Takot Sa Dugo ang Dalaga Ngunit Pangarap Niya Raw Maging Doktor; Maging Hadlang Ba ang Takot sa Pagkamit ng Kaniyang Pangarap?

Takot Sa Dugo ang Dalaga Ngunit Pangarap Niya Raw Maging Doktor; Maging Hadlang Ba ang Takot sa Pagkamit ng Kaniyang Pangarap?

InspiringStoriesSuccess

“M-mama!” nahihintakutan niyang sigaw nang makakita siya ng maliit na dugo mula sa sariling hintuturo. Bahagya itong nasagutan sa paggagayat niya ng sibuyas. Nanlalaki ang mata niya habang pilit pinupunasan ang pulang likido sa kaniyang hintuturo. Nanginginig din ang kaniyang katawan dahil sa takot. Pinakakinaaayawan niya pa naman ang makakita ng dugo.

Malaki kasi ang naging epekto ng dating aksidenteng nangyari kay Atasha. Nagkaroon siya ng maraming kinatatakutan at kabilang na nga roon ang takot niya sa dugo.

Agad na tinakpan ng kaniyang Mama ang dumudugo niyang hintuturo at saka siya niyakap. Hindi niya namalayang lumuluha na pala siya.

Isang gabi ay narinig niyang nag-uusap ang kaniyang mama at papa. Hindi niya sinasadyang makinig ngunit nakuha nito ang atensyon niya, lalo na ng banggitin ng kaniyang ina ang tungkol sa kursong gusto niya aniyang kunin sa paglaki niya.

Pangarap na maging doktor ni Atasha simula bata pa, ngunit ang pagiging matatakutin niya sa dugo ang problema. Hindi naman maaari na takot ang isang doktor sa dugo, hindi ba? Iyon ang sigurado niyang pinag-uusapan ng kaniyang mama at papa.

Malungkot siyang pumasok sa sariling kwarto at saka nag-isip-isip. Gusto niya talagang maging doktor at hindi niya hahayaan na ang phobia niya lamang ang sisira ng pangarap niya.

“Labanan mo ang takot mo, Atasha!” may panghahamon sa sariling nawika niya.

Lumipas ang araw at nag-enroll na siya sa kolehiyo. Kumuha siya ng kursong Medicine kahit na tutol ang kaniyang Mama at Papa. Naiisip niya pa lang na magagalit sila ay napapapikit na siya.

“Hindi naman masama ang abutin ang pangarap, hindi ba?” sa isip-isip ay pinapalakas ni Atasha ang sariling loob.

Tulad nang inaasahan ay sermon ang inabot niya sa ina habang naiiling naman ang kaniyang ama. Pumasok agad siya sa kwarto at doon umiyak.

Sa simula ng taon bilang kolehiyala sa kursong medisina ay talagang mahirap. Pinagpapasalamat niya na lamang na puro lecture at sauluhin ang unang taon. Ngunit habang patagal nang patagal ay nagiging actual na ang ginagawa nila. Literal na madugo ang ginagawa nilang pag-aaral dahil sumasabak na sila sa mga pasyente lalo na nang siya ay mag-OJT na. Kalaban niya ang takot, hindi lang miminsan ang pag-iyak niya ngunit masasabi niyang ma-swerte pa rin siya dahil hindi na siya nangangatal o nawawalan ng ulirat kapag nakakikita ng dugo. Paunti-unti ay nilalabanan niya ang kaniyang takot dahil may pangarap din siyang nais matupad.

Hindi nagtagal ay nakapagtapos siya sa kursong kinuha niya, bilang Magna Cum Laude. Masaya siya at hindi matawaran ang ngiti ng kaniyang mga magulang nang umakyat na sila sa entablado upang isabit sa kaniya ang kaniyang mga medalya. Naroon ang hindi mawawalang speech na nagpaiyak sa maraming kapwa niya estudyante na nangarap din at may iba’t ibang takot na kinakaharap ngunit, narito, pare-parehas silang hawak ang pinakamimithing diploma.

Hindi siya tumigil na mag-aral. Kumuha siya ng exam upang maging lisensyadong doktor at makapagsilbi na rin sa iba’t ibang pasyente. Pakiramdam niya ay nasa rurok na siya ng tagumpay gayong kailangan pa nilang hintayin ang resulta ng exam.

Nakakainip. Nakakatakot. Ngunit naroon ang pananabik.

Matapos ang nagdaang panahon ay inilabas na ang resulta ng exam para sa mga katulad niyang nag-aasam na maging doktor. Mababasa ang lungkot, saya, panghihinayang at iba’t ibang emosyon galing sa mga kasama niya noon.

Hinanap ni Atasha ang sariling pangalan. Nanlaki ang kaniyang mga mata at hindi makapaniwala nang makita nga niya roon ang pangalan niya!

“Mama, pumasa po ako!” aniya sa kaniyang ina “Isa na akong ganap na doktor, mama! Matutupad ko na ang pangarap kong magpagaling ng mga maysakit!”

Ngunit hindi lang iyon ang ikinaluha niya, iyon ay ang nakikita niyang saya sa mukha ng mga magulang. Alam niyang proud na proud na ang mga ito sa kaniya.

“Ang galing ng Top 1 natin!” buyo ng mga kasamahan niyang pumasa rin sa exam.

Nasa bahay sila nina Atasha dahil sa salu-salu na hinanda ng kaniyang bilang selebrasyon sa kaniyang pagpasa.

“Talino mo talaga, Atasha. Hindi kapani-paniwala na may takot ka sa dugo,” may paghangang saad ni Ethan na tinawanan lang ni Atasha.

“Dahil may pangarap ako. At lagi kong sinasabi sa sarili kong hindi ako magpapatalo sa takot na mayroon ako.” Nilingon niya ang ina na nasa dining area dahil alam niyang naririnig nito ang sinasabi niya.

“I’m proud of you,” pabulong namang usal nito at masayang nginitian siya.

More Stories