
Bukas ang Puso ng Ama sa mga Pulubi at Taong Lansangan; Natuklasan ng Kaniyang Panganay na Anak kung Bakit
Masayang nagkukuwentuhan ang mag-anak na Cruz habang nagmamaneho ang padre de pamilya na si Mang Samuel. Kumakain naman sa likuran ang kaniyang dalawang anak. Si Donna ang panganay, 15 taong gulang, at si Kathleen naman ay 9 na taong gulang.
Huminto si Mang Samuel dahil sa traffic.
“Traffic na naman,” sabi ni Aling Rowena, ang kaniyang misis.
“Hindi naman mawawala ang traffic,” sagot ni Mang Samuel. Maya-maya, napukaw ang kaniyang atensyon sa pagkatok ng mga batang pulubi sa bintana ng kaniyang sasakyan. Namamalimos ito. May hawak pang mga marurungis na sako.
Wala namang pag-aatubiling ibinaba ni Mang Samuel ang wind shield at inabutan ng 100 piso ang bata. Hindi man nagsalita ang bata bilang pasasalamat dahil kumaripas na ito ng takbo, nabanaagan naman niya ito sa mga mata nito.
“Iyan na naman si Daddy, nagbigay na naman sa pulubi,” sabi ng panganay na si Chesca.
“Parang hindi naman kayo sanay sa Daddy ninyo,” saway ni Aling Rowena.
Bilang isang ama ng tahanan, masasabing istrikto si Mang Samuel lalo na sa mga anak. Dahil mga menor de edad ang kaniyang mga anak, lagi niyang ipinapaunawa sa mga ito ang kahalagahan ng pagsunod sa mga utos ng magulang.
Ngunit ang katangi-tangi kay Mang Samuel, talagang mabuti ang puso nito sa mga nangangailangan, lalo na sa mga pulubi. Kulang na lamang, magtayo siya ng ampunan para sa kanila. Parang nais niyang kupkupin ang mga ito.
Bago makauwi sa kanilang tahanan, isang eksena ang nadaanan nila. Isang lagalag na babaeng buntis ang tila manganganak na. Marusing na marusing ito.
“Kawawa naman ang babae, mukhang manganganak na!” bulalas ni Aling Rowena.
Hindi naman nag-atubiling tumigil si Mang Samuel upang daluhan ang kaawa-awang ginang.
“Manganganak ka na misis, may kasama ka ba?” nag-aalang tanong ni Mang Samuel.
Mariing umiling ang ginang. Hindi na ito makapagsalita sa hirap na nararanasan.
Kaya naman, sa tulong ng asawa, isinakay nila ito sa kanilang kotse. Diring-diri naman ang dalawang anak dahil napakarusing nito at napakasama ng amoy. Mabuti na lamang at may maternity clinic na malapit sa kanila, kaya naitakbo kaagad ang ginang na manganganak na.
Matagumpay naman na naisilang nito ang kaniyang anak, na isang payat na sanggol na lalaki.
“Nasaan ang asawa mo?” usisa ni Mang Samuel sa babae.
“Wala po. Hindi ko kilala,” sagot ng babae.
Bago umalis ng maternity clinic, binayaran muna ni Mang Samuel ang bills. Nagbigay rin siya nang kaunting pera para sa ginang na tinulungan niya. Lahat ng ito ay kitang-kita ng mga anak ni Mang Samuel.
“Nakakaawa sila, Mommy… ampunin ko na kaya ang bata?” nasabi ni Mang Samuel sa misis.
“Dad… huwag naman po! Hindi na ba sapat na tinulungan mo na sila? Bakit kailangang ampunin pa?” hindi na makapagpigil na sabi ni Donna, ang panganay na anak.
Umakyat si Donna sa kaniyang kuwarto at nagkulong. Masama ang kaniyang loob sa ama. Noon, hindi ito pumapayag na mabilhan siya ng mga gusto niyang luho, subalit para sa ibang tao, parang ang bilis nitong magpaluwal. Lalo na sa mga pulubi o maralita.
Sa totoo lang, wala namang masama sa ginagawa ng kaniyang Daddy. Maganda at mabuti ang pagtulong sa kapwa. Ngunit hindi niya maintindihan, bakit pagdating sa kanilang mga anak, kuripot ito. Nakakuyom ang mga kamay.
Napaknit ang pagmumuni-muni ni Donna nang may marahang katok sa kaniyang pinto. Si Aling Rowena. Nilapitan siya nito at niyakap.
“Donna, hindi ko gusto ang ginawa mo sa Daddy mo kanina,” sabi ni Aling Rowena.
“Nakakatampo naman po kasi si Daddy sa totoo lang. Ang hilig niyang tumulong sa ibang tao pero pagdating sa mga request ko, ang kuripot niya. Bakit ganoon si Daddy, Mommy? Bakit masyado kang mapagbigay sa mga pulubi?” tanong ni Donna.
Napabuntung-hininga si Aling Rowena.
“Bukod kasi sa mabuti talaga ang puso ng Daddy ninyo, alam mo ba anak na dati rin siyang pulubi? Noong bata pa siya, isa rin siyang taong-grasa dahil inabandona siya ng kaniyang mga magulang,” pagtatapat ni Aling Rowena.
Nanlaki ang mga mata ni Donna sa rebelasyon ng kaniyang Mommy. Hindi nila alam ni Kathleen ang kuwentong ito. Ang alam lamang nila, dati silang mahirap noong mga bata pa lamang sila, subalit dahil nagpursige ang kanilang mga magulang, ay nakaahon sila mula sa kahirapan.
“Talaga po? Iyan po ba ang dahilan kung bakit walang maipakilalang lolo at lola si Daddy sa amin? Iyan po ba ang dahilan kung bakit hindi namin alam kung saan ang probinsiya ni Daddy?”
“Oo, anak. Naging tahanan ng Daddy ninyo ang lansangan noong kaedad niya si Kathleen. Nagsumikap lamang ang Dadddy ninyo para makaahon mula sa kinasasadlakan niyang sitwasyon. Kaya nasa puso niya ang mga pulubi, lalo na ang mga bata, dahil minsan din siyang naging ganoon,” pagpapaliwanag ni Aling Rowena.
At isinalaysay pa ni Aling Rowena ang hirap na pinagdaanan ng kanilang Daddy para lamang mapag-aral ang sarili at makapagtrabaho. Hanggang sa mabigyan ito ng pagkakataong maging iskolar at mapagtapos ang sarili sa pag-aaral.
Ngayon naunawaan ni Donna kung bakit laging sinasabi ng kanilang Daddy na hindi itinatapon ang pera at pinaghihirapan ito. Naunawaan na niya kung bakit malapit ang puso nito sa mga pulubing nadaraanan nila sa kalsada at binibigyan ng tulong nang walang pag-aalinlangan.
Matapos marinig ang mga kuwento ni Aling Rowena, bumaba si Donna at nilapitan ang ama. Niyakap niya ito.
“Sorry, Daddy. Proud na proud po ako sa inyo,” naiiyak na sabi ni Donna.
Simula noon, hindi na kinukuwestyon ni Donna ang mga pagtulong na ginagawa ng kaniyang Daddy para sa mga taong lansangan.