
Isang Lalaki ang Nagligtas sa Kaniya sa Tiyak na Kapahamakan; Bunga pala ito ng Kabutihang Ginawa Niya sa Nakaraan
Inabot na ng hatinggabi si Lanny dahil sa pagtatrabaho. Simula kasi ng bumaba sa posisyon nito sa kompanya ang kaniyang ama bilang presidente ay sa kaniya na naatang ang lahat ng responsibilidad nito kaya naman madalas talaga siyang gabihin sa pagtatrabaho.
Naglalakad na siya noon sa parking lot ng building na siyang pagmamay-ari niya upang puntahan ang kaniyang sasakyan. Wala kasi ngayon ang kaniyang personal na tagapagmaneho dahil nagpaalam itong sasamahan muna nang ilang araw ang kaniyang bagong panganak na asawa, na malugod namang pinayagan ni Lanny.
Tahimik na sa naturang parking lot dahil nga halos wala nang tao nang mga sandaling iyon bukod sa ilang guwardiyang nagroronda at umiikot sa naturang lugar. Ngunit hindi inaasahan ni Lanny na bago pa man siya makalapit nang tuluyan sa kaniyang sasakyan ay bigla na lang siyang hahablutin ng isang hindi kilalang lalaki, habang may kung anong matulis na bagay na nakatutok sa kaniyang tagiliran.
“Huwag kang sisigaw kundi, bubutasin ko itong tagiliran mo,” maawtoridad na sabi ng lalaki.
Agad namang dumagundong ang kaba sa dibdib ni Lanny nang mga sandaling iyon. “A-ano’ng kailangan mo?” ngunit lakas-loob na tanong niya sa masamang loob na nagtatangka sa kaniyang buhay.
“Ibigay mo sa akin ang lahat ng pera, alahas at gadyet mo para hindi ka masaktan!” sagot naman ng lalaki.
“O-oo… ibibigay ko sa ’yo, huwag mo lang akong saktan, pakiusap!” sagot naman ni Lanny sa lalaki at nagsimula na siyang hubarin ang lahat ng mga alahas na nakasuot sa kaniyang katawan ngayon.
Patapos na sana si Lanny sa kaniyang ginagawa, nang bigla na lang silang makita ng isang guwardiya. Sumigaw ito nang mapansing tila nasa panganib siya! “Hoy! Sino ka?!” tukoy nito sa lalaking nagtatangka sa buhay ni Lanny.
Dahil doon ay nataranta ito at mas lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa kaniya. Ngayon ay desidido na itong bawian siya ng buhay lalo pa at sa palagay nito ay wala naman siyang takas. Kung mawawalan siya ng buhay ngayon ay mas mabuti pang isama na rin niya ang kaniyang biktima para hindi siya nag-iisa! Akmang itatarak na nito ang hawak na matulis na bagay kay Lanny, nang bigla na lang itong dambahin ng isang matapang na lalaki. Pagkatapos ay pinukpok nito sa ulo ang kawatan, dahilan upang mawalan ito nang malay. Sa isang iglap ay nailigtas nito sa Lanny!
Agad na tumawag ng pulis ang mga guwardiya upang hulihin ang kawatang napag-alaman nilang lulong pala sa ipinagbabawal na gamot. Isinama ito ng mga pulis sa presinto at doon ay agad itong ikinulong matapos magbigay ni Lanny at ng ilang guwardiya ng statement nila sa nangyari.
“Maraming salamat!” nanginginig ang tuhod na ani Lanny sa lalaking nagligtas sa kaniya nang siya ay makabawi na mula sa pagkabigla.
“Huwag po kayong magpasalamat sa akin, ma’am. Ginawa ko iyon bilang pagtanaw sa utang na loob ko sa ipinakita ninyong kabaitan sa akin noon,” sagot naman nito.
Ipinagtaka ni Lanny ang sinasabi ng lalaki kaya naman kunot-noo niya itong tinanong. “A-ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya rito.
“Kung hindi n’yo po natatandaan, hayaan mong ipaalala ko sa inyo ang nakaraan… ako ay isa ring lalaking nagtangkang nakawan kayo noon, dahil sa sobrang pangangailangan ko sa pampaospital ko sa aking itay. Parang ganito rin ang senaryo natin noon. Tinutukan kita ng kutsilyo at sinubukang kunin ang mga gamit mo, ngunit umiiyak akong humingi ng tawad sa ’yo noon, dahil hindi ko talaga gustong gawin ’yon…” paliwanag ng lalaki na ngayon ay nangingiti habang inaalala ang una nilang pagkikita. “Mukhang natunugan mo na hindi ko talaga gustong gawin ang bagay na ’yon kaya naman bago ako umalis, matapos mo akong bigyan ng pera ay hinabol mo ako para dagdagan ang ibinigay mo sa akin… at dahil doon ay nailigtas ko ang buhay ng aking itay.”
Umaliwalas ang mukha ni Lanny. Nanlaki ang kaniyang mga mata matapos marinig ang sinabi nito. Tila ba biglang nanumbalik ang alaalang iyon sa isip ni Lanny. Tama! Natatandaan niya ang lalaking ito! Hindi niya akalaing dahil pala sa ginawa niyang kabutihan ay aani siya ng tulong sa oras ng kapahamakan. Dahil sa ginawa niyang pagtulong sa nakaraan, ngayon ay nagawa siyang iligtas nang walang pagdadalawang isip ng lalaking ito bilang pagtanaw ng utang na loob nito sa kaniya.