Ikinagulat ng Babae nang Makita ang mga Dating Litrato ng Kaniyang Guwapong Nobyo; Ganito Pala ang Lalaki Noon

Ikinagulat ng Babae nang Makita ang mga Dating Litrato ng Kaniyang Guwapong Nobyo; Ganito Pala ang Lalaki Noon

InspiringLoveStories

Naging masugid na manliligaw ni Karla ang binatang si Leo simula pa noong sila ay nasa kolehiyo. Guwapo ang binatang si Leo kaya naman noong una ay alinlangan pa si Karla na baka hindi rin magtagal ang pagkagusto nito sa kaniya, lalo’t hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na maraming kababaihan sa kanilang unibersidad ang nagkakandarapa rito.

Dahil doon ay sinubukan ni Karla na paghintayin ang binata na kabiga-biglang napagtiyagaang hintayin ang kaniyang sagot, kahit pa nga umabot iyon ng hanggang apat na taon. Graduation nila ng kolehiyo nang eksaktong ibigay ni Karla ang kaniyang matamis na oo sa matiyagang binata at talaga namang walang pagsidlan ang tuwa sa puso nito nang mga sandaling iyon.

“Babe, p’wede ba kitang imbitahing pumunta sa amin? Gusto ka kasing ma-meet nina mama,” isang araw, matapos ng kanilang date ay pagpapaalam ni Leo sa kaniya. Hihimas-himas ito sa sariling batok na tila ba nahihiya pa sa kaniya. “S-saka may sasabihin din kasi ako,” dagdag pa nito.

Natawa si Karla sa inaakto ng ngayon ay nobyo na niyang si Leo. “Ano ka ba, siyempre naman ’no!” nakangiting aniya.

Nang dumating ang araw na kanilang pinag-usapan ay masaya naman ang naging pagtatagpo ng mga magulang ni Leo at ng nobya nitong si Karla. Galak na galak ang ina ni Leo sa dalaga lalo na at wala pala itong anak na babae. Si Leo kasi at ang kaniyang dalawa pang nakababatang kapatid ay pawang mga kalalakihan.

“Babe, tara muna sa Garden, may sasabihin lang ako sa ’yo…” Sa kalagitnaan ng kuwentuhan nina Karla at ng ina ni Leo ay pinutol sila ng binata. “’Ma, wait lang po, ha? Kakausapin ko lang si Karla,” baling pa nito sa kaniyang ina na labag man sa kalooban ay tinanguan na lamang ang anak.

“Sige, pero mamaya ibalik mo siya sa akin, ha? Hindi pa kami tapos magkuwentuhan, anak,” hirit naman nito na nakapagpatawa kay Karla at Leo.

Nagpunta ang dalawa sa garden ng ina ni Leo sa kanilang bakuran. Manghang-mangha naman si Karla dahil sa napakaraming klase ng mga bulaklak na naroon na halatang alagang-alaga. Inaya siya ni Leo na maupo sa nakabiting upuan sa gilid ng naturang garden.

Nagtataka man ay nagpadala na lamang si Karla sa gusto ng kaniyang nobyo. Nang makaupo sila ay iniabot nito sa kaniya ang isang photo album. Kinuha naman iyon ni Karla at binuksan.

“Puro pictures ko ’to, a?” Nagtaka si Karla sa kaniyang mga nakita. Stolen pictures niya noong highschool pa lamang siya ang mga naroon. Hindi niya natatandaang nagkaroon siya ng mga ganitong klaseng litrato kaya naman takang napatingin siya sa kaniyang nobyo.

Akma sanang magtatanong si Karla sa nobyo nang may iabot na naman itong album. Dahan-dahan niyang binuksan ang ikalawang album at mas nagulat siya sa nilalaman niyon… litrato iyon ng isang binatilyo. Mataba ito at tadtad ng taghiyawat sa mukha. Pamilyar na pamilyar sa kaniya ang hitsura nito… at ganoon na lang ang gulat niya nang maalalang ito ang binatilyong kaniyang tinulungan noon mula sa mga bullies!

“Ako ’yan… ako ’yong tinulungan mo noon, Karla. Hindi ko alam kung papaano kong sasabihin sa ’yo ito noon dahil natatakot akong umamin na ako ’yong duwag na binatilyong ’yon. Pero naalala ko kung gaano ka kabuti, kaya naman simula noon ay ginawa ko lahat para magustuhan mo rin ako.” Nahihiyang umamin sa kaniya ang kaniyang nobyo. Gulat na gulat naman si Karla sa nalaman! Hindi niya alam kung papaanong magre-react sa sinabi nito, pero isa lang ang sigurado… lalo niya itong minahal sa pagiging matapang nitong umamin tungkol sa tunay nitong pagkatao. Hindi ito natakot na baka bigla niya itong ayawan dahil may tiwala ito sa kaniya.

Ilang sandaling nanatiling tahimik si Karla kaya naman kinabahan si Leo. Pakiramdam niya ay nagbago na ang isip ni Karla tungkol sa kanilang relasyon. Ngunit ganoon na lang ang kaniyang pagkabigla nang siya ay dambahin nito ng yakap!

“Thank you sa matapang na pag-amin at pagtitiwalang tatanggapin kita kahit ano o sino ka pa noon, Leo. Hindi ako nagkamaling ikaw ang pinili ko.” At mas hinigpitan pa ni Karla ang pagkakayakap sa kaniya. Walang pagsidlan ang saya sa puso ni Leo dahil sa sinabi ng kaniyang nobya. Ngayon ay siguradong-sigurado na siya na ito talaga ang gusto niyang makasama habang buhay.

More Stories