Mahal Maningil ang Abogado na Nilapitan ng Misis Para sa Kaso ng Mister; Magawa Kaya Nitong Tumulong Kahit Salat sa Buhay ang Mag-asawa?
Dinakip ng mga awtoridad si Dolfo at kasalukuyang nakapiit sa presinto. Diumano’y isa ang lalaki sa nanloob sa isang restawran sa kanilang lugar kinagabihan. Dinalaw siya ng asawa niyang si Clarissa.
“Ano bang nangyari sa iyo, Dolfo? Bakit ka nila hinuli at ikinulong dito? Anong kasalanan mo?” sunud-sunod na tanong ng babae na ‘di na napigilang maiyak sa sinapit ng mister.
“Wala akong kasalanan, mahal ko. Nakainuman ko lang sila kagabi pero ‘di ko alam na may plano pala silang mangholdap sa restawran na iyon,” sagot ni Dolfo.
“Huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan para mailabas ka rito. Papatunayan natin na wala ka talagang kasalanan,” wika pa ni Clarissa na hinaplos ang pisngi ng asawa.
Desidido si Clarissa na mapawalang sala ang kaniyang mister at mailabas ito sa kulungan kaya ang bantog na cr*minal lawyer na si Atty. Miguel Bertubin ang nilapitan niya para sa kaso ni Dolfo.
“Parang awa mo na, Atty. Bertubin, tulungan mo ang mister ko. Idinamay lang ng mga kr*minal na iyon ang asawa ko. Baka puwedeng hawakan niyo ang kaso,” pakiusap niya sa abogado.
Tingin palang ng abogado kay Clarissa ay may pag-aalinlangan na ito.
“Tipong walang ibabayad ito,” sabi ng abogado sa isip. “Eh, marami akong hawak na kaso ngayon, misis. Sa iba niyo na lang ilapit ang kaso ng mister mo,” sagot niya.
Lulugu-lugong umuwi si Clarissa sa tinuran ni Atty. Bertubin.
“Naku, bakit sa taong iyon ka humingi ng tulong? Ganid ‘yang si Atty. Bertubin. Pag wala kang pera ay ‘di ka hahawakan niyan. Mukhang salapi ang abogadong iyon,” sabi ng kaibigan ni Clarissa na si Vivian.
“Mahusay kasi siya, eh. Marami na siyang kasong nakawakan na naipanalo niya. Tiyak kong maililigtas niya si Dolfo,” sagot ni Clarissa sa kaibigan.
“So, ano, itutuloy mo pa rin ang paglapit sa kanya?” tanong pa ng kaibigan.
“Oo, Vivian, itutuloy ko. Maibebenta ko ang bahay na ito kung mga singkwenta mil lang. Ibibigay kong lahat sa kanya. Ibebenta ko rin ang bahay sa probinsya na iniwan ng yumao kong mga magulang. Lahat gagawin ko makalaya lang si Dolfo ko, wala siyang kasalanan,” umiiyak na sabi ni Clarissa.
Ibinenta nga niya ang bahay nilang mag-asawa at ang bahay na ipinamana pa sa kanya ng mga magulang niya kaya nakaipon siya ng mas malaking halaga.
“Ano ito? Isandaang libo? Kulang ‘yan! Higit pa riyan ang magagastos mo,” wika ni Atty. Bertubin nang puntahan niya ulit ang abogado sa opisina nito.
“Huwag kang mag-alala, atty, hawakan niyo lang ang kaso ng asawa ko, daragdagan ko pa ‘yan,” tugon niya.
Buo ang loob ni Clarissa na gawin ang lahat ng makakaya niya para sa kaniyang asawa. Nakahanda siyang pasukin lahat ng uri ng trabaho maibigay lang sa abogado ang nais nitong halaga. Nagtrabaho siya bilang labandera, tiga-plantsa ng mga damit, pumasok na kasambahay, naging yaya ng mga batang hindi niya kaanu-ano, nagbenta ng mga kung anu-ano at iba pa hanggang sa isang araw ay sumuko ang katawang lupa ni Clarissa sa sobrang pagod.
