Napagalitan ng Bagong Propesor ang Mag-aaral Dahil Huli Itong Dumating sa Klase at Mali Pa ang Uniporme; Ano Kaya ang Pinagdaraanan Nito?

“Esteban?”

Walang sumagot sa kaniyang mga mag-aaral.

“Esteban, Domingo…”

Isang humahangos na lalaki ang kumatok sa pinto ng silid-aralan.

“G-Good morning, sir…”

“What’s good in the morning? Sino ka?” tanong ng masungit na propesor na si Mauro.

“S-Sir, ako po si… Domingo Esteban. Pasensya na po…”

“Walang pase-pasensya. Ang huli ay huli. Sa klase ko, bawal ang mahuli. Naiintindihan? Sige pagbibigyan kita dahil unang araw ng klase natin, pero sa susunod na maulit pa iyan, huwag ka nang pumasok sa klase ko. Maliwanag?”

Advertisement

Pulang-pula ang mukha ni Domingo sa labis na pagkapahiya.

“O-Opo sir, pasensya na po, nahuli po kasi ang dating ng…”

“Enough, Mr. Esteban. Did I ask you to explain your reason? Get inside!”

Lulugo-lugo namang pumasok si Domingo sa loob ng silid-aralan.

Napansin ng bagong propesor na iba ang kulay ng slacks ni Domingo, na kaiba sa uniporme ng mga lalaking mag-aaral. Agad niya itong sinita.

“Hindi lang pala pagpasok sa klase ang problema sa iyo Mr. Esteban kundi pati pagsusuot mo ng uniporme. Tingnan mo. Malinaw na hindi ka marunong sumunod sa polisiya ng paaralang ito. Paano mo ipaliliwanag na kulay-itim ang slacks ng mga kaklase mong lalaki habang ikaw naman ay navy blue?”

Tumayo si Domingo at sinikap na ipaliwanag ang kaniyang sarili subalit hindi na siya makapagsalita pa. Tila lumubog na siya sa kaniyang kinatatayuan sa labis na pagkapahiya.

“Sa susunod, bago kayo pumasok sa loob ng klase, partikular sa klase ko, titiyakin muna ninyo na maayos kayo. Look at yourself. Humahangos kang pumunta rito. Huli ka pa. Ang gulo-gulo ng buhok mo. Nagsuklay ka ba? Naligo ka ba?”

Advertisement

At nanermon na ang propesor. Naubos ang kaniyang oras hanggang sa matapos na ang kanilang klase.

Pagkaalis ng propesor, isa-isang naglapitan ang mga kaklase ni Domingo at tinapik siya sa kaniyang balikat.

“Ayos lang ‘yan, kilala ka naman namin Kuya Domeng. Hayaan mo na si Sir. Matatauhan din iyan kapag nalaman niya ang kuwento mo,” sabi ng isa niyang kaklase.

“Oo nga Kuya Domeng! Huwag kang mahiya sa amin kung ipinahiya ka ni Sir. Unawain na lang natin na bagong pasok siya rito sa atin at hindi ka niya kilala. Nagkaharap na ba kayo sa gate?”

“Hindi pa, pero sa mga susunod na araw, malamang magkatiyempuhan kami,” nasabi na lamang ni Domingo sa kaniyang mga kaklase.

“Good morning, sir!”

Isang masayang ngiti ang ibinungad ng guwardiya ng pamantasan kay Mauro.

“Good morning din!” masiglang bati ni Mauro sa guwardiya, na palagay niya ay nasa 40 taong gulang. Ngunit napatda siya nang makita ang mukha nito.

Advertisement

“Hindi ba ikaw yung… Domingo Esteban na nahuli kahapon sa klase ko? Anong ginagawa mo rito sa gate?” takang tanong ni Mauro.

“Opo, ako nga po. Guwardiya po ako rito, Sir. Pinagsasabay ko po ang pagtatrabaho bilang guwardiya at pagiging mag-aaral,” nakangiting paliwanag ni Domingo.

“T-Talaga? Nagagawa mo iyon? Ang galing!” pahayag ni Mauro sa kaniyang mag-aaral na guwardiya pa.

“Opo, Sir. Gusto ko po palang magpaliwanag sa inyo kung bakit ako nahuli kahapon. Kasi po, huli na rin pong dumating ang relyebo ko, eh hindi ko po puwedeng iwanan ang puwesto ko rito. Baka matanggal po ako sa trabaho. Kaya hinintay ko pa pong dumating ang kapalitan ko,” paliwanag ni Domingo.

Napatango naman si Mauro.

“Kaya po ako humahangos kahapon. Hindi ko na po nasuklay ang buhok ko nang alisin ko ang guard cap ko, at nag-alis lang po talaga ako ng pang-itaas na uniporme ng guwardiya na lagi kong isinusuot kapag duty ko. Kaya yung slacks ko po kahapon ay uniporme ko sa pagka-guwardiya. Pasensya na po kung ngayon ko ipinaliliwanag,” saad pa ni Domingo.

“Ganoon ba. Pasensya ka na sa akin kahapon, talagang ganoon lamang ako sa klase. Kapag nasa loob na ako ng klase, nababago na ako. Nagiging pormal na. Hanga naman ako sa sipag, tiyaga, at determinasyon mo. Hindi madaling pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral. Hindi ka ba nahihiya sa mga kaklase mo na guwardiya ka rito tapos kaklase ka nila?”

“Ay wala naman pong dapat ikahiya, Sir. Isa pa nauna naman akong guwardiya rito kaysa maging mag-aaral. Gusto ko pong makatapos ng pag-aaral para sa pamilya ko,” paliwanag ni Domingo.

Advertisement

Kaya naman sa tuwing papasok na huli at iba ang uniporme ay hindi na sinisita ni Mauro si Domingo, dahil alam niyang ang mag-aaral niya, ay guwardiya pa.

Makalipas ang ilang taon ay nakatapos ng pag-aaral si Domingo at nakahanap ng mas magandang trabaho na may mas malaking kita. Bukod doon, isa rin siyang Cum Laude kaya labis siyang hinangaan at ginawang inspirasyon ng lahat.