet naman ay ang pinagkakatiwalaang utusan ni Don Rafael, na anak ng dati nitong utusan din na si Mang Pedring. Namayapa na ang kaniyang mga magulang kaya si Boyet ang pumalit sa puwesto ng kaniyang ama.
“Tinitiyak ko lang ho na maayos ang lahat bago ako mag-day-off. Dalawang araw din ho akong mawawala,” sagot ni Boyet. Sabado at Linggo ang day off ni Boyet.
“Napakasipag mo talaga, Boyet. Kaya ko na iyan. Nariyan naman si Perlita,” sabi ni Don Rafael. Si Aling Perlita ang stay-out na kasambahay na siyang naglalaba at namamalantsa para kay Don Rafael.
Masigla si Boyet sa araw na iyon dahil muli na naman silang magkikita ng kaniyang nobyang si Jerelie. Matagal na silang magkasintahan ni Jerelie, hayskul pa lamang. Kaya lamang, kinailangan ni Boyet na huminto ng pag-aaral dahil nagkasakit nga ang kaniyang ama. Pinalitan niya ang ama sa mga gawain nito sa hacienda, hanggang sa hindi na nga nito kinaya ang sakit at sumakabilang-buhay.
Hindi na binalak pang bumalik sa kaniyang pag-aaral para sa kolehiyo si Boyet. Para sa kaniya, sapat na ang kaniyang trabaho sa hacienda para mabuhay. Hindi naman mataas ang kaniyang pangarap. Makaraos lamang sa araw-araw ay sapat na.
At iyan ang laging pinag-aawayan nila ni Jerelie. Nag-aaral kasi ito sa Maynila. Isang taon na lamang at magtatapos na ito sa kursong Business Management. Gusto raw nitong makipagkita sa kaniya. Doon sila nagkita sa paborito nilang kainan sa bayan.
Bago umalis ng hacienda, tiniyak muna ni Boyet na nasa ayos ang lahat. Mula Lunes hanggang Biyernes ang kaniyang trabaho bilang all-around boy ni Don Rafael. Tuwing Sabado at Linggo ay umuuwi naman siya sa kanilang maliit na barong-barong.
Nang gabing iyon ng Sabado ay nagkita nga sina Boyet at Jerelie. Si Jerelie ang sumagot ng kanilang pagkain dahil wala pa siyang suweldo. Napansin ni Boyet na tila balisa ang nobya.
“May problema ba, Je?” tanong ni Boyet. Hindi makatingin sa kaniya ang nobya.
“B-Boyet, may kailangan kang malaman. Kaya ako nakipagkita sa iyo,” halos magkandabulol-bulol si Jerelie.
Nangunot ang noo ni Boyet sa kaniyang kasintahan.
“Tapusin na natin ito, Boyet.”
“A-anong ibig mong sabihing tapusin na natin ito, Je? Ang alin ang tatapusin natin? Itong pagkain natin? Sige, tara ubusin na natin. Saan mo ba gusto mamasyal pagkatapos nito?” tanong ni Boyet.
“G-Gusto ko nang makipagkalas sa iyo. Tapusin na natin ito, Boyet.”
Hindi nakahuma si Boyet sa sinabi ng kaniyang nobya.
“Bakit? Saan ako nagkulang? May iba ka bang mahal?” naluluhang tanong ni Boyet.
Umiling si Jerelie.
“Boyet, malapit na akong matapos sa kolehiyo. Sabi ng pamilya ko, hindi ka makabubuti para sa akin. Wala kang pangarap, Boyet. Bagay na sinasang-ayunan ko naman. Wala kang mararating. Hanggang diyan ka na lang. Anong magiging buhay natin kapag nagpakasal tayo?” paliwanag ni Jerelie.
Walang nagawa si Boyet, kahit anong pilit niyang ipaglaban ang pagmamahal niya para kay Jerelie. Malungkot na malungkot si Boyet, laong bumaba ang pagtingin niya sa kaniyang sarili. Ibinuhos na lamang niya ang atensyon sa pagtatrabaho sa hacienda. Hindi na rin siya umaalis ng hacienda para sa kaniyang day-off upang makalimutan ang sakit ng pakikipaghiwalay ng nobya.
Makalipas ang isang taon, nabalitaan na lamang ni Boyet na hindi nakatapos ng pag-aaral si Jerelie dahil nabuntis ito ng ibang lalaki. Nang mga panahon na iyon ay nagkasakit naman si Don Rafael. Matagal na pala itong may iniindang sakit. Ibinuhos ni Boyet ang kaniyang atensyon sa pag-aaalaga sa kaniyang amo.
Isang araw, kinausap ni Don Rafael nang masinsinan si Boyet.
“Boyet, nararamdaman kong hindi na ako tatagal sa mundo. Gusto kong ihabilin sa iyo ang hacienda. Kapag wala na ako, ikaw na ang magpatakbo nito. Tutal, alam mo na naman ang pasikot-sikot. Wala naman akong ibang kamag-anak na mapagbibilinan. Ikaw na lamang ang maituturing kong pamilya,” sabi ni Don Rafael kasabay ng matinding pag-ubo.
“Naku sir, magpagaling ho kayo. Hindi ko po kakayanin ang magpatakbo nito. Hayskul lang po ang tinapos ko,” sabi ni Boyet.
“Boyet, higit pa sa diploma ang hawak mo. Karanasan. Buong buhay ninyong mag-ama, inialay ninyo sa hacienda at paglilingkod sa akin. Ipinakita ninyo ang katapatan ninyo sa akin. Hindi ninyo ako iniwan hanggang sa huli,” tila naluluhang sabi ng matanda.
Makalipas ang isang buwan, namayapa na nga si Don Rafael. Ilang araw lamang, dumating ang abogado nito. Laking-gulat ni Boyet sa kaniyang nalaman.
“Ipinamamana sa iyo ni Don Rafael ang mansyon, ang pamamahala sa hacienda, at lahat ng ari-arian niya bilang tapat niyang katiwala, maliban na lamang kung sa loob ng isang taon na may dumating na kaanak niya at maghabol, ang mapupunta lamang sa iyo ay ang hacienda,” paliwanag ng abogado.
Makalipas ang isang taon, wala namang nagtangkang kaanak ni Don Rafael na maghabol sa naiwang yaman nito. Kaya tuluyang napunta kay Boyet ang lahat ng ari-arian ng dating amo.
Hindi sinayang ni Boyet ang pagkakataon. Pinalago niya ang hacienda at nagtagumpay naman siya. At napagtanto niya, kailangan niya ng sapat na kaalaman upang mapamahalaan ito. Ipinasya niyang mag-aral ng kolehiyo. Kumuha siya ng BS Agriculture.
Makalipas ang apat na taon, nakatapos na rin ng kaniyang pag-aaral si Boyet. Napalago niya ang hacienda, at nag-isip pa ng ibang mga paraan kung paano pa niya mapagyayaman ito. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narating.
Patunay lamang ang kuwento ni Boyet na walang imposible sa buhay!