Dahil sa Isang Pangako ay Napapayag ng Isang Babae na Angkinin ang Boses ng Kaniyang Kapatid; Magsisilbing Malaking Leksyon sa Kaniyang Buhay ang Panlolokong Ginawa

Dahil sa Isang Pangako ay Napapayag ng Isang Babae na Angkinin ang Boses ng Kaniyang Kapatid; Magsisilbing Malaking Leksyon sa Kaniyang Buhay ang Panlolokong Ginawa

FamilyKarmaStories

“Anna, kumusta ang pagpunta sa palengke? Nakakita ka ba ng damit na isusuot mo para sa patimpalak sa susunod na linggo?” sambit ni Sarah sa kaniyang bunsong kapatid na si Anna. 

“Naku, ate, ang daming magagandang damit sa bayan! Hindi ako makapili. Saka kulang pa kasi ‘yung dalang pera namin ni nanay,” tugon ng dalaga. 

“Hayaan mo at may panahon pa tayong mag-ipon. Saka alam mo ba, kahit anong suotin mo nama’y tiyak na babagay sa’yo. Ang ganda-ganda mo kaya!” nakangiting papuri ni Anna sa kapatid. 

“Ayaw mo ba talagang sumama sa patimpalak sa susunod na linggo para mapanood mo naman ako? Lagi ka na lamang nandito sa bahay. Saka mas magiging masaya ako kapag mapapanood mo ako. Baka nga ikaw pa ang maging swerte ko, ate!” pagpilit ni Anna sa kapatid. 

Malaki kasi ang pagkakaiba sa itsura nila Sarah at Anna. Kahit na magkapatid sila at hindi kalayuan ang agwat ng edad ay hindi mo maitatanggi ang kanilang malaking kaibahan. Bata pa lamang si Sarah ay tampulan na ito ng tukso sapagkat hindi kaaya-aya ang kaniyang itsura. Madalas nga ay tawagin itong anak ng engkanto at kung anu-ano pang pangungutya. Dahil dito ay minabuti na lamang ng dalaga na ikubli ang kaniyang sarili.

“Huwag na lang, Anna. Baka mamaya ay pagtawanan ka pa dahil sa akin,” sambit ni Sarah. 

Ngunit hindi pumayag si Anna na hindi makasama ang kaniyang kapatid. Kaya ginawa niya ang lahat para mapilit si Sarah. Sa bandang huli ay napapayag na rin ito. 

“Gabi naman, ate. Saka ayos yang talukbong mo, hindi ka nila mapapansin. Huwag ka na lamang lalayo kila nanay,” bilin ng dalaga. 

Nagsimula ang patimpalak at ipinapakita ng lahat ng kalahok ang kanilang galing at angking talino at kagandahan. Nang si Anna na ang magpapakita ng talento ay bigla na lamang itong pumiyok. Dahil dito nagtawanan ang lahat. 

Dahil ayaw ni Sarah na maranasan rin ng kapatid ang pait ng pangungutya ay agad siyang gumawa ng paraan. Abala ang lahat at nakakuha siya ng mikropono. Sa gilid ay sinenyasan niya si Anna at doon nagsimulang ibuka ng dalaga ang kaniyang bibig. Ginamit ni Anna ang magandang tinig sa pag-awit ni Sarah.

Lahat ay namangha sa kaniyang ipinakitang talento. Lahat sila ay nagandahan sa kaniyang pag-awit. Dahil dito ay naiuwi rin ni Anna ang tropeyo. 

“Maraming salamat, ate! Ikaw talaga ang lucky charm ko!” sambit ni Anna na hindi magkamayaw ang nararamdaman sa galak. 

Dahil sa pagkapanalong ito ni Anna at sa ganda ng kaniyang ipinamalas na tinig ay may isang ahente na nag-alok sa kaniya na maging isang mang-aawit. Alam ni Anna na minsan lamang sa buhay ang ganitong oportunidad. 

“Pero lolokohin natin ang maraming tao, Anna. Hindi ko kaya ang ganoon,” sambit ni Sarah nang kumbinsihin siya ng kapatid na gamitin ang tinig nito. 

“Hindi natin maitatago ang katotohanan sa lahat,” dagdag pa ng dalaga. 

“Pero ate, hindi mo ba naisip na malaking tulong ito para sa pamilya natin. Maipapagawa na natin tong bulok nating bahay. Hindi na kailangan pang magtrabaho ng mga magulang natin. At higit sa lahat ay magiging masagana na rin ang pamumuhay natin. Hindi ba at iyan din naman ang gusto mo?” saad ni Anna. 

“Oo, pero sa tapat na paraan!” sagot ng nakatatandang kapatid. 

