
Ayaw Ilagay ng Isang Ginoo ang Ulyaning Ama sa Home For The Aged; Maaantig ang Lahat sa Kaniyang Dahilan
Halos iharurot na ni Resty ang kaniyang sasakyan ng makatanggap siya ng tawag mulasa kaniyang asawa. Nasa labas pa lamang ng kanilang bahay ay dama na ng ginoo ang tensyon. Sinalubong siya ng nakasimangot na asawa.
“Ano ba ang nangyari dito, love? Ano na naman ang ginawa ni daddy?” tanong ni Resty sa kaniyang asawang si Dina.
“Tignan mo na lang sa loob, Resty. Hanggang ngayon ay naglilinis pa rin ang mga katulong dahil nagwala na naman. Ang nabasag naman ngayon ang mga mamahaling vase ko! Binili ko pa ‘yun sa Indonesia!” nabubuwisit na sambit ng ginang.
Pumasok si Resty ng bahay upang tignan ang nangyari. Doon ay nakita niyang basag-basag ang ilang mamahaling vase.
“Pasensiya na kayo, Manang Lydia. Kayo na po ang bahala dito. Asan po ang daddy ko?” tanong ni Resty sa kasambahay.
“Nasa kwarto na po at nagpapahinga. Pasensya ka na rin, Resty. Hindi namin nakayanan ang lakas ng daddy mo. Talagang unti-unti nang nawawala ang kaniyang ala-ala,” saad naman ni Manang Lydia.
Dali-daling tinungo ni Resty ang silid ng ama upang tignan naman ang kalagayan nito. Doon ay nakita niyang nakahiga lamang ang matanda at tila malalim ang iniisip.
“Akala ko po ay natutulog na kayo, daddy. Gusto mo po ba ng gatas para makatalog ka?” tanong ng ginoo sa kaniyang ama.
“H-hindi na, Resty. Naiisip ko lang ang ginawa ko kanina. Hindi ko naman sinasadya. Alam kong nahihirapan na kayo sa akin sa tuwing inaatake ako ng pagkawala ng aking memorya,” nalulungkot na wika ng matanda.
“Alam kong mamahalin ang mga vase na nabasag ko. Patawad talaga. Pakisabi rin sa asawa mo,” dagdag pa ng ama.
“Huwag niyo na pong alalahanin ‘yun, dad. Bibili na lang ako ulit. Sige po at magpahinga na kayo,” wika naman ni Resty habang inaayos niya ang kumot ng ama. At saka niya ito hinalikan sa noo.
Nang makalabas si Resty sa kwarto ng ama ay sinalubong agad siya ni Dina.
“Hindi ko na talaga kaya ang daddy mo, Resty. Ilang beses ko nang sinasabi sa iyo na ilagay mo na ‘yan sa isang Home Care Facility. Doon ay mas maaalagaan siya. Doon ay mas maibibigay ang mga pangangailangan niya,” sambit ni Dina.
“Hindi ba, napag-usapan na natin ‘yan, Dina. Hindi ko ilalagay sa pasilidad na ‘yun ang daddy ko. Dito lang siya sa atin. Kung pwede nga lang ay ako na lang ang mag-alaga sa kaniya kaso kailangan ko ring magtrabaho. Saka huwag mo na ulit sasabihin ‘yan dahil baka marinig ka ni daddy,” saad pa ng mister.
“Ano ba ang akala mo sa akin, Resty? Gagawin mo lang ba akong taga-alaga ng matanda mong ama! Kung hindi mo kayang alagaan ay ilagay mo na lang sa Home Care Facility. Magbayad ka na lang. Tignan mo nga ang mga binabasag niya. Saka hihintayin pa ba nating gumawa pa ng mas malala ‘yan bago mo sundin ang gusto ko? Nagsasawa na ako!” bulyaw ng ginang.
“Tapos na ang usapan na ito, Dina. Hindi ko ilalagay ang daddy ko sa Home Care Facitlity na sinasabi mo. Mauna na ako sa kwarto at may gagawin pa ako,” wika ni Resty sa ginang.
Mabigat ang loob ni Resty na makita ang kaniyang ama sa ganoong kalagayan. Lahat na ng eksperto ay nalapitan na nila ngunit hindi na talaga bumubuti ang kalagayan ng ama. Mas madalas na itong sumpungin ngayon.
Kinabukasan ay nagising na lamang si Resty sa sigaw ng kaniyang asawa.
“Ano na naman ang nangyari?” humahangos na wika ni Resty.
“Tinabig ng daddy mo ang inihaing pagkain sa kaniya. Basag na naman ang mga pinggan. Tapos ito, umihi dito at nagkalat ng dumi!” inis na inis na sambit ni Dina sa mister.
“Hindi ko na talaga makakayanan pa ‘to, Resty! Bahala ka at ikaw na ang umasikaso sa ama mo!” sigaw pa ng ginang.
