Inday TrendingInday Trending
Suwail ang Anak na Ito sa Kaniyang Ama; Leksyon ang Matututuhan Niya sa Pangyayaring Mararanasan Niya Dahil sa Barkada

Suwail ang Anak na Ito sa Kaniyang Ama; Leksyon ang Matututuhan Niya sa Pangyayaring Mararanasan Niya Dahil sa Barkada

Bata pa lamang si Maricris ay sumakabilang buhay na ang kaniyang ina dahil sa sakit nito at tanging ang kaniyang tatay Roberto na lamang ang nagpalaki sa kaniya. Kahit na maraming pangaral ang itinuro ni Roberto sa kaniyang anak ay hindi pa rin ito sapat sapagkat mabilis maimpluwensiyahan ng barkada si Maricris, at isa iyon sa madalas nilang hindi mapagkaunawaang mag-ama.

Gabi na at nag-aalala si Roberto dahil hindi pa rin umuuwi ang kaniyang anak galing sa eskwelahan. Lumabas siya ng kanilang bahay at doon niya hinintay na makauwi si Maricris. Mahigit dalawang oras nang nakatayo sa roon si Roberto ngunit hindi pa rin umuuwi ang dalaga.

Dahil doon ay napagdesisyunan niyang sunduin na lamang ito. Ngunit habang inihahanda niya ang motorsiklong sasakyan ay biglang dumating si Maricris na pagewang-gewang kung maglakad.

“Lasing ka ba?” galit na tanong ni Roberto sa anak.

“M-mamaya na ninyo ako kausapin, ’tay!” mapungaynang mga mata at nauutal na sagot naman ni Maricris sa ama.

Huminga nang malalim si Roberto upang maikalma ang sarili bago siya nagpasiyang alalayan na lamang ang lasing na anak. Tutal ay alam niyang hindi rin niya ito makakausap nang maayos.

Kinabukasan, nagpa-late sa trabaho si Roberto upang maayos na kausapin si Maricris, tanghali na kasi ito kung bumangon. Matapos maghain ng pang tanghalian ay ginising na ni Roberto ang anak.

“Maricris, bumangon ka na riyan, tanghali na,” panggigising ni Roberto sa anak.

“Ano ba ’yon?” sabi ni Maricris habang kumakamot sa ulo papuntang kusina.

“Kumain ka na. May nakahanda na akong pagkain sa mesa,” sagot naman ng ama.

Umupo na lamang si Maricris sa harap ng mesa, kaysa marinig ang paulit-ulit na tawag ng kaniyang tatay. Habang nasa kalagitnaan ng pagkain ay kinausap ni Roberto ang kaniyang anak.

“Sino’ng nagsabi na pwede ka nang uminom? Napakabata mo pa para sa mga ganiyan, Maricris!” panenermon ni Roberto sa kaniyang anak.

“Nagkayayaan lang kaming magtrotropa, birthday kasi ni James,” tila wala sa loob namang sagot ni Maricris.

“Ang sa akin lang naman ay magsabi ka kung nasaan ka, ’wag kang uminom kahit anong okasyon pa ’yan, dahil kay bata-bata mo pa!” Bahagyang tumaas ang boses ni Roberto.

Narindi si Maricris sa ama kaya’t ibinagsak niya ang kubiyertos sa mesa, at padabog na pumasok sa loob ng kaniyang kwarto. Nagulat si Roberto sa inasal ng kaniyang anak. Dati naman ay hindi siya magawang sagot-sagutin nito at hindi man lang ito marunong magdabog! Ngunit simula nang lumipat sila ng bahay ay napansin niya ang malaki nitong pagbabago.

Sa araw na iyon ay hindi pumasok si Maricris sa kaniyang eskwela ngunit dumeretso siya sa bahay ng kaniyang nobyo. Ilang araw siyang hindi umuwi sa kanilang bahay.

Sobra naman ang naging pag-alala ni Roberto. Hindi niya alam kung saan niya sisimulang hanapin ang kaniyang anak. Dahil doon ay inilapit na rin niya ang pagkawala nito sa pulisya. Sa ilang araw na iyon ay walang tigil sa paghahanap si Roberto sa suwail na si Maricris.

Umuwi na lang muna si Roberto dahil sa pagod. Ngunit sa kaniyang pag-uwi ay hindi niya akalaing maabutan niya roon si Maricris na nag-eempake ng mga damit nito.

“Saan ka pupunta, ha? Gusto mo na bang sirain ang buhay mo?” Sabay hablot ni Roberto sa bagahe ni Maricris.

“Wala ka nang pakialam!” bulyaw naman ni Maricris sa kaniyang ama.

“Ano bang nangyari sa ’yo anak? Hindi ka naman ganiyan bago tayo lumipat dito, a!” maluha-luhang ani Roberto.

“Hindi mo alam kung bakit? Kapag kasama ko anga kabarkada ko, sobrang saya ko dahil hinahayaan nila ako sa lahat ng gusto kong gawin. Hindi katulad mo na puro na lang pigil!”

Pagkatapos sabihin iyon ni Maricris ay tumakbo na ito palabas ng bahay.

Hindi inakala ni Roberto na dahil lang sa simpleng pagsaway niya sa kaniyang anak ay magiging masama na siyang ama. Nagsimulang umiyak si Roberto dahil wala siyang magawa kundi hayaan na lang muna ito.

Isang linggo ang nakalipas, itinuon na lamang ni Roberto ang atensyon sa pagtratrabaho. Ngunit isang araw nakatanggap siya ng tawag mula sa presinto…

Doon ay hindi inaasahang nakita niya si Maricris na nakakulong sa isa sa mga selda.

“Ano ho ang kasalanan ng anak ko?” kunot-noong tanong ni Roberto sa pulis.

“Nahuli po siyang kumukuha ng pagkain sa isang grocery store kasama ang mga kabarkada niya,” pagpapaliwanag naman ng mga pulis.

Yukong-yuko naman si Maricris at hindi matingnan ang ama. Sa isip-isip niya, kung iiwan siya nito at pababayaan ngayon ay maiintindihan niya. Ngayon niya napagtatantong naging napakasuwail niya talaga rito.

Ngunit sadya talaga yatang mahal siya ng ama dahil hindi siya kayang tiisin at pabayaan nito. Sa kabila ng ginawa niya ay pinyansahan siya nito at iniligtas sa kulungang iyon.

Dahil doon ay hindi napigilan ni Maricris ang emosyon nang sila ay makauwi na sa bahay…

“Papa, sorry po!” Mahigpit siyang napayakap sa ama. “Alam ko pong nagkamali ako. Patawarin n’yo po ako, papa. Sisiguraduhin ko pong aayusin ko na ang buhay ko simula ngayon!” Niyakap naman ni Roberto pabalik ang kaniyang anak.

Simula nang araw na iyon, ay unti-unti nang naging mas maayos ang pagsasama ng mag-ama. Bumalik sila sa dating masaya nilang buhay. Natutunan kasi ni Maricris ang kaniyang leksyon. Ngayon ay alam na niyang walang magandang maidudulot ang pagsunod niya sa barkada.

Advertisement