Humiling sa Langit ang Babaeng Ito Para sa Kanilang Mag-asawa; Nagulat Siya Nang Bumagsak sa Bubong ang Kasagutan

Humiling sa Langit ang Babaeng Ito Para sa Kanilang Mag-asawa; Nagulat Siya Nang Bumagsak sa Bubong ang Kasagutan

FamilyInspiringStories

“Luto na ang niluto ko, maupo ka na diyan at sabay na tayong kumain,” sabi ni Lilian sa kararating lang na asawang si Oliver. Halatang pagod ito dahil galing sa trabaho, at sa dismaya niya ay tumango lang ito at nagsabing matutulog na.

“Kapagod sa office, ikaw na lang muna ang kumain,” sabi nito sabay dire-diretsong pumasok sa kanilang kwarto.

Napayuko na lang si Lilian sa naramdamang panlalamig ng asawa. Alam niya kasi ang dahilan niyon. Limang taon na kasi silang kasal ngunit wala pa rin silang anak. Nang unang beses na mabuntis siya ay mahina ang kapit ng bata at nakunan siya. Ilang beses nilang sinubukan muli dahil gustong-gusto nitong maging isang ganap na ama ngunit sa kasamaang palad, wala pa ring bunga ang kanilang pag-ibig.

Nitong nakaraang buwan ay umattend silang mag-asawa ng reunion at may mga anak na ang kanilang mga kaibigan. Simula noon ay tila ba nanlamig na sa kaniya si Oliver. Nasasaktan si Lilian na hindi man lang maibigay sa asawa ang pinakahihiling nito. Nararamdaman niyang unti-unti na ring nagiging matabang ang kanilang pagsasama dahil doon.

Hindi mapigilan ni Lilian na maluha nang tingnan ang mga inihanda niya nang gabing iyon. Anniversary kasi nila. Alam niyang natatandaan iyon ni Oliver, dahil ang anniversary din nila ang gabing nangako silang bubuo ng masayang pamilya.

Sa labis na kalungkutang nadarama ay nagpasya si Lilian na lumabas sa bakuran at doon lumanghap ng sariwang hangin. Nakita niyang makikinang ang mga bituin sa kalangitan. Nanlalabo ang mata niya sa luha.

Nang sandalling iyon ay nahagip ng kaniyang mga mata ang isang bulalakaw. Awtomatikong napapikit at napadasal siya.

“Oh Diyos ko, tulungan niyo po sana kaming magkaanak na…” iyak ni Lilian.

Ilang sandali lang ay halos mapatalon siya sa gulat nang isang malakas na galabog ang narinig niya mula sa bubong. Tila may mabigat na bagay ang bumagsak sa bubungan, ang bagay na iyon ay gumulong at bumagsak sa lupa. Dala ng gulat ay napasigaw si Lilian. Napalabas tuloy ng bahay si Oliver at kaagad siyang dinaluhan sa bakuran.

“Ano’ng nangyari?!” natatarantang lapit nito sa kaniya.

“M-may bumagsak! Doon oh, dali tingnan mo!” sabi niya sabay turo sa isang malaking bagay na nasa lupa.

Dahan-dahan silang lumapit at kapwa nagulat nang biglang gumalaw iyon at umungol. Hindi makapaniwala ang dalawa sa nakita, isa pala iyong bata!

Nagpasya ang dalawa na dalhin muna sa loob ng kanilang bahay ang batang lalaki na sa tantya nila ay nasa pito o walong taong gulang. Awang-awa si Lilian nang makita sa liwanag ang hitsura ng bata.

Isang malaking itim na jacket ang suot nito. Basa ng pawis ang buhok, at ang mukha nito ay puno ng pasa. May sugat din ito sa mga paa at kamay, tanda na tumakbo ito nang nakapaa at ilang beses nadapa.

