Nagtaka ang Senior Citizen na Mister Nang Hindi na Bumalik ang Kaniyang Misis sa Kanilang Tagpuan; Saan Kaya Ito Nagsuot?

Nagtaka ang Senior Citizen na Mister Nang Hindi na Bumalik ang Kaniyang Misis sa Kanilang Tagpuan; Saan Kaya Ito Nagsuot?

HeartbreakingLoveStories

“Mahal, gumana na ang sasakyan!”

Napalingon si Aling Lucing, 65 na taong gulang, sa kaniyang mister na si Mang Tales, 63 taong gulang. Pareho na silang retirado. Dating punungguro si Aling Lucing sa pampublikong paaralan. Si Mang Tales naman, dating mensahero sa munisipyo. 

Simula nang magsipagretiro, namalagi na lamang sa bahay ang dalawang matanda. Si Mang Tales, pagkukumpuni ng kung ano-anong mga gamit sa bahay ang inaatupag. Mesa, upuan, mga sirang appliances, at nito nga’y ang luma nilang owner-type jeepney. Gawa! Umandar ulit. 

Image result for old owner-type jeepney

Lumabas ng bahay si Aling Lucing. Nagtungo sa garahe. 

“Aba… walastik ka talaga. Galing mo talaga! Ilang taon na nga ito sa atin? Hindi ko na matandaan,” papuri ni Aling Lucing sa mister. 

“Ano ka ba, mga limang taong gulang pa lamang si Sedes noon, buhay na ‘to. Maalala mo, ito ang ginamit ko sa paghatid sa ‘yo sa ospital noong manganganak ka na. Pumugak pa nga habang daan, buti na lang tinulungan tayo ng mga tambay sa pagtutulak,” natatawang kuwento ni Mang Tales. 

“Siya nga ba? Napakatagal na pala nito. Mabuti’t nabuhay mo pa,” tugon ni Aling Lucing. 

Si Sedes ang kanilang panganay na anak, na may sariling pamilya na rin. Ang dalawa pa nilang supling, sina Ditas at Conor, ay nasa ibang bansa. May sariling mga karera at matagumpay sa kanilang mga trabaho. 

“Ikaw ‘tong maestra eh, dapat mas matalas ang memorya mo kaysa sa akin. Tena, subukin natin ito, mamasyal tayo,” aya ni Mang Tales. 

“Teka, saan naman tayo magtutungo?” untag ni Aling Lucing. 

“Kahit saan. Sige na… wala naman tayong pupuntahang iba, at lalong wala naman na tayong trabaho!” natatawang sabi ni Mang Tales. 

Nagpalit lamang ng kaniyang kasuotan si Aling Lucing. Nagpahid ng kaunting lipstick, at dinala ang kaniyang paboritong body bag. Tiniyak na may lamang pera. Tiniyak ding dala ang senior citizen card. Malaking tulong at tipid kapag nasa labas sila. 

Maya-maya, nagmaneho na nga si Mang Tales. Tuwang-tuwa si Aling Lucing. Binaybay nila ang kalsada. Masarap at malamig-lamig ang dampi ng hangin sa balat. Kahit mataas ang sikat ng araw, hindi mahapdi sa kutis. Namimintog na ang mga ginintuang butil sa palayang naraanan nila. 

Nagtungo sila sa paborito nilang destinasyon: ang pasyalang parke sa kanilang bayan. Parang walang pinagbago ang lugar, maliban na lamang sa ilang mga sementadong bahagi, at mga dagdag na upuan. Naroon pa rin ang mga nagtitinda ng nilagang mani at inihaw na mais. 

Ipinarada ni Mang Tales ang sasakyan. Inaya niya ang misis na bumaba. 

“Naalala mo ba ang lugar na ito?” tanong ni Mang Tales. 

Ngumiti naman si Aling Lucing. “Oo naman. Dito kita unang binasted.”

Napahagalpak si Mang Tales. 

“Pero kahit na binasted mo na ako noon, tingnan mo naman. Nagtiyaga ako para mapasagot ka at makuha ang matamis mong oo. Hindi ako sumuko sa pagmamahal ko sa ‘yo,” saad ni Mang Tales. 

lighthearted chinese seniors walking at a shanghai park - asian old couple in the park stock pictures, royalty-free photos & images

Bumili sila ng inihaw na mais at naupo sa isang bagong upuan. Doon, sinariwa nila ang nakaraan; kung paano naging piping saksi ang mga puno’t halaman doon sa kanilang pagmamahalan. 

