Inday TrendingInday Trending
Paulit-ulit na Niloloko ng Lalaki ang Kaniyang Nobya Ngunit Tinatanggap pa rin Siya Nito; Isang Pangyayari ang Magiging Dahilan upang Sukuan Siya Nito

Paulit-ulit na Niloloko ng Lalaki ang Kaniyang Nobya Ngunit Tinatanggap pa rin Siya Nito; Isang Pangyayari ang Magiging Dahilan upang Sukuan Siya Nito

Dalawang linggo na lang bago ang kasal nina Desiree at Cyrus. Masaya si Desiree at sa wakas ay matutupad na ang pangarap niyang maikasal sa harap ng altar. Mahigit anim na taon na silang magkasintahan, at kahit maraming kalokohang nagawa si Cyrus kay Desiree, tinanggap at pinatawad pa rin siya nito sa kabila ng mga iyon.

“Kanina ka pa ba?” napapakamot sa ulong tanong ni Cyrus sa nobya nang sa wakas ay dumating siya sa restawran kung saan nila napag-usapang magkita ngayon para matalakay nila ang ilang mga bagay na tungkol sa kanilang nalalapit na kasal.

“Alas siyete ang usapan natin, hindi ba? Bakit ngayon ka lang? Alas nueve na, o!” galit na sabi ni Desiree sa kaniya nobyo.

“Sorry na, may biglaang meeting kasi,” paliwanag naman ni Cyrus. Huminahon naman si Desiree dahil naintindihan na niya kung bakit nahuli ito sa usapan nila.

Sinimulan na nilang pag-usapan ang mga bagay na gagawin at iimbitahan nila sa kasal nang magpaalam si Desiree upang pumunta sa banyo. Sa kaniyang pagbalik sa lamesang kinakainan nila ay naabutan niyang may kausap si Cyrus na isang babae. Malaki ang tiyan nito, halatang buntis at galit itong nakikipag-usap sa kaniyang nobyo. Naririnig niya kasi ang pinag-uusapan nila dahil naroon lamang naman siya sa hindi kalayuan.

“Huwag kang mag-eskandalo rito, Rea, please lang,” pagpapakalma ni Cyrus sa nasabing buntis.

“Paanong hindi? E, tinatakbuhan mo kami ng anak mo!” bulyaw naman ng babae rito.

“Anak? May anak ka sa kaniya, Cyrus?” dahil sa kagustuhan ni Desiree na malaman kung ano ang tinutukoy ng babaeng tinawag nitong Rea ay tinanong na niya ito.

Makikita sa mata ni Cyrus ang gulat. Pinagpawisan ito at napayuko na lamang dahil hindi na niya kayang lokohin si Desiree.

“’Wag tayo ditong mag-usap, maraming tao ang nakatingin sa atin,” tanging pakiusap na lang ni Cyrus kina Desiree at Rea.

“Ba’t hindi mo masagot ang tanong ko? Oo o hindi lang ang isasagot mo, Cyrus.” Hindi napigilan ni Desiree ang kaniyang galit dahil naguguluhan siya sa nangyayari. Tumayo lamang si Cyrus at hinigit palabas ng restawran si Desiree. Dinala niya ito sa parking lot. Binitawan ni Cyrus ang paghawak niya sa kamay ni Desiree at niyakap ito.

“Patawarin mo ako, mahal. Oo, anak ko nga ang dinadala ni Rea, pero lasing ako nang gabing may mangyari sa amin.” Lalong hinigpitan ni Cyrus ang yakap kay Desiree matapos niyang sabihin iyon.

Pinilit naman ni Desiree na kumawala sa yakap ng nobyo dahil sa mga narinig nito. Nang magtagumpay siya ay binigyan niya ng isang malakas na sampal ang nobyo.

“Wala nang dahilan para ituloy pa natin ang kasal. Ngayon pa lang, napapagod na akong intindihin ka, kaya mas mabuting wala nang kasal na maganap,” mariing ani Desiree.

“Ang dami mo namang kaartehan! Hindi ba nga, iniwan ko siya para pakasalan ka?!” malakas ang tinig na ani Cyrus kay Desiree sa aroganteng tono.

Nagulat si Desiree sa iniakto ni Cyrus. Imbes kasi na maging mapagkumbaba ito ay tila ito pa ang may ganang magalit! Dahil doon ay walang sabi-sabing iniwanan ni Desiree si Cyrus sa parking lot at sumakay ng taxi pauwi.

Pagkarating sa kanilang bahay ay agad namang pinuntahan ni Desiree ang kaniyang magulang, at sinabi sa mga ito kung ano ang nangyari sa kanilang dalawa ni Cyrus. Labis na nagalit ang magulang ni Desiree kaya miski ang mga ito ay ayaw nang ituloy pa ang kasal.

Isang linggo simula noong iniwan ni Desiree si Cyrus sa parking lot ay hindi na siya nakakakain nang tama. Hindi na rin siya nakakapasok sa trabaho at napapabayaan na niya ang kaniyang sarili.

Isang araw ay kinatok ng kaniyang ina si Desiree at kinausap siya nito.

“Alam kong masakit para sa ’yo ang nangyari sa inyo ng nobyo mo, pero huwag mo naman sanang pabayaan ang sarili mo, anak.” Mahinahong pinagsabihan siya ng ina.

Hindi sumagot si Desiree kaya lumabas na lang ito sa kwarto niya. Paulit-ulit na naririnig ni Desiree ang sinabi ng kaniyang ina sa kaniyang isip at napagtanto niya na tama ito. Hindi dapat niya pabayaan ang kaniyang sarili.

Nagbakasyon sa Boracay si Desiree upang maka-iwas sa stress na nararamdaman niya. Doon ay may nakilala siyang lalaki… si Jason, na kalaunan ay nakapalagayan niya ng loob at naging kaibigan.

Makalipas ang isang linggo ay umuwi na si Desiree sa Manila ngunit sinigurado ni Jason na hindi sila mawawalan ng komunikasyon. Isang taon pa ang lumipas at lumalim ang pagsasama ni Desiree at Jason. Lumipat ng trabaho si Jason ng Maynila upang palagian niyang makita si Desiree. Ipinaramdam sa kaniya ng binata ang lahat ng hindi kayang ipadama ni Cyrus noon sa kaniya, kaya naman hindi nagtagal ay sinagot niya ang binata.

Isang araw, habang namamasyal si Desiree kasama ang bago niyang nobyo ay nakasalubong niyang muli si Cyrus. Ito ang unang pagkikita nila matapos ng nangyari noon. Minabuti na lang ni Desiree na huwag pansinin ang binatang dating sumira ng kaniyang puso, habang si Cyrus naman ay wala nang ibang nagawa kundi sundan na lamang ng tingin ang babaeng sinayang niya.

Sa totoo lang ay pinagsisisihan niya ang lahat ng kaniyang nagawang pagkakamali kay Desiree, dahil mula nang mapilitan siyang panagutan na lang si Rea ay nagkandamalas-malas na ang kaniyang buhay. Ngayon ay ni hindi niya kayang buhayin nang maayos ang kaniyang mag-ina, pagkatapos ay nasasaktan pa siyang makitang may iba nang minamahal ang babaeng hanggang ngayon ay hindi niya pa pala nakakalimutan. Nahiling niyang sana ay hindi na lang niya ito sinayang, ngunit huli na para pagsisihan niya iyon dahil hindi na muling magiging sa kaniya si Desiree.

Advertisement