Patuloy na Nagsikap Mag-isa ang Dalagang Ito Upang Matupad ang Kaniyang mga Pangarap Kasama ang Nobyong Pineperahan Lang Siya; Masaklap na Pangyayari ang Gigising sa Kaniya

Namumugtong mga mata, putlang mga labi, sikmurang kumakalam dahil sa pagpapalipas ng kain. Umaga na’t kailangan na namang harapin ni Maya ang panibagong araw. Walang pasok sa eskwelahan ngunit mayroon siyang tutor upang pandagdag baon niya.

Mag-isa siyang nabubuhay sa edad na dalawampu’t isa. Kahit na sobrang hirap, pinipilit niyang makatapos ng pag-aaral sa kolehiyo sa pamamagitang ng mga scholarships at mga extra niyang trabaho upang kumita.

Kumuha siya ng isang piraso ng tinapay at muling tiningnan ang palitan nila ng mensahe ng kaniyang tatlong taong karelasyon. Noong unang dalawang taon ay masaya at matagumpay pa nilang nalalampasan ang mga hamon ng buhay. Subalit sa isang buong taon, puno na ng pag-aaway at malamig na ang pakikitungo ng nobyo sa kaniya. Marami na rin nagsasabi sa kaniyang niloloko siya nito ngunit wala siyang lakas ng loob iwan ito.

Muling pumatak ang luha ni Maya nang tingnan na walang mensahe ang kaniyang nobyo matapos nilang mag away noong isang araw. Naglakad siya papunta sa bahay ng batang tuturuan niya. Pilit na itinatawid ang kaniyang buhay kahit na maraming problema.

Nang marating niya ang compound kung saan siya magtuturo, pinaupo lamang siya sa may bakuran. Malaki ang bahay at may tatlong magagarang sasakyan. Patuloy lamang ang pag-oobserba niya sa paligid dahil maraming bulaklak ang nakatanim doon at mayroon din malaking swimming pool sa gitna. Paglingon lamang niya sa isang sulok na bahagi, isang lalaki ang lumapit sa kaniya at binigyan siya ng mga pinitas na bulaklak.

“Para sa inyo po!” malakas na bigkas ng lalaki na halos hindi makatingin nang tuwid kay Maya.

“H-ha? Sa akin?” tugon niya habang tinuturo ang sarili.

“Opo. Nakita ko kasi malungkot ka po eh,” sagot naman ng lalaki.

Advertisement

Ilang sandali lamang ay dumating na ang tagapagbantay nito. Humingi iyon ng paumanhin kay Maya at sinabing may sakit sa pag-iisip si Ivan. Tinanggap naman ni Maya ang bulaklak na binigay sa kaniya nito. Napangiti siya sa ginawang iyon ni Ivan. Pakiramdam niya, sa unang pagkakataon, ay may taong nag-alala sa kaniya. Natapos ang buong tatlong oras na kaniyang pagtuturo sa bakuran na iyon.

Nililigpit na niya ang kaniyang mga gamit at itinatapon ang mga scratch na kanilang ginamit. Muli niyang nakita ang mga bulaklak. Itatapon sana niya iyon ngunit naisip niyang itago na lamang iyon.

Pauwi na sana si Maya nang makita ang mensahe ng nobyo. Nasira daw ang ginagamit nitong cellphone kaya naman hindi siya makapagbigay ng mensahe. Matapos niyang marating ang kaniyang inuupahang kwarto, kinuha niya ang lahat ng perang naitatago niya. Binilang niya iyon at tinignan kung magkano ang mga ibinebentang cellphone sa online. Subalit kulang ang kaniyang naipon na pera. Naghanap siya ng part time na maaaring pasukan upang mapunan ang kulang na pera. Hanggang sa makakita siya ng isang event na nangangailangan ng waitress.

Hindi siya nagsayang ng oras at agad na nagtanong. Bukas na pala ang event. Buong gabi raw iyon ngunit malaki ang kaniyang sasahurin. Sapat upang punan ang kulang sa kaniyang hawak na pera. Laking tuwa naman niya dahil natanggap siya. Balingkinitan kasi ito, may maamong mukha at magagandang mga ngiti.

Lumipas muli ang isang buong araw na walang mensahe ang kaniyang nobyo. Ang tanging mensahe lamang sa kaniya ay ang ina na humihingi ng pera. Nang mawala ang kaniyang ama, iniwan na siya ng ina na sumama sa ibang lalaki sa Batangas. Ngunit hindi niya kailanman pinagsalitaan ng masama ang ina. Naisip niyang padalhan na lamang kung may sumobra sa kaniyang ipon.

Tiningnan niya ang sisidlan ng bigas, wala na iyong laman. Tinapay na naman ang magsisilbing tanghalian at hapunan niya. Ngunit wala iyon sa kaniya dahil sanay na siya doon. Kung minsan, matulog nang hindi naghahapunan.

Dumating ang kinabukasan, naghanda na siya upang pumasok sa trabaho. Nang makarating sa lugar, wala pa halos tao ang nandoon. Pinagpalit siya ng damit ng taong nasa contact niya. Puting blusa na may mahabang manggas at kasama nito ay maikli at petit na kulay itim na palda. Hindi na siya nagtanong pa at isinuot ang mga iyon.

Sumama siya sa babae na kaniyang contact sa trabaho. Mabait naman iyon at nagbigay lamang ng ilang bilin. Mga bawat at dapat na gawin habang nagsisilbi.

Advertisement

Ilang oras ang nakalipas, hindi niya namalayan na nakatulog pala siya. Pagmulat ng kaniyang mata, una niyang nakita na madilim na’t wala na ang araw. Ikinagulat niya ito at bigla siyang tumayo dahil naalala niyang may trabaho siya. Subalit mas ikinagulat niya nang makita ang sarili na walang saplot. Ang tanging naroon ay sampung libong piso na nakapatong sa lamesa. Hinila-hila niya ang buhok at panay ang pagkutya sa sarili. Kasabay nito ay ang kaniyang pagluha.

Pinagtanong-tanong pa niya kung sino ang kasama niya ngunit walang makapagbigay ng impormasyon. Ayaw niyang magpunta sa pulis dahil kahihiyan iyon para sa kaniya. Naglalakad ng marahan ang dalaga sa gitna ng kalye. Pakiramdam niya ang dumi dumi niya habang hawak sa kaniyang bag ang pera na bayad sa paggamit ng kaniyang katawan.

Limang buwan ang lumipas, subalit nananatiling bangungot ang mga nangyari para kay Maya. Isang ginang ang kumatok sa kaniyang pinto. Umiiyak ito at sinalubong siya ng isang mahigpit na yakap.

“Patawad, ‘nak. Patawad…” batid ng ginang na ito.

Walang sagot ang dalaga sa ina kundi isang mahigpit na yakap. Sa buong limang buwan, tinapon na niya ang relasyon niya sa kaniyang nobyo na niloloko lang naman siya ganoon din ang kaniyang pakikipag komunikasyon sa ina. Patuloy siyang nagsikap at naghirap habang inaalala ang masaklap na nangyari sa kaniya. Subalit sa mga sandaling iyon, muling nakaramdam ng pagmamahal si Maya sa piling ng kaniyang ina.