Hindi Isinama ng Ama sa Pamamanahan ang Kaniyang Anak sa Labas; Magigimbal Siya sa Magiging Ganti Nito sa Kaniya
Isang masayang selebrasyon ang idinaos sa tahanan ng Pamilya Arevalo, bilang pagdiriwang sa ika-limampung kaarawan ng padre de pamilya nilang si Don Agustin. Kasabay no’n ay inanunsyo na rin niya ang maagang pamanang ipamimigay niya sa kaniyang mga anak, upang ang mga ito ay makapag-umpisa na ng sari-sarili ilang kinabukasan, kasama ang kani-kaniya nilang pamilya. Ngunit sa kabila ng kasiyahang nagaganap sa loob, sa ’di kalayuan, sa labas lamang ng nasabing mansyon ay nakatanaw naman ang binatang si August, ang bunso ni Don Agustin Arevalo, na anak nito sa labas.
Walang ni isang kusing na ibibigay si Don Agustin para sa nasabing binata, dahil para sa kaniya ay hindi niya kailan man kikilalanin ang isang bastardong anak niya lang sa isang babaeng serbidora sa bar na noon ay madalas niyang puntahan. Mababa ang tingin niya sa ina nito kaya naman mababa rin ang tingin niya rito, kahit pa sabihing dugo niya pa rin ang dumadaloy sa ugat nito.
Masamang-masama naman ang loob ni August sa kaniyang ama at kitang-kita iyon sa masamang tinging ipinupukol niya rito habang nakatanaw siya mula sa tapat ng gate ng mansyon nito—hindi dahil sa wala siyang matatanggap na mana, kundi dahil sa hindi nito pagkilala man lang sa kaniya bilang anak. May mga butil ng luhang namumuo roon at handa nang tumulo sa kaniyang pisngi, nang biglang magtama ang tingin nila ng ama.
Binawi lamang ni Don Agustin ang kaniyang tingin at ibinalik sa kanilang mga bisita kahit pa nakita niya namang nasa labas ang kaniyang anak. Wala siyang pakialam dito at ni hindi man lang siya nakaramdam ng awa kahit pa alam niya namang umiiyak ito.
“Mahina! Manang-mana sa kaniyang ina,” sabi niya pa sa loob-loob niya, dahil sa ipinakitang luha ng lalaki. Simula noon ay hindi na ito kailan man nagpakita sa kaniya, na naging pabor naman kay Don Agustin.
Ilang taon ang lumipas at unti-unting tumanda ang pangangatawan ni Don Agustin. Nagsimula na rin siyang bawian ng kaniyang katawan sa mga bisyo niya noon, tulad ng alak at sigarilyo, kaya naman nagsimula na rin siyang magkaroon ng mga komplikasyon. Dahil doon ay halos maubos ang lahat ng kaniyang pera sa pagpapagamot, lalo pa’t walang ni isa man lang sa kaniyang mga anak ang nagpasiyang magbigay man lang sa kaniya ng tulong, dahil pawang hindi nagtagumpay sa piniling mga landas ang mga ito at pare-pareho na ring naghihirap.
“Hindi ko kayang alagaan si papa. Wala na nga akong pambayad sa mag-aalaga sa anak ko kaya nga nag-resign na ako sa trabaho, tapos dadagdag pa siya?” inis na sabi ng panganay na anak ni Don Agustin, isang araw habang patungo siya sa kusina upang uminom ng gamot. Nakasakay siya sa isang lumang wheelchair na bahagya lamang kung kaniyang maitulak dahil wala nang lakas ang kaniyang mga braso.
“Lalo naman ako! Hindi na nga ako magkandaugaga sa pag-aasikaso ng palugi ko nang negosyo, e!” sagot naman ng pangalawa niya na agad namang sinundan ng pangatlo.
“Huwag n’yong iasa sa akin ’yan. Ang mabuti pa, ipadala na lang natin si papa sa home for the aged, dahil hindi naman pala natin siya kayang alagaan pa,” suhestiyon nito na mabilis pa sa alas kuwatrong sinang-ayunan ng dalawa.
Ganoon na nga ang ginawa ng mga ito. Halos manlumo na lamang si Don Agustin nang malamang walang ni isa man sa kanila ang gustong umako ng responsibilidad ng pag-aalaga sa kaniya, dahil maaga niyang naibigay na sa kanila ang kanilang mana. Walang pagdadalawang isip nila siyang ipinadala sa nasabing institusyon at doon ay basta na lamang iniwan nang walang kasupo-suporta…
Hindi akalain ni Don Agustin na sa pinakamadilim na bahaging ’yon ng kaniyang buhay ay darating ang isang ’di inaasahang taong siyang tutulong sa kaniya…walang iba kundi ang bunso niyang si August, na ngayon ay isa na palang matagumpay na negosyante.
“Papa, simula ngayon ay ako na ang mag-aalaga sa inyo, sa ayaw n’yo man o sa gusto. Hindi maibibigay ng institusyon na ’to ang pag-aalagang kaya kong ibigay sa inyo bilang tunay na anak at kadugo n’yo, kahit pa ayaw n’yo sa akin. Ngayong tinalikuran na kayo ng mga kapatid ko’y hayaan n’yo sanang ako naman ang magparamdam sa inyo ng pagmamahal bilang anak,” sabi pa sa kaniya ng anak, na nagpaluha naman nang matindi kay Don Agustin.
Hindi niya inaasahan na ang anak na noon ay ayaw niyang kilalanin ang siya pa palang magkukusang loob na alagaan ang isang tulad niya kahit pa wala na itong mahihita kaysa sa kaniya. Mas matindi pa pala sa karamdamang nararanasan niya ngayon ang sakit at pagsisising mararamdaman niya dahil sa naging kasalanan niya kay August.
Mabuti na lang at pagsubok lamang pala ang lahat…hindi totoong malubha na ang sakit ni Don Agustin at naghihirap na siya! Iyon ay upang malaman ni Don Agustin kung sino sa kaniyang mga anak ang karapat-dapat niyang pamanahan ng natitira niya pang mga ari-arian, pati na rin ng kompaniyang matagal niyang inalagaan. Ganoon na lang ang gulat ng tatlong lehitimong anak ng don nang malaman nila ’yon, lalo na nang ipamana niya iyon sa bunsong si August na siyang nag-iisang karapat-dapat para sa nasabing kayamanan! Ngayon ay ipinapangako ni Don Agustin na babawi siya sa kaniyang bunso, hindi lang sa halaga ng pamana, kundi sa pagpaparamdam ng pagmamahal niya rito.