Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Lalaking Ito ang Kaniyang Nobya; Lingid sa Kaalaman niya ay Mangkukulam Pala Ito

Iniwan ng Lalaking Ito ang Kaniyang Nobya; Lingid sa Kaalaman niya ay Mangkukulam Pala Ito

“H-Harry, anoʼng gagawin ko? Paano ko sasabihin sa pamilya ko na buntis ako? Tulungan mo ako, Harry!”

Nagsusumamo ang mukha ni Crizelda habang kausap ang kasintahang si Harry. Hawak niya ang pregnancy test na pangatlong beses na niyang sinubukang i-take, at iisa ang resulta ng mga iyon…

Positive.

Hindi sumasagot si Harry. Sa buong oras ng pag-uusap nila ay walang salitang namutawi man lang sa bibig nito. Nakatingin lamang ito kay Crizelda nang walang emosyon. Blangko ang mga mata nito at ni hindi kababakasan ng pag-aalala man lang para sa kaniya.

“Harry, pananagutan mo naman kami ng anak mo, hindi ba? Sabi mo naman sa akin mahal mo ako. Sumagot ka, Harry!” desperado na ang tinig na ani Crizelda sa kaniyang nobyo.

Tinapunan siya ni Harry ng malamig na titig. “Hindi nga ako sigurado kung sa akin ang batang ʼyan,” walang pakialam na anito na hindi man lamang nautal.

“A-ano kamo?!” Tumaas ang boses ni Crizelda. “Walanghiya ka!” Pinagsusuntok niya ang walanghiyang lalaki.

“Huwag mo na akong kukulitin tungkol sa batang ʼyan. Kung hindi mo pa rin alam kung ano ang gagawin mo riyan, e ‘di ipalaglag mo. Wala akong pakialam,” sabi pa nito bago tuluyang tumalikod at naglakad palayo. Ni hindi na nakapagsalita pa si Crizelda sa sobrang pagkabigla. Naiwan siyang tulala.

Isang sampal ang sumalubong sa kaniya nang siya ay umuwi sa kanilang probinsya. Galit na galit ang kaniyang ina sa kaniyang ginawa. Ganoon pa man, sinabi nito sa kaniya na bubuhayin nila ang bata, anuman ang mangyari.

Ngunit iba na ang tumatakbo sa utak ni Crizelda. Nang mga sandaling iyon ay inaalala niya ang nag-iisang pamanang iniwan sa kaniya ng kaniyang lola…

Samantala, patuloy na nagsaya sa kaniyang buhay si Harry. Ni hindi na nga niya naaalala ang sariling anak at ang nobyang si Crizelda na hindi na rin naman niya nakikita pa. Nasa loob siya ng isang bar nang mga sandaling iyon, nang bigla siyang makaramdam ng pangangati.

Noong una ay hindi niya iyon pinansin sa pag-aakalang kagat lamang iyon ng langgam, ngunit hindi niya na matiis iyon dahil habang tumatagal ay tumitindi rin ang pangangati. Dumiretso siya sa comfort room ng naturang bar…

Nagsisigaw si Harry nang makita ang hitsura ng kaniyang balat na animo tinadtad ng kagad ng maraming langgam! Bukol-bukol iyon at nakakadiring tingnan! Napuno ng mga pantal ang kaniyang buong katawan, simula ulo hanggang paa!

Ilang araw nang ganoon si Harry. Sinubukan na rin niyang magpadoktor ngunit wala silang makitang sakit niya o dumapo man lang na bacteria. Walang ideya ang mga ito kung paano siya gagamutin. Nasubukan na niya ang lahat ng pamahid sa kati at ibaʼt iba pang gamot ngunit walang umiipekto! Ilang buwan na siyang nagtitiis sa kaniyang kalagayan.

Hanggang sa maalala niya ang biro sa kaniya noon ni Crizelda…

“Kapag ako, niloko mo, kukulamin kita! Pupunuin ko ng pantal ʼyang buo mong katawan para hindi ka mapakali at makunsensya ka. Galit ako sa manloloko, e. Ayaw ko ng katulad ni papa.”

Doon ay tila nalinawan si Harry. Hindi niya akalaing seryoso pala si Crizelda sa banta nito sa kaniya noong gabi ng una nilang pagniniig.

Nang araw na iyon ay agad na lumuwas si Harry patungo sa probinsya nina Criselda. Nang matunton nila ang bahay nito ay nakita niyang agad na pumasok sa loob ang kaniyang dating kasintahan.

Agad na lumuhod sa tapat ng pintuan nina Crizelda si Harry.

“Patawarin mo ako, Crizelda! Hindi ko na hihilinging alisin mo sa akin ang sumpang ʼto, pero sana, mapatawad mo ako. Ngayon ko lang napagtanto lahat ng kaga*guhang ginawa ko sa ʼyo. Hindi ko akalaing ganito pala ang magiging epekto sa ʼyo ng ginawa ko…”

Sandaling huminto si Harry sa pagsasalita habang lumuluha.

“Saka gusto ko sanang magpasalamat na hindi mo sinunod ang gagong katulad ko. Maraming-maraming salamat na itinuloy mo ang pagbubuntis mo. Pakiramdam ko, ako na ang pinakamasayang lalaki ngayong nakita kita. Napakaganda mo habang dala-dala sa sinapupunan mo ang anak natin…”

Nagtaas-baba pa ang balikat ni Harry. Kanina pa hindi maialis sa isip niya ang magandang hitsura ni Crizelda habang ipinagbubuntis nito ang anak niya. Tila hindi na nga niya nararamdaman ang hapdi at pangangati ng kaniyang sakit sa balat. Napalitan na kasi iyon ng malakas na pagkabog ng kaniyang dibdib. Pakiramdam niya ay tumatalon sa tuwa ang puso niya.

Handa siyang tanggapin ang kaparusahang nais pang ipataw ni Crizelda sa kaniya. Handa siyang bawian ng buhay kung iyon ang magpapasaya rito at sa kaniyang anak. Alam niyang malaki ang kasalanan niya sa kanila.

Ngunit nang tumingala siya ay sinalubong siya ng mahigpit na yakap ni Crizelda. Isang halik sa labi niya ang iginawad nito sa kaniya at iyon ang mabilis na nag-alis sa kaniyang nadaramang sakit.

“Pinapatawad na kita,” ani Crizelda na sandaling kumawala sa pag-iisa ng kanilang labi…

“Pʼwede ba akong magsimulang manligaw ulit?” tanong niya na agad naman nitong tinanguan.

Advertisement