Pilit na Sinasapawan ng Isang Babae ang Dati Niyang Kaklase; Bandang Huli’y Kakainin Niya ang Lahat ng Kaniyang Panlalait

“Ang bongga ng opening ng shop nila Guada, ano? Samantalang tingnan mo tayo, kahit langaw ata ay hindi pupunta dito dahil sobrang boring,” sambit ni Lita sa kaniyang pamangkin na may-ari ng tindahan na si Celeste. 

“Ganiyan naman talaga si Guada. And hindi ko lang maintindihan sa kaniya ay bakit kailangang ganitong negosyo din ng pasukin niya. Wala naman siyang alam sa pagtahi ng damit,” wikang naman ng dalaga.

“Alam mo naman iyang si Guada. Lahat na lamang ay kinakainggitan sa’yo. Hindi na ata siya naka move on sa pagiging magkakumpetensya niyo noong elementary. Saka hindi ba ikaw lagi ang gusto ng mga lalaking natitipuhan niya. Kaya siguro matindi ang pagnanais niyang patunayan na mas magaling siya,” sambit pa ng kaniyang Tiya Lita. 

“Wala naman akong pakialam sa mga lalaking iyon! Ang babaw ng dahilan niya! Hayaan na nga natin siya, tiya. Ipagptuloy na lang natin ang pag-aayos dito sa shop. Baka sakaling may magpatahi na rin sa atin,” saad pa ni Celeste.

Malayo ang pagkakaiba ng buhay nina Celeste at Guada. Ngunit kahit na gano’n ay hindi maunawaan ni Celeste kung bakit tila mainit ang dugo ng dating kaklase sa kaniya. Pilit kasi siyang inaangatan ni Guada sa lahat ng pagkakataon.

Ngayong nagbukas si Celeste ng isang patahian ay naisipan ding magbukas ni Guada ng tindahan ng damit at patahian sa tapat pa mismo ng shop ng dalaga.

Napansin ni Guada na nakatingin ang magtiyahin sa kanilang shop. Agad niya itong nilabas at pinuntahan.

“Kung ako sa iyo ay isarado mo na ‘yang patahian mo at walang kalaban-laban iyan sa akin. Tignan mo nga ang tindahan mong ito? Sino ang magnanais na pumasok sa isang masikip at napakapayak na lugar na ito. Kung ako sa ’yo habang maaga pa ay isara mo na nang hindi ka na mapahiya,” saad ni Guada sa dating kaklase. 

Advertisement

“Napakadumi talaga ng bunganga mong babae ka, no? Napakayabang mo para sabihin ‘yan. Gusto mo bang gamitin ko ang gunting na ito para kalbuhin ka?” naiinis na sambit ni Lita.

“Tama na ‘yan, tiya. Huwag mo nang patulan iyang si Guada. Sayang ang talim ng gunting natin, ilaan mo na lang sa mga tela,” awat naman ni Celeste sa tiyahin.

“Iyan lang ba ang ipinunta mo dito, Guada, ang insultuhin kami? Ngayong tapos ka na ay pwede ka nang umalis. Ayaw namin ng gulo,” wika muli ng dalaga.

“Talagang aalis na ako dahil hindi ko matagalan ang shop mong walang ka kwenta-kwenta. Tandaan mo ito, sa loob ng isang buwan ay patataubin ko ang negosyo mo!” saad pa ni Guada.

Ilang araw na ang lumilipas at pinapanood na lamang nila Celeste at ng kaniyang Tiya Lita ang paglabas masok ng mga mamimili sa shop ni Guada. Habang sa kanila ay pailan-ilan lamang ang nagpapatahi at puro pa-repair pa.

Talagang naging sikat at dinadagsa ng tao ang shop ni Guada dahil na rin sa patuloy niyang paninira sa patahian ni Celeste.

“Ilang araw pa lang at talong talo ka na, Celeste. Paano ba ‘yan? Baka tuluyang bumagsak ang negosyo. Kawawa ka naman!” pangungutya ni Guada.

“Sige, aalis na ako at kailangan pa ako sa shop kasi ang daming bumibili at ang daming nagpapatahi. Gusto mo bigyan kita ng kostumer? Ano ka sinuswerte?” natatawang pangungutya muli ng dalaga.

Advertisement

Bumalik si Guada sa kaniyang shop at nagpatuloy lamang sa pagtatrabaho ang magtiyahin.

“Galingan na ang natin, tiya. Makikita din ng mga tao na maganda ang kalidad ng mga gawa natin kahit na payak lamang itong shop natin,” saad ni Celeste kay Lita.

Isang araw ay habang naglilinis ng kanilang patahian ay nakita na lamang ni Celeste si Guada na tila may kaaway sa labas ng shop nito. Nang tingnan mabuti ng dalaga ay nakita niyang dinuduro ni Guada ang isang matandang pulubi. 

Dahil sa awa ay agad na lumabas si Celeste sa kaniyang patahian upang awatin si Guada sa kaniyang ginagawa.

“Guada, tama na ‘yan! Pati ba naman ang matandang iyan ay papatulan mo?” sambit ni Celeste.