“Diyos ko, Clarissa! Anong nangyari sa iyo?!” gulat na sabi ng nanay niya nang maabutan itong nakahandusay sa sahig at walang malay.
Mabilis na naisugod sa ospital si Clarissa. Kahit may karamdaman ay ang mister pa rin niya ang nasa isip niya, inutusan niya ang kaibigang si Vivian na pumunta sa opisina ni Atty. Bertubin upang ibigay ang karagdagang bayad sa serbisyo nito.
“Magandang hapon, atty. Ako po si Vivian, kaibigan po ni Clarissa Mercado. Pinabibigay niya po itong dagdag na limang libong piso,” wika ng babae.
Ipinagtaka ng abogado kung bakit hindi si Clarissa ang pumunta sa kaniya.
“Bakit? Nasaan ba siya?” tanong ng abogado.
“Nasa ospital po siya, attorney,” sagot ni Vivian.
“Bakit? Anong nangyari sa kaniya?”
Isinalaysay ni Vivian ang lahat ng ginawa ng kaibigan makalikom lang ng malaking halaga na ibabayad sa abogado.
“Halos ayaw na niyang kumain, ginagawa niya pong araw ang gabi sa pagtatrabaho makabayad lang sa inyo,” sabi pa ni Vivian.
Nakaramdam ng konsensya si Atty. Bertubin. Nagpasama siya kay Vivian sa ospital kung nasaan si Clarissa. Pagdating niya roon ay bumungad agad sa kaniya ang anyo ni Clarissa na payat na payat na malaki ang itinanda ng mukha.
Natuwa naman ang babae nang makita ang presensiya niya.
A-attorney… B-buti at nadalaw kayo. K-kumusta na ang kaso ng asawa ko?” tanong ni Clarissa sa mahinang tono.
Muntik nang may bumikig sa lalamunan ni Atty. Bertubin nang sumagot…
“Huwag kang mag-alala, aasikasuhin ko na ang kaso ng mister mo. Ang gawin mo ay magpagaling ka, Clarissa,” wika ng abogado.
May iniabot ding sobre si Atty. Bertubin.
“Eto’ng pera, gagastusan kita dito sa ospital. Hahawakan ko nang husto ang kaso ng asawa mo. Malaki ang pag-asa na siya’y maabsuwelto, Clarissa,” saad pa ng abogado.
Hindi na napigilan ni Clarissa na maluha sa tinuran ni Atty. Bertubin.
“N-naku, marami pong salamat, attorney, salamat po,” hagulgol ng babae habang mahigpit na humawak sa mga kamay ng abogado.
Nang magpaalam na si Atty. Bertubin ay may kumislap na butil ng luha sa sulok ng kaniyang mga mata.
“Napakadakila mo, Clarissa. Dakila ang iyong pag-ibig, handang isakripisyo pati ang iyong buhay para sa minamahal,” bulong niya sa isip.
Tumimo sa puso ng abogado ang wagas na pagmamahal ni Clarissa sa kabiyak nito na ‘di tulad ng asawa niya na ipinagpalit siya noon sa isang maperang lalaki. Kung kaya nagsikap siya at naging malupit upang maging mapera din ngunit iyon ay nabago nang makilala ang tulad ni Clarissa. Sa ngayon ay handa na niyang kalimutan ang nakaraan, napagtanto niya na mas masaya sa pakiramdam ang pagtulong sa kapwa na hindi pinapairal ang pagiging gahaman sa salapi.
Naipanalo ni Atty. Bertubin ang kaso ni Dolfo at napawalang sala ang lalaki. Laking pasasalamat nito at ng asawang si Clarissa sa ginawa niyang tulong. Mula noon ay mas bukas palad na ang abogado na tumulong sa mga kapos na ang tanging hangad ay ang makamit ang hustisya.