Hinihintay na Lamang ng Magkakapatid na Ito na Pumanaw na ang Kanilang Ama Upang Makuha ang Mana; Isa Palang Pamana ang ‘Di Nila Malilimutan

Matiyagang naghihintay ang tatlong magkakapatid sa labas ng operating room. Ooperahan kasi ang kanilang ama at ayon sa doktor, delikado ang magiging operasyon dahil sa edad ng kanilang ama. Maraming beses na ring nailagay sa bingit ng pagpanaw ang kanilang ama subalit walang bahid ng pag-aalala ni isa sa tatlong magkakapatid. Ang tanging hangad nila, ay mawala na ang ama upang makuha na nila ang kani-kanilang mana.

Ilang oras pa ng paghihintay, lumabas ang doktor mula sa silid kung saan inooperahan ang ama.

“Naging mahirap ang operasyon, ngunit maswerte ang tatay niyo dahil successful ang naging operasyon,” masayang bungad ng doktor sa tatlong magkakapatid na sina Dan, Dina, at Donny.

Nang marinig ang balitang iyon, kita sa mga mukha nila ang pagkadismaya.

“Akala ko ba maliit ang prosyentong mabubuhay pa ang papa sa operasyon na ito Ate Dina?” tanong ng bunsong si Donny.

“Tumigil ka, Donny! Tatay mo pa rin ang pinag-uusapan natin dito!” tugon naman ni Dina. Nagkakainitan na ang dalawa nang bigla nilang nadinig ang kuya nilang nagtitimpi sa kanilang dalawa.

“Tumigil na nga kayong dalawa! Ikaw, Donny, hindi ko nga alam bakit nandito ka’t inaantay ang mana mo. Dahil sa pagkakaalam ko, ayaw kang pamanahan ni papa dahil sa bisyo mo! At ikaw, Dina. Makapagsalita ka parang hindi mo gustong mawala na si papa eh? Parang ang linis-linis mo!” galit na batid ni Dan sa kaniyang mga nakababatang kapatid at saka umalis na ng tuluyan. Halata rin ang pagkadismaya sa mga mukha nito.

Naiwan ang magkapatid sa ospital na nag-uusap. Humihiram na naman kasi ng pera si Donny kay Dina dahil ngayong linggo ang binigay na palugit sa kaniya upang mabayaran niya ang kaniyang pagkakautang. Lubog na kasi ito sa utang at ang tanging inaasahan niya ay ang kaniyang mana sa ama. Subalit masungit siyang tinanggihan ni Dina dahil maraming beses na rin siyang nahiraman ni Donny at hindi na ito nabayaran pa.

Advertisement

Iniisip rin ni Dina ang mga gastusin ng kaniyang anak na tutungtong na sa kolehiyo. Nawalan kasi ng trabaho ang kaniyang asawa at marami pa itong bisyo. Kung kaya kahit na anong pagsisikap niya sa pagtatrabaho sa factory ng kaniyang ama, nauubos lamang palagi ang kaniyang mga naipupundar.

Samantala, si Dan naman ay walang ibang hinangad kundi ang makuha na niya ang factory. Nais niyang masiguro na sa kaniya nga talaga mapupunta ang negosyo ng kanilang ama. Wala siyang ibang habol kundi iyon.

Lahat silang tatlo ay may problema sa pera kung kaya naman nais na nilang makuha ang kanilang mana nang hindi sinasabi iyon sa ama na si Danilo.

Laking mahirap ang kanilang ama. Nagsimula siya sa bukid hanggang sa nagkaroon ng lupa at mas pinalawak pa iyon. Hanggang sa magkaroon na sila ng mga produksiyon ng iba’t-ibang uri ng produkto. Mabuti ang kanilang ama sa kanilang lahat. Maaga nga lang lumisan ang kanilang ina subalit hindi naman sila pinabayaan ni Danilo. At ngayong sisenta anyos na ang kanilang ama at marami ng karamdaman, matagal na nilang tanggap na mawawala na iyon sa lalong madaling panahon.

