Bibili Sana ang Matandang Lalaki ng Gadget Upang Makausap ang Pamilya sa Probinsiya Subalit Kulang ang Pera Niya; Ito ang Diskarteng Ginawa Niya
Gaya ng tipikal na araw, maagang pumasok si Janice sa kaniyang trabaho. Kahit na isang sakay lang ng jeep ang agwat ng bahay nila sa trabaho niya bilang tindera ng mga cellphone at gadgets, mas gusto niyang maaga pumapasok sa trabaho. Nalulungkot kasi siya sa bahay. Nababato. Ayaw niyang marinig ang pag-aaway ng kaniyang nanay at tatay. Sa trabaho, siya lang mag-isa.
Matapos punas-punasan ang mga estante at ayusin ang mga accessories sa mga sabitan, sunod na chineck ni Janice ang laman ng load wallet para sa e-load business. Mahirap na, baka mamaya pala ay hindi mag-tally ang nasa listahan, at sa talagang aktuwal na load. Ikakaltas sa sahod niya ang kulang.
Maya-maya, isang matandang lalaki ang lumapit sa mga estante ng cellphone. Pasulyap-sulyap. Hinayaan lamang niya ang matanda. Nagpatuloy siya sa kaniyang ginagawa.
Mga 30 minuto na yatang pasipat-sipat ang matandang lalaki sa mga cellphone. Nilapitan na ito ni Janice at magalang na tinanong.
“Yes sir? May napili na po ba?”
Napakamot sa kaniyang ulo ang matandang lalaki.
“Eh miss, magkano ba ang pinakamurang cellphone na puwede akong makatawag nang harap-harapan kami ng pamilya ko sa Zamboanga? Bagong salta lang ako rito sa Maynila.”
Napaisip si Janice sa tinutukoy nito. Puwedeng makatawag nang harap-harapan. Video call.
“Ang pinakamura po namin dito ay 3,000 pesos, sir. Smartphone na po iyon. Puwede na po kayo mag-video call. Makakakonekta na po ‘yun sa internet,” sagot naman ni Janice,
Muling napakamot ang ulo ng matanda.
“H-Hindi pala kasya. Wala pa sa kalahati ang ipon ko. Sige, ‘di bale na lang,” saad ng matanda. Tumango-tango naman si Janice, ngumiti, at bumalik na sa kaniyang ginagawa. Lulugo-lugo namang umalis na ang matandang lalaki, bigo dahil kulang na kulang ang perang pambili ng cellphone.
Kinahapunan, muling bumalik ang matandang lalaki.
“Sir, bibili na po kayo?” tanong ni Janice.
Bantulot na sumagot ang matandang lalaki.
“Ehhh… kuwan… ineng, kailangang-kailangan ko na kasing makausap ang pamilya ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala rin namang cellphone na maganda ang mga kasamahan kong karpintero, kagaya ko lang din na mahirap. Hindi rin sila marunong gumamit ng Pezbook. Wala naman akong ibang kakilala rito. Baka naman puwedeng magpatulong sa iyo?”
“Sige po. Ganito na lang ho… bakit hindi na lang po kayo humanap ng computer shop tapos sa kanila kayo magpaturo?” mungkahi ni Janice.
Napakamot muli sa kaniyang ulo ang matandang lalaki.
“Eh… nahihiya ako eh. Baka puwedeng ikaw na lang sana miss ang tumulong sa akin? Roldan pala ang pangalan ko, 53 taong gulang. Hindi naman ako masamang tao.”
Hindi mapagtiwala si Janice sa mga taong hindi pa niya lubos na kakilala. Subalit sa tuwing nakikita niya ang matandang lalaki, si Mang Roldan, nababagbag ang kaniyang kalooban. Naaalala niya ang kaniyang mahal na lolo. Ito ang nag-aruga sa kaniya. Nagpalaki. Nagpala. Sumakabilang-buhay na ito.
“Ganito na lang po, ‘Lo. Hindi ko po kasi kayo masasamahan sa computer shop. Dito na lang po kayo sa puwesto gumamit ng Pezbook. Papayagan ko po kayong gumamit ng isa sa mga gadget dito. Kapag po biglang dumating ang amo ko at naabutan kayong gumagamit, sasabihin ko po na tinetesting lang ninyo. Okay po ba?”
Pumayag naman si Mang Roldan. Kaya naman tuwing pananghalian at hapon, sa pagtatapos ng trabaho nito, agad na nagtutungo si Roldan sa stall ni Janice upang makihiram ng gadget. Libre naman siyang pinapakonekta ni Janice sa kanilang unlimited internet connection, na amo naman niya ang nagbabayad.
Ganito nang ganito ang mga nangyayari hanggang sa napalapit na rin ang loob ni Janice sa matanda. Masaya ang kaniyang kalooban kapag nakikita niyang masaya si Mang Roldan na makausap ang kaniyang pamilya sa probinsiya. Matapos nitong kumustahin ang pamilya, sila naman ni Janice ang magkukuwentuhan. Napag-alaman ni Janice kung gaano kalakas ang loob ni Mang Roldan upang makipagsapalaran sa Maynila, para sa kaniyang pamilya.
Kaya naman sa raw ng kaarawan ni Mang Roldan, isang regalo ang ibinigay ni Janice sa kaniya.
“Mang Roldan, sa inyo na po iyang ginagamit ninyong gadget, ako na po ang bahalang magbayad sa amo ko. Hangad ko pong lagi ninyong makausap ang mga mahal ninyo sa buhay,” saad ni Janice.
Tuwang-tuwa naman si Mang Roldan at ganoon na lamang ang pasasalamat niya kay Janice sa kabutihang ipinamalas nito sa kaniya.
Napagtanto ni Janice na hindi niya dapat kainisan kung ano ang uri ng pamilya na mayroon siya ngayon. Masuwerte pa rin siya na kasama niya sila sa bahay. Bukas na bukas din, paglulutuan niya nang masarap na pagkain ang mga magulang niya.