Napakasuwerte na ng Binata sa Kaniyang Boss; Ngunit Dala ng Inggit ay Nagawa Niya pa Itong Traydorin

Limang taon nang nagtatrabaho si Erick sa furniture shop ng boss niyang si Kiel. Kasama na siya sa paglago ng kanilang kompanya simula noong ito ay maliit pa lang hanggang sa lumago at magkaroon na ng mas malalaki at malalawak na pagawaan.

Dahil doon ay ginawa ni Kiel ang lahat upang maibigay kay Erick ang nararapat sa kaniya para sa pagsisilbi niya at para na rin sa kaniyang loyalty sa kanilang kompanya. Itinuring na siyang kanang kamay ng napakabuti at napakabait na boss niyang ito, kahit pa hindi naman sya nito kaano-ano.

Kung tutuusin ay ginagawa lang ni Erick ang kaniyang trabaho, ngunit pinahalagahan pa rin ni Kiel ang kanilang nabuo nang samahan. Sobra-sobra kung bigyan niya ito ng suweldo, bonus at kung anu-ano pang mga bagay para sa pamilya nito, dahil kapatid na ang turing niya kay Erick.

Ang malungkot lang ay hindi ganoon sa kaniya ang kaibigan. Malaki kasi ang inggit ni Erick sa kaniyang boss. Matagal na niyang itinatanong sa sarili kung bakit si Kiel ang nabiyayaan ng lahat ng mga bagay na gusto niyang makamit, gayong matagal na siyang nagpupursige upang makuha iyon? Napapailing na lang siya sa sobrang pagkadismaya sa kaniyang sariling kapalaran.

“Erick, halika, tingnan mo itong bagong design ko. Gusto kong ikaw ang unang makaalam nito. Ano sa tingin mo?” masayang ani Kiel, isang hapon, kay Erick habang nasa loob sila ng opisina nito.

Ipinakita ni Kiel sa kaibigan ang disenyo ng mga modern furnitures na balak niyang ilabas sa merkado. Alam niyang papatok ito, lalo na at maraming mga tao ngayon ang pinipiling manirahan sa mga studio type condo units and houses at nangangailangan sila ng mga gamit na hindi ookupa ng malawak na espasyo ngunit magiging kapaki-pakinabang pa rin.

“Ang ganda, boss! Siguradong tiba-tiba na naman ang company sa mga bagong designs ninyong ʼyan!” komento ni Erick. Totoo ang sinabi niya. Napakaganda ng mga disenyong ipinakita ni Kiel sa kaniya at hindi niya kayang ikaila iyon.

“Talaga? Sana nga, ano? May plano kasi ako kapag nag-click ʼyan, Erick. Basta, masusurpresa ka,” sabi pa ni Kiel na hindi na pinansin pa ng kausap.

Advertisement

Iba kasi ang laman ng maruming isipan ni Erick.

Ilang taon nang nag-iipon si Erick upang makapagsimula ng sarili niyang furniture company, at ngayon ay handa na siya. Eksakto pang ipinakita ni Kiel ang mga bagong designs ng furnitures na iyon at balak niya iyong kopyahin!

At ganoon nga ang ginawa ni Erick.

Ikinagulat ni Kiel ang biglaang pagre-resign ng kaibigan sa kadahilanang pagod na raw itong maging empleyado niya lang. Sinubukan niya pang pigilan ito ngunit buo na ang desisyon ni Erick kaya nanghihinayang man ay hinayaan na lamang niya ito.

Ngunit ang ikinagulat ni Kiel ay nang ilabas na ng kompanya ni Erick ang una nilang produkto! Iyon ang mga bagong designs niya ng modern furnitures!

Galit na galit si Kiel sa katraydoran ng kaibigan, ngunit wala na siyang magagawa pa dahil nagawa na nitong nakawin ang kaniyang mga disenyo. Hinayaan na lamang niya iyon at kinalimutan na ang pinagsamahan nila ni Erick.

Samantala, mabilis ngang pumatok ang unang labas ng mga furnirures ng kompanya ni Erick. Matagal na naging sikat iyon sa merkado at talagang limpak-limpak ang kinitang salapi ng huli, laloʼt malaki ang itinubo niya dahil puro mga low quality materials ang ginamit niya sa mga iyon dahil iyon ang mas mura.

Ngunit mabilis ang karma. Kung gaano kabilis na umangat si Erick at ganoon din siya kabilis lumagapak pabalik sa lupa. Umani ng negatibong feedback ang kaniyang mga produkto. Bukod pa roon ay wala na siyang iba pang mailabas na designs dahil wala naman talaga siyang alam sa mga ganoon. Unti-unti ay naubos ang kaniyang kostumer at nalugi ang kompanyang ilang taon din niyang pinag-ipunan.

Advertisement

Back to zero na si Erick ngayon. Walang pera, walang trabaho, walang kredibilidad at higit sa lahat, wala nang Kiel na tutulong sa kaniya ngayon dahil sinira niya na ang tiwala nito. Laking pagsisisi ni Erick sa lahat ng kasakimang ginawa niya, lalo na sa nag-iisang taong ang tanging ipinakita lang sa kaniya ay kabutihan.

Bukod doon, nalaman niyang ang sinasabi palang sorpresa ni Kiel sa kaniya noon kapag nag-click ang bagong designs na ninakaw niya ay bibigyan siya nito ng panimula upang pareho na silang magkaroon ng sariling negosyo. Bukod doon ay iga-guide pa siya nito sa pagpapatakbo upang maiwasan ang kapalpakan.

Kung naghintay pa nang kaunti si Erick, siguro ay nag-e-enjoy na siya ngayon dahil katulad ni Kiel ay isa na rin siyang successful businessman, ngunit nagpakain siya sa kaniyang inggit at kasakiman. Ngayon ay wala na siyang pupuntahan.