Dumaan ang isang linggo ngunit nananatiling nasa ICU pa rin si Danilo. Araw-araw ay dumadaan doon si Dan upang tingnan ang kalagayan ng ama. Subalit tulad ng nakaraang araw, wala lang malay ito ngunit maayos naman ang nagiging lagay nito sa bawat araw.

Malakas na kabog sa pintuan naman nila Dina ang kaniyang biglang narinig sa kalagitnaan ng hating gabi. Nang silipin iyon sa bintana, nakita niyang naroon si Donny, sugation ito’t halos puro pasa ang pagmumukha. Mabilis naman niya itong pinagbuksan.

“Ate, ate, ate! Tulong, ate please!” paulit-ulit na sigaw ng nagmamakaawang si Donny.

Agad na sinugod ni Dina ang kapatid sa ospital. Naalala niya kasi ang bilin ng ina na huwag pabayaan ang kapatid. Marami man itong mga gusot na pinapasok, nananatili pa rin naman itong kapatid niya.

Advertisement

Sa labas ng silid ni Donny, nakaupo si Dina. Nakatulala at malalim ang iniisip. Malaki rin ang gastusin sa ospital dahil sumailalim sa operasyon si Donny. Halos wala ng makitang gamit sa kanilang bahay. Hindi rin niya mahagilap ang asawang lumulustay ng kanilang pera. Walang ibang naramdaman si Dina ng mga oras na iyon kundi lungkot at kawalan ng pag-asa.

Dumiretso siya sa silid ng kanilang ama na nakaratay sa kama sa loob ng ICU. Nakakakabit ay mga makina na siyang tumutulong sa ama na huminga. Bigla na lamang tumulo ang luha ni Dina.

“Anong klaseng anak ang gustong mawala na ang kanilang nag-iisang magulang?” wika ni Dina sa sarili habang paulit-ulit na sinisisi ang sarili.

Nakatulog si Dina sa tabi ni Donny na kaniyang binabantayan. Ilang sandali lamang ay nagkamalay na rin iyon. Sa unang pagkakataon, muli silang nagkaroon ng mapayapang pag uusap at nagkapatawaran din sa wakas ang dalawa.

Isang mensahe sa selpon ni Dina ang sumira sa mapayapang pag-uusap ng magkapatid.

Si Danilo, ang kanilang ama, ay tuluyan ng namayapa.

Kahit na nahihirapan, inakay ni Dina ang kapatid papunta sa silid kung saan naroon ang kanilang ama. Napuno ng mabigat na emosyon at kalungkutan ang silid hanggang sa dumating na ang kanilang Kuya Dan na halata rin sa mga mata ang luha.

Matapos ang libing, tuluyan na ngang nagkabati-bati ang magkakapatid habang inaalo nila ang isa’t isa. Hanggang sa dumating na ang araw na kakausapin na sila ng abogado ng kanilang ama.

Advertisement

“Bayad na ang lahat ng pagkakautang mo, Donny. Sagot na ang pag-aaral ng iyong mga anak, Dina,” wika ng abogado. Nakahinga naman ng maluwag ang dalawa at nagngitian.

“Paano ako?” agad na tanong ni Dan nang mapansin na naglilipit na ang abogado.

“Nais kong malaman ninyong tatlo, walang ibibigay na pamana sa inyo ang inyong ama. Nais niyang matuto kayo sa buhay at hindi lamang umasa sa kung ano na ang mayroon kayo. Alam ng ama ninyo ang lahat. At sinisisi niya ang kaniyang sarili dahil hindi niya kayo napagtuonan ng pansin na palakihin nang maayos. Kaya naman, ibinigay niya ang lahat ng kaniyang pagmamay-ari sa isang organisasyon na tumutulong sa iba at punan ang mga pangangailangan ninyo,” mga huling wika ng abogado.

Puno ng pagsisisi ang magkakapatid dahil sa kanilang ginawa sa ama. Subalit alam nilang hindi pa doon nagtatapos ang lahat. Dahil binigyan sila ng pagkakataon na maitama pa ang mga naging mali nilang desisyon.