“H’wag kang makialam dito, Celeste! Walang ginawa ang matandang ito kung hindi tumanghod sa harap ng shop ko. Malay ko ba kung may nais siyang gawing masama sa amin. Baka pagnakawan pa ako niyan! Saka isa pa naiilang ang mga kostumer ko dahil sa baho at dumi ng matandang iyan!” bulyaw naman ni Guada.

“Hindi talaga ako makapaniwala sa dumi ng isip mo, Guada! Pwede mo namang kausapin ng maayos ang matanda. Hindi ‘yung kailangan mo pa siyang sigawan at duruin,” muling sambit ni Celeste.

Kinausap ni Celeste ang matanda upang malaman ang tunay na dahilan kung bakit ito laging nasa harap ng shop ni Guada.

Advertisement

“Tinitignan ko lang kasi ang bistidang nakasabit sa loob. Ang sabi kasi ng apo ko ay nais daw niyang makatanggap ng gano’n sa kaniyang kaarawan. Nag-iipon ako ng pera para mabili ito. Kaso malaki pa ang kulang ko dahil umaasa lamang ako sa pangangalakal,” naiiyak na sambit ng matanda.

“Kita mo na, Guada. Pinag-isipan mo kaagad ng masama ang matandang ito. Grabe ka talaga,” saad muli ni Celeste.

“Tatang, kung mamarapatin niyo po ay nais kong igawa ng bistida ang apo niyo. Ako na po ang bahala sa lahat. Wala po kayong babayaran. Bumalik kayo sa akin makalipas ang tatlong araw at ibibigay ko sa inyo ang bistida upang mairegalo niyo sa kaarawan ng inyong apo,” malugod na sambit ni Celeste.

“Tama, diyan ka magpagawa ng damit dahil wala namang ginagawa iyan dahil wala silang kostumer. At isa pa, sa halaga ng pera mong matanda ka ay ang yaring bistida lang niya ang makakayanan mo,” sambit pa ni Guada.

“Huwag niyo na pong intindihin ang babaeng iyan. Tara na po sa shop ko nang makapili na kayo ng tela,” paanyaya nI Celeste sa matanda.

Makalipas ang tatlong araw ay ibinigay ni Celeste ang tinahi niyang bistida sa matanda.

“Wala na nga tayong kita ay gumawa ka pa ng libre. Ikaw talaga, napakabait mo!” sambit ni Lita sa pamangkin.

“Pabayaan mo na, tiya. Masaya naman ako dahil nakatulong ang patahian natin sa matandang iyon. Nakita mo ba ang ganda ng kaniyang mga ngiti? Sapat na kabayaran na iyon para bistidang binigay natin sa kaniya,” pahayag ng dalag.

Advertisement

Ilang sandali pa ay biglang may kumatok sa shop ng dalaga. Agad niya itong pinaunlakan pumasok. Laking gulat niya nang makita ang isang artista.

“Hindi ba, ikaw po si Helen Zamora? Ano ang ginagawa ng isang sikat na artista sa isang simpleng patahian na kagaya nito?” labis na pagtataka ni Celeste.

“Noong isang araw kasi ay naroon ako sa kabilang shop. Nagbalat kayo ako upang walang makakilala sa akin dahil nais kong mamili at magpaggawa ng damit ng hindi pinagkakaguluhan. Ngunit bigla na lamang akong nagulat nang biglang sugurin ng may-ari ang isang matandang lalaki dahil lamang sa itsura nito.

Nakita ko kung paano mo siya pinagtanggol. Alam ko rin na ginawan mo ng bistida ang kaniyang apo upang may maibigay siyang regalo. Kay buti ng puso mo. Pinahanga mo talaga ako.

Ngayon ay nais ko sanang magpatahi sa iyo ng mga damit. Kapag nagustuhan ko ay irerekomenda pa kita sa ilan kong kaibigan at kasamahan sa showbiz. Tutulungan kitang umangat dahil mabuti kang tao,” saad ng artistang si Helen.

Lalong ikinagulat ni Celeste ang sinabi ng babae. Tinapik-tapik niya ang kaniyang mukha sa pag-aakalang nananaginip lamang siya.

Nang umalis ang artista ay napatalon na lamang sa galak si Celeste. Agad siyang nagtahi ng damit para kay Helen Zamora. At makalipas ang ilang araw ay binalikan ito ng ginang at labis siyang nasiyahan.

Dahil sa tuwa ay lagi nang nagpapatahi ng damit itong si Helen Zamora kay Celeste. Pinasasalamatan niya rin ito sa telebisyon dahilan para sumikat ang patahian ni Celeste. Maraming artista na rin ang lumalapit sa kaniya upang maggawa din ng damit.

Advertisement

Sa loob lamang ng ilang buwan ay tuluyan nang naging matagumpay at lumaki ang patahian ni Celeste.

Samantala, wala nang bumibili pa at nagpapatahi ng damit sa shop ni Guada. Ang lahat ay nagsilipatan na sa gawa ni Celeste.

Labis na inggit ang nararamdaman ni Guada sa tuluyang pag-asenso ni Celeste. Wala na siyang ibang nagawa kung hindi pagmasdan na lamang ang paglabas-masok ng mga kostumer sa patahia ni Celeste habang ang tuluyan na niyang isinasara ang kaniyang naluging negosyo.