Tatawag na dapat sa pulis si Olver ngunit pinigilan ito ni Lilian. May masamang kutob siya at nakiusap sa asawa na hayaan na munang magpahinga ang bata ngayong gabi at bukas na lang nila dalhin sa awtoridad.

Kinabukasan, inireport na nila sa polisya ang nangyari. Ngunit mataas ang lagnat ng bata at tila ayaw pa ring dumilat kaya’t nagmagandang-loob ang mag-asawa na kupkupin ito saglit. Isang araw lang din ang lumipas ay may isang lalaki ang nagpakilalang tiyuhin daw ng bata. Pumunta ito sa bahay nila Lilian upang sunduin ang bata, na noon ay humupa na ang lagnat, ngunit tila namumutla pa rin.

“Ah pasensiya na ho kayo dito sa pamangkin ko ha? Medyo makulit ho talaga at talagang naglayas pa ng bahay. Salamat ho,” sabi ni Melvin, ang tiyo raw ng bata.

“Nasaan ho ba ang nanay at tatay niya?” tanong ni Lilian. Ewan niya ba’t kahit isang magdamag niya  lang nakasama ang bata ay tila may mabigat sa kaniyang dibdib sa kanilang paghihiwalay.

“A-ah, wala na eh. Iniwan lang iyan sakin,” sabi ni Melvin. Hinawakan ni Lilian ang kamay ng batang ‘di niya pa rin alam ang pangalan, dahil hindi ito nagsasalita, at niyakap ito.

“P-parang awa niyo na po… huwag niyo po akong ibalik kay tiyo,” bulong ng bata. Natigilan si Lilian sa mahinang bulong nito. Ngunit agad na itong hinila ni Melvin at inuwi.

Sinabi niya kay Oliver ang sinabi ng bata. Niyakap naman siya nito at sinabing wala siyang dapat ikabahala. Ngunit makalipas ang mga araw ay tila may bumabagabag pa rin kay Lilian. Nakita niya ang jacket na naiwan ng bata at nagpasyang itanong sa pulisya ang address, upang maibalik niya iyon.

Hindi man sinasabi ni Oliver ay alam niyang maging ito rin ay nag-aalala. Pumunta ang mag-asawa sa address nila Melvin at ngunit nang kumatok sila sa lumang apartment ay walang sumasagot. Aalis na dapat sila nang makarinig ng mahihinang hikbi ng isang bata.

Nakaawang ang pinto at sa masamang kutob ni Lilian ay pumasok siya sa apartment. Nagulat sila sa nasaksihan. Nagkalat ang mga basyo at parapernalya sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. May ilang taong tulog sa sala at ang iba ay sa sahig nahiga. Sa isang aparador ay lumabas ang isang batang lalaki at patakbong yumakap kay Lilian.

Inilayo nila ang bata roon at isnuplong sa awtoridad ang natuklasan. Nasampahan ng kaso si Melvin at mga kasama nito. Kabilang sa isinampang kaso ay pang-aab*so.

Sa pagkukusa ng mag-asawa ay inampon nalang nila ang bata.

“Ano’ng pangalan mo?” tanong ni Oliver sa bata. May ilang bagong pasa ito sa mukha.

“Hoy lang po ang tawag sakin ni tito…” sabi nito.

Napaiyak naman si Lilian sa sinabi ng bata. Pati pangalan ay pinagkaitan din ito.

“Simula ngayon, Alex na ang itatawag naming sa’yo, ok ba ‘yon?” tanong ni Oliver. Nang tumango si Alex ay niyakap ng mag-asawa ito.

Simula noon ay naging isang masayang pamilya nga sila. Muling bumalik ang sigla ng pagsasama nila. Nakapag-usap sila at nagkahingian ng patawad para sa pagkukulang ng bawat isa.

Higit sa lahat, si Alex ang naglagay ng kulay sa kanilang buhay. Tunay ngang dininig ng langit ang dasal ni Lilian at Oliver. Hindi sa paraan at oras nila, kung hindi sa paraan ng Panginoon.

More Stories