Palaging Kinagagalitan ng Ina ang Panganay; Akala Tuloy Nitoʼy Paborito Niya si Bunso

Palaging Kinagagalitan ng Ina ang Panganay; Akala Tuloy Nitoʼy Paborito Niya si Bunso

FamilyInspiringStories

“Mama tingnan mo si Bunso, oh! Ginugulo na naman po niya ako, e, gumagawa ako ng assignment!” naghihiyaw ang batang si Josh at tinatawag ang kanilang ina. Paanoʼy panay na naman ang panggugulo sa kaniya ng kaniyang kapatid habang gumagawa siya ng takdang aralin.

Nagpupunas ng pawis na pumasok ang kanilang ina mula sa pagsasampay nito sa kanilang bakuran. Galit itong bumaling sa kaniya.

“Bakit hindi ka ba marunong magpasensiya sa kapatid mo? Hindi ba at alam mo namang may kapansanan siya kaya siya ganiyan?!” pagalit na singhal ni Divina sa anak na si Josh.

Napayuko naman ang bata. Nag-uulap na ang mga mata nito sa sobrang pagkadismaya. Siya na naman kasi ang pinagalitan ng kanilang mama, imbes na ang pasaway at makulit niyang kapatid. Kaya naman imbes na sumagot ay nagtatakbo na lang paakyat sa kaniyang kuwarto si Josh at doon umiyak.

Napabuntong-hininga na lamang si Divina sa inasal ng anak na si Josh. Hindi niya na talaga alam kung paano pa ipaliliwanag sa anak na ito ang kalagayan ng bunso nitong kapatid na ipinanganak niyang kaiba mula sa ibang bata. Hindi ito normal. May problema ang bunso niyang si Cedrick sa pag-iisip at mas kailangan nito ng pagkalinga mula sa kaniya.

Ngunit mukhang nakalilimutan na yata ni Divina na dalawa ang kaniyang anak. Isa pa ay nasa ikaanim na baitang pa lang sa elementarya ang kaniyang panganay kaya naman kailangang-kailangan pa nito ng kaniyang pagkalinga. Malungkot na pinagmasdan siya ng asawang si Jayson.

“Mahal, huwag ka namang maging masiyadong magagalitin kapag si Josh ang kausap mo. Tandaan mo, kahit siya ang panganay ay bata pa rin siya. Kailangan pa rin niya ng kalinga mo.”

Napayuko si Divina sa sinabi ng asawa. Naisip niya ang mga pagkakataong napapagalitan niya si Josh kahit sa mababaw lang na dahilan. Paanoʼy talagang napu-frustrate siya dahil hindi niya na alam kung papaano pa iintindihin ang dalawang anak gayong lalong lumalala ang kalagayan ng kaniyang bunso habang lumilipas ang panahon.

Dahil doon ay agad na nagpasiya ang mag-asawa na kausapin ang kanilang panganay.

“Josh, anak,” panimula ni Divina. Naabutan nila ni Jayson na nakayupyop si Josh sa kaniyang kama at nakayakap sa sarili. “Anak, naiintindihan mo naman si mama, hindi ba?”

Ngunit hindi sumasagot ang kaniyang anak. Panay lamang ang pagsinghot nito. Ni hindi humaharap sa kaniyang puwesto.

“Anak, gusto ko sanang malaman mo na mahal ma mahal ka ni mama,” pagpapatuloy pa ni Divina.

“E, bakit lagi nʼyo po akong pinagagalitan, mama? Dahil po ba paborito nʼyo siya?” biglang harap naman ni Josh.

“Anak, hindi ganoʼn. Patawarin mo si mama kung palagi na lang kitang napagbubuntunan ng pagod. Pero hindi ibig sanihin nʼon, hindi na kita mahal, ha?” pag-aalo niya pa rito. “Iyong kapatid mo kasi, mas kailangan niya ng pag-intindi natin kasi nga, ʼdi ba, sabi sa ʼyo ni mama at papa, hindi normal si bunso? Ikaw ang kuya niya, e, kaya ikaw dapat ang laging magpo-protekta sa kaniya. Dapat love mo siya lagi,” pagpapaliwanag pa ni Divina.

Pinahid naman ni Josh ang kaniyang mga matang basang-basa pa rin ng luha. “E, love ko naman po si bunso, mama, e. Sorry po kung minsan, bad din ako sa kaniya ha? Promise po, hindi na ako magiging bad na kuya kay bunso. Magiging mabait na po ako para hindi na po kayo magalit sa akin,” dagdag pa ni Josh na ikinangiti naman ng mag-asawang Divina at Jayson.

Patuloy nilang ginabayan at ipinaintindi nang mabuti kay Josh ang kalagayan ng kanilang bunsong anak upang magtuloy-tuloy na ang maayos at maganda pa ring samahan ng kanilang pamilya.

Kalaunan ay mas naging close naman sina Josh at Cedrick sa isaʼt isa. Hindi naman nagtagal ay natanggap din ni Josh na may mga bagay talagang hindi kayang gawin ng kaniyang kapatid, katulad na lang ng pakikinig. Madalas ay si Josh pa nga ang nagiging takbuhan ni Cedrick sa tuwing ito ay umiiyak. Naging mabuti ang paggabay ng mag-asawa sa kanilang mga anak at kitang-kita iyon sa bond ng magkapatid. Mabuti na lamang at naagapan nila ang muntik nang pag-iisip ni Josh ng masama tungkol sa extra care na ipinapakita ni Divina sa kanilang bunso.

Ang mga bata ay kailangan lang talaga ng sapat at tamang pag-intindi upang sila ay mas maging mabuting tao.

More Stories