Imbis na iutos sa kasambahay ay si Resty mismo ang nag-ayos ng kaniyang ama.
Maya-maya ay muli siyang sinita ng kaniyang misis.
“Resty, ano itong nabalitaan ko na nag-file ka raw ng leave sa kompanya at ipinagkatiwala mo ito sa assistant mo? Nasisiraan ka na ba ng bait? Anong gagawin mo dito sa bahay?” galit na wika muli ni Dina.
“Nagpasya ako na ako na muna ang mag-aalaga sa daddy ko. Dalawang buwan lang naman ang hiningi ko,” tugon ng ginoo.
“Nasisiraan ka na talaga ng bait. Bahala sa buhay mo!” tugon pa ng ginang.
Mula nang araw na iyon ay tinutukan na ni Resty ang pag-aalaga sa kaniyang ama. May mga pagkakataon na paulit-ulit na ang sinasabi nito ngunit pinapakinggan lamang ito ng ginoo na parang unang beses pa lang niya itong narinig. Siya rin mismo ang nagpapaligo sa ama at bumubuhat nang hindi na ito makalakad.
Madalas pa siyang masaktan ng kaniyang daddy sa tuwing hindi siya nito naaalala. Ngunit kahit isang beses ay hindi siya nagtaas ng boses o nagalit sa matanda.
Isang gabi habang pinapatulog niya ang kaniyang ama ay bigla siya nitong naalala.
“Anak ko,” sambit ng ama.
Sa sobrang saya ni Resty dahil muling nakaalala ang ama ay hindi niya napigilang mangilig ang kaniyang mga luha.
“Ano po ‘yun, daddy?” tanong ng ginoo.
“Alam ko pagod ka na sa akin. Pasensya ka na sa matandang ito. Ako ang daddy mo at ako ang dapat na nag-aalaga sa iyo ngunit kabaliktaran ang nangyayari. Pasensya ka na kung pabigat na ako sa’yo,” nalulungkot na wika ng ama.
“Hindi kayo pabigat sa akin, dad. Gusto ko ang ginagawa ko. Gusto kong ako ang nag-aalaga sa inyo,” agad na tugon ni Resty.
“Sadyang napakabuti mo. Salamat sa lahat ng ginagawa mo para sa akin,” wika pa ng matanda.
“Dad, ibinabalik ko lang po sa inyo ang lahat ng ginawa niyo sa akin noong ako’y bata pa. Noong hindi ako marunong maglakad ay inaakay niyo ako. Binubuhat pa nga kung ako’y pagod na. Pinapakain kapag ako’y gutom, pinapaliguan dahil maputik ang katawan ko mula sa paglalaro. Wala kayong ginawa kung hindi pakinggan ang paulit-ulit kong kwento. Kahit kailan ay hindi niyo ako pinagalitan o sinigawan. Pinalaki niyo ako ng maayos.
Kaya ang nais ko’y sa inyong pagtanda ay ako din ang umalalay sa inyo. Humihingi ako ng tawad sa mga panahon na wala ako sa inyong tabi. Pero mahal na mahal ko kayo, daddy,” hindi na napigilan ni Resty ang maiyak habang tangan ang kamay ng kaniyang ama.
“Masaya ako sapagkat lumaki ka ng maayos at mapagmahal higit pa sa hiniling ko sa Panginoon. Ipinagmamalaki kita, anak. Sa paglisan ko ay dadalhin ko ang lahat ng iyong pagmamahal sa langit. Ikaw ang kayamanan ko,” sagot pa ng matanda.
Napuno ng luha nang gabing iyon.Nanatili si Resty sa tabi ng ama hanggang sa ito’y makatulog.
Kinabukasan ay natagpuan na lamang nila ito sa kaniyang silid na wala nang buhay. Yumao ang matandang ama ng mapayapa.
Lumuluha si Resty na tangan ang malamig na kamay ng ama habang inaalala niya ang mga bawat sandali na magkasama sila ng kaniyang ama.
Ilang sandali pa ay nariyan na sa kaniyang tabi si Dina.
“Patawarin mo ako sa lahat ng nasabi ko sa daddy mo. Alam kong kahit nasaan man siya ay masaya na siya dahil sa mga huling sandali ng kaniyang buhay ay ikaw ang kapiling niya,” saad ni Dina sa asawa.
“Lagi mong tatandaan na hindi ako magiging ganito katagumpay, maayos na asawa at ama kung hindi dahil sa daddy ko. Siya ang naging ehemplo upng mahubog ako sa kung ano man ako ngayon. Kulang pa ang lahat ng ito upang isukli ko sa lahat ng nagawa niya para sa akin,” wika naman ni Resty.
Makalipas ang ilang araw ay hinatid na nila ng tuluyan sa huling hatungan ang yumaong matanda. Malungkot man ay baon ni Resty ang lahat magandang ala-ala kasama ang kaniyang ama.