Inday TrendingInday Trending
Matagal na Siyang Nanabik sa Pagmamahal ng Isang Ama, na Pinupunan Naman ng Kaniyang Ninong; May Itinatago pala Itong Lihim sa Kaniya

Matagal na Siyang Nanabik sa Pagmamahal ng Isang Ama, na Pinupunan Naman ng Kaniyang Ninong; May Itinatago pala Itong Lihim sa Kaniya

Lutang ang isipan nang magdesisyon si Zaren na pumasok sa kusina upang hanapin ang inang abala sa pagtulong sa mga nagluluto. Wedding anniversary ng bestfriend ng kaniyang ina, kaya sila naroroon ngayon. Bilang kaibigan nito ang may selebrasyong ginaganap kaya narito ang kaniyang ina at hindi nagkanda-ugaga sa pagtulong upang mas mapadali ang paghahanda.

“Oh! Zaren, anong sadya mo rito sa loob, anak? Magulo rito’t mainit, doon ka na muna sa labas magpahangin at maglibang,” ani Zia, ang kaniyang ina.

Maraming mga tanong ang nag-uunahan sa kaniyang isipan ngunit hindi niya mahagalip ang tamang sasabihin na lalabas sa kaniyang bibig. Ang daming gumugulo sa kaniyang isip na nais niyang mabigyan ng sagot, ngunit hindi niya alam kung paano sisimulan ang pagtatanong.

“Zaren!” pukaw ng kaniyang ina.

“M-ma, pwede ba kitang kausapin saglit?” mahinahon at magalang niyang pakiusap.

Nagtataka man ang mukha ng kaniyang ina ay hindi naman ito nag-atubiling tumango at pagbigyan ang kaniyang pakiusap. Humakbang ito palapit sa kaniya at hinila siya nito sa may likurang bahagi ng bahay.

“May problema ka ba, anak? May masakit sa’yo?” nag-aalalang tanong ng ina, habang sinusuri ang kaniyang kabuuan.

“Ma, totoo bang si Ninong Diego ang papa ko?” deretso niyang tanong. Mahina lamang ang kaniyang boses, dahil ayaw naman niyang may makarinig sa usapan nilang mag-ina.

“A-ano?” nauutal at halata ang labis na pagkagulat sa mukha ni Zia.

“Hindi naman niya derektang sinabi sa’kin ang bagay na iyon, mama, pero may pasaring po ang kaniyang mga salita kanina,” ani Zaren.

Mula noong nagkaroon siya ng malay sa mundo’y hindi niya man lang nakilala ang kaniyang totoong ama. Hindi niya alam kung ano ang mukha nito, o kung ano ang pangalan nito. Minsan nga’y tinutukso siya ng kaniyang mga kaklase na anak siya ng natipak na kahoy, dahil wala naman siyang kinikilalang ama.

“Ma, desi-nuwebe na ako, ma. Baka naman sa pagkakataong ito’y pwede mo nang aminin kung sino ba talaga ang papa ko.” Gusto na niyang umiyak sa harapan ng ina.

Simula pagkabata ay iniiwasan ng kaniyang ina ang topic tungkol sa kaniyang ama. Marami iting dahilan sa tuwing tinatanong niya ang bagay na iyon. Kesyo, hindi na daw nito alam kung nasa’n na ang kaniyang ama, o minsan naman ay nakikiusap itong huwag nang hanapin pa ang taong wala naman roon. Ngunit hindi niya na kayang manahimik ngayon dahil sa naging usapan nila ng kaniyang Ninong Diego.

“Ninong, kumusta po? Long time no see ah, namiss kita. Nag-asawa ka na po ba, ninong?” panunukso niya sa matandang binata niyang ninong.

Hindi pa naman sobrang matanda tingnan ang kaniyang ninong, dahil sa pagkakaalam niya’y nasa kwarenta mahigit pa lang ang edad nito. Ngunit matandang binata ang tawag niya rito dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nag-aasawa.

“Naku! Nadala na ako sa pag-ibig na iyan, anak, at saka wala naman akong ibang minahal kung ‘di iyong babaeng gustong-gusto ko, siya lang ang gusto kong pakasalan, wala nang iba.” Nakangiting wika ni Diego.

“Oh? Ninong, dapat pakasalan mo na iyong babaeng iyon, para naman makapag-asawa ka na.”

Ngumiti si Diego saka nilingon ang gawi ni Zaren. “May anak na kami ng babaeng iyon, anak, hindi nga lang sinuwerteng maging kami, kasi maraming hadlang. Maraming may ayaw sa relasyon namin, alam mo ‘yong kantang against all odds? Gano’n na gano’n ang pag-iibigan naming dalawa. Kaya simula noon ay parang ayaw ko nang magseryoso sa pag-ibig,” ani Diego sabay iling.

“Ganoon ba, ninong? May anak na pala kayo? Nasaan na ang anak niyo ngayon?” usisa ni Zaren.

“Nasa mama niya,” maiksing tugon ni Diego.

“Paano ‘yon ninong, hindi kayo kilala ng anak niyo?” malungkot niyang tanong.

Kumilos si Diego at muling tumingin sa gawi niya saka matamis na ngumiti. “Oo,” puno ng emosyong sagot nito. “Pero kilala niya ako bilang ninong,” dugtong ni Diego.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Zaren sa sinabi ni Diego. Kaya pala maraming nagsasabing magkamukha silang dalawa dahil si Diego ang kaniyang ama, ngunit kailangan niya pa rin ang kumpirmasyon ng kaniyang ina.

“Oo, anak, si Ninong Diego, ang totoo mong ama. Patawarin mo ako kung inilihim ko ang bagay na iyan sa’yo, siya na rin kasi ang nagsabing huwag na kitang ipakilala sa kaniya, dahil masaya na siya sa posisyon ng buhay mo bilang ninong,” umiiyak na paliwanag ni Zia.

Totoong hindi nagkulang si Ninong Diego bilang kaniyang ninong, pero malaki ang pagkukulang nito bilang isang ama. Ngunit kahit ganoon ay masaya siya sa nalamang ang kaniyang ninong ay siyang kaniyang totoong ama. Bata pa man siya’y pinangarap na niyang sana’y ito na lang ang kaniyang totoong papa, tapos ngayon ay malalaman niyang ito nga.

Lumapit soya sa kaniyang ina at niyakap ito. Naiintindihan niya ang ina, sinunod lamang nito ang sinabi ng kaniyang ama, para sa mga mata niya’y malakas ang ina, ngunit sa totoo lang ay mahina ito.

Una… dahil hindi nito nagawang ipaglaban ang kaniyang ninong sa mga magulang nitong siyang may ayaw sa pag-iibigan nila, iyon ang paliwanag ni Diego sa kaniya kanina ng mag-usisa siya, dahilan kaya hindi niya nakilala ang kaniyang ama na siyang kinikilala niyang ninong.

Pangalawa’y hindi nito pinanindigan ang sariling desisyon na aminin sa kaniya ang lahat. E ‘di sana noon pa man ay alam na niya ang buong katotohanan tungkol sa kaniyang ama. Ngunit kahit ganoon ay mahal na mahal niya ang kaniyang ina, walang puwang sa puso niya ang galit kanino man sa dalawa.

Ngayong alam niyang ang katotohanan, sisiguraduhin niyang babawi si Ninong Diego sa kaniya, hindi bilang isang ninong kung ‘di bilang isang ama.

“I’m sorry anak,” humihikbing hinging patawad ng ina.

“I love you, ma. Mahal ko kayo ni papa,” aniya.

Advertisement