Kinahapunan, nagpasya silang magtungo sa bayan. 

“Bibili sana ako ng honey bee saka mamalengke na rin,” sabi ni Aling Lucing. “Kaya pa ba ng sasakyan?”

“Oo naman! Matibay yata ito! Sige, para makapagpagasolina na rin,” pagpayag ni Mang Tales. 

At nagtungo na nga sila sa bayan.

“Dito ka na lang magtungo sa sasakyan pagkatapos mo. Dito tayo magkita,” bilin ni Mang Tales. Hindi niya maaaring iwanan ang sasakyan. Saka na lamang siya magpapagasolina kapag nakabalik na ang asawa sa pamamalengke. 

Tumagal ng 30 minuto ang pamamalengke ni Aling Lucing. Inip na inip na si Mang Tales. 

“Ilang garapon kaya ng honey bee ang binili?” bulong ni Mang Tales sa sarili. 

Isang oras. Isang oras at kalahati. Hanggang sa dalawang oras nang hindi nakakabalik ang asawa. Alas siyete na ng gabi. Alalang-alala na si Mang Tales. 

“Ano na kayang nangyari sa babaeng ‘yon…” kumakabog ang dibdib ni Mang Tales.

Hindi na nakatiis si Mang Tales. Ibinilin niya sa isang guwardiya ang pagbabantay sa sasakyan. Bumaba na siya at ginalugad ang buong palengke sa bayan. Dalawang oras niya itong ginawa. Walang makatukoy kung nasaan ang asawa batay sa kaniyang deskripsyon. 

Hanggang sa maya-maya, isang tindera ang lumapit sa kaniya. 

“Manong, manong, may matandang babaeng nakaupo doon sa may bandang fountain. Baka siya ang hanap mo.”

Dali-daling nagtatatakbo si Mang Tales patungo sa fountain na sinasabi nito. Malakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Tama ang tindera. Si Aling Lucing nga ito: nakaupo, basang-basa ang damit, at tila nakatulala lamang. Agad na nilapitan ni Mang Tales ang misis. 

“Lucing! Ano bang nangyari sa iyo?” bumadha ang pag-aalala sa mukha ni Mang Tales. Nang makita siya ng asawa, agad na yumakap ito sa kaniya at pumalahaw ng iyak. 

“Anong nangyari?” Nanakawan ka ba? May nanakit ba sa iyo?”

“Kuya, tulungan mo ako… hindi ko alam kung nasaan ako… hindi ko alam kung paano ako uuwi… bakit ba nandito ako? Anong ginagawa ko rito?”

Tila sinampal nang ubod-lakas si Mang Tales sa mga sinabi ng misis. 

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Mang Tales. Agad niyang itinakbo sa ospital ang asawa, lalo’t nasa bayan na rin lamang sila. 

Matapos ang ilang pagsusuri… 

“Sir, mukhang nagmamanifest po sa behavior ng pasyente ang Alzheimer’s Disease…”

Tila pinagbagsakan ng langit at lupa si Mang Tales. At naganap na nga ang kaniyang kinatatakutan. Alam niya kasing nasa lahi talaga ng side ni Lucing ang mga ganoon. Sa katunayan, ang kaniyang biyenang lalaki ay nagkaroon din nito. 

Agad na ipinagbigay-alam ni Mang Tales sa mga anak ang naganap sa kanilang ina. Hindi nagdalawang-isip ang dalawa niyang anak na umuwi ng Pilipinas upang makatuwang ni Mang Tales sa pag-aalaga rito. Hindi binitiwan ni Mang Tales ang pag-aalaga sa kaniyang misis hanggang sa tuluyan na nga itong makalimot. 

Araw-araw, hindi siya nagsasawang ipasyal ito sa mga lugar na pinupuntahan nila noong kabataan nila, gamit ang owner-type jeepney na kaniyang nagawa. Kahit lumipas ang maghapon, ayos lamang, basta’t kasama niya ang asawa.

rear view of senior couple sitting on park bench - asian old couple in the park stock pictures, royalty-free photos & images

Ngayon, alam na niya kung bakit sabay silang nagretiro ni Lucing sa kani-kanilang mga trabaho. May misyon pa siya. Ito ay alagaan ang kaniyang mahal na asawa, na pinangakuan niyang sasamahan, sa hirap man o ginhawa. 

More Stories