“Ako ang bahala sa atin, ate. Gagawin ko ang lahat para hindi tayo mabuko at saka para maging maayos ang buhay natin,” pagpupumilit ni Anna. 

Dahil dito ay napaisip si Sarah at napapayag ng kapatid. 

Sa simula ay naging matiwasay ang lahat. Sumikat si Anna dahil sa angking karikitan at ganda ng kaniyang boses. Ngunit kasabay ng kaniyang pagsikat ay ang pagbabago din nito ng ugali. Napasama na siya sa mga taong masasamang impluwensya sa kaniya. Gabi-gabi itong lumalabas kasama ang mga ito at mahilig ding magwaldas ng pera. Tila nakalimutan na ni Anna ang kanyang pangako kay Sarah at sa kanilang mga magulang. 

“Anna, ano ba ang ginagawa mo sa sarili mo?” paninita ni Sarah sa kapatid. 

“Wala kang pakialam. Ako naman ang naghihirap sa lahat ng ito!” sagot ni Anna. “Nagsasaya lang ako! Pinakikinabangan ko lang ang pinaghirapan ko!” dagdag pa niya. 

“Baka nakakalimutan mo, Anna, na pumayag lamang ako dahil sa sinabi mong tutulungan natin ang ating pamilya. Pero tingnan mo ang ginagawa mo sa iyong sarili!” wika ng nakakatandang kapatid. 

“Puwede ba, ate, huwag ka nang makialam sa akin?! Hindi naman ako nagkukulang, a! H’wag ka nang makialam. Saka huwag mong isumbat sa akin ang boses mo! Kasi kahit na anong ganda ng boses mo kung wala ang itsura ko ay hinding-hindi ka sisikat. Lalo sa ganiyang pagmumukha mo!” sambit ng dalaga. 

Hindi na napigilan pa ni Sarah na sampalin ang kapatid dahil sa sakit ng mga sinabi nito. 

“Hindi ko kailangan ng tulong mo. Mahal ako ng mga tao at kahit ano pa ang boses ko ay tatanggapin nila ako. Papatunayan ko ‘yan sa’yo!” wika ni Anna. 

Dahil sa pagtatalong ito ay buo ang loob ni Anna na kumanta ng gamit lamang ang kaniyang boses. Sa araw ng kanyang konsiyerto ay laking gulat ng lahat sapagkat iba ang tinig na naririnig nila sa dalaga. May mga nagtatawanan at ang iba naman ay nagagalit sapagkat pakiramdam nila ay niloko sila sa kanilang binayaran. 

Dahil sa kahihiyan ay hindi na nakatiis pa si Anna. 

“Oo na! Hindi na akin ang boses na naririnig n’yo!” pag-amin niya habang umiiyak. “Hindi ako talaga magaling kumanta. Ang tunay na may-ari ng boses na minahal ninyong lahat ay sa ate ko!” sambit pa niya. 

“Ate, patawarin mo ako sa mga nagawa kong kasalanan. Nais ko ring humingi sa lahat ng taong naririto na nalinlang ko. Pero bago kayo magalit sa akin ay bigyan niyo ako ng pagkakataon para itama ang lahat ng ito,” wika ni Anna na patuloy pa rin sa pagsusumamo. 

Tinawag niya ang kaniyang Ate Sarah upang pumanhik sa entablado. Ang lahat ay nagulat sa kakaibang itsura nito. Ibinigay ni Anna sa kaniyang ate ang mikropono. 

“Pakitaang gilas mo sila, ate. Ito na ang pagkakataon mo!” sambit ni Anna. 

Takot man sa una ay nagsimula ng kumanta si Sarah. Dito na nagsimulang mamangha sa mataas at magandang tinig ni Sarah ang mga tao. Pagkatapos niyang kumanta ay hiyawan ang mga ito. 

Dahil sa pangyayari ay nawala bigla ang agam-agam ni Sarah tungkol sa kaniyang sarili. Nararamdaman niya ang pagtanggap ng mga tao. Lalong-lalo na ng kaniyang kapatid. 

“Patawarin mo ako, ate. Simula ngayon ay itatama ko na ang lahat. Kaya kong mawala ang lahat ng ito pero hindi ko makakayanan na mawala ka at ang pamilya natin sa buhay ko!” sambit ni Anna. 

Naging kontrobersyal man ay napagtagumpayan ni Anna ang lahat. Naging artista ito samantalang si Sarah naman ay naging isang mang-aawit. Hindi ininda ng tao ang kaniyang panlabas na itsura bagkus ay naging inspirasyon pa siya sa nakakarami. 

More Stories