Tamad sa Bahay ang Padre de Pamilyang Ito, Nagimbal Siya sa Inasal ng Asawa

“Mahal, baka pupwede mo namang tignan ‘yong tubo sa lababo natin. Barado, eh, hindi ako makapaghugas ng pinggan. Kanina pang umaga ‘yong mga plato doon baka tumigas na ang sebo sa mga ‘yan,” sambit ni Telay sa kaniyang asawa, isang tanghali bago ito pumasok sa trabaho.

“Tubero ba ako, ha? Bakit sa akin mo pinagagawa ‘yan?” masungit na tanong niya habang nag-aayos ng sarili sa salamin.

“Malamang, asawa kita! Kanino pa ba ako hihingi ng tulong, ha? Eh, wala ka rin namang ginagawa, pati ‘yong inutos kong mga halaman sa likod bahay, hindi mo pa rin inaayos hanggang ngayon,” tugon pa nito na lalo niyang ikinainis.

“Hardinero ba ako para iutos mo sa akin ‘yon?” pambabara niya rito.  

“Diyos ko naman, Lito! Kailangan bang maging kusinero ka, maging hardinero, kasambahay, at tubero bago ka kumilos sa bahay na ‘to?” inis na sermon nito sa kaniya habang padabog na inaayos ang sandamakmak na pinggan sa kanilang lababo.

“Ito na naman tayo, walang sawang bunganga na naman! Makaalis na nga! May pera naman tayo, ayaw pang kumuha nang gagawa ng mga sira sa bahay!” bulyaw niya saka agad nang lumabas ng kanilang bahay.

Tanging pagtatrabaho lang ang ginagawa ng padre de pamilyang si Lito. Ni hindi niya magawang humawak ng walis tambo kahit nakikita niya kung gaano karumi ang kanilang bahay. Katwiran niya, “Pagod na ako sa trabaho, eh, pati ba naman sa bahay, ako pa rin ang kikilos?” dahilan upang ganoon na lang siya magbulag-bulagan sa mga gawaing bahay na hindi pa magawa-gawa ng kaniyang asawang aligaga sa kaniyang mga anak.

Kahit nga anak niya, hindi niya magawang maalagaan o kahit mabuhat man lang sa tuwing umiiyak at humahabol sa asawa niyang nagliligpit ng kalat sa kanilang bahay. Pakiusapan man siya ng kaniyang asawa na alagaan muna ito, palagi niyang pambabara, “Babysitter ba ako?” na labis na ikinaiinis nito kaya naman titigil na lang sa pagliligpit at patatahanin ang anak nilang iyak nang iyak. 

Advertisement

Sa tuwing uutusan o kahit pakisusuyuan lang ng kaniyang asawa, kung hindi siya agad magagalit, babarahin niya ito upang siya’y tigilan lamang. Lalo pa siyang naiinis sa kaniyang asawa nitong mga nakaraang araw dahil halos lahat ng sirang gamit o lugar sa kanilang bahay na may depekto, pinapagawa nito sa kaniya.

Ito ang dahilan upang halos araw-araw niya itong masigawan at kahit isa sa mga inuutos nito, hindi niya talaga ginagawa kahit nakikita niya nang nahihirapan ang kaniyang asawa.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos ng kaniyang trabaho, agad na siyang nagpasiyang umuwi upang makapagpahinga.

“Paano nga ba ako makakapagpahinga sa bahay namin kung puno ng kalat at may maiingat na bata? Idagdag pa ang bunganga ng asawa kong walang tigil sa kakaputak!” kamot-ulo niyang sambit habang siya’y naglalakad sa kanilang barangay.

Ngunit halos lumuwa ang mata niya nang tumabad sa kaniya ang malinis nilang bahay pagkabukas ng kanilang pintuan.

“Teka, totoo ba ‘to? Malinis ba talaga ang bahay natin? O sadyang malabo na ang mata ko?” pagkamangha niya saka siya umikot sa kanilang bahay, “O, naayos na ang tubo ng lababo, maayos na rin ang gripo sa banyo, walang nakakalat na laruan at maayos na ang mga halaman sa likod bahay! Anong himala ito, mahal? Ikaw lahat ang gumawa nito?” tanong niya pa.

“Hindi, tinulungan ako ng kapitbahay natin,” tipid na sagot ng kaniyang asawang nagpapatulog ng kanilang anak.

“Naku, ang bait naman no’n! Magkano ang ibinayad mo sa kaniya?” pang-uusisa niya. 

Advertisement

“Tinanong ko siya kung anong gusto niya, eh, kung paglulutuan ko siya o gusto niya akong maging asawa,” tugon nito na ikinatawa niya.

“O, e ‘di siyempre pinaglutuan mo lang siya kasi may asawa ka na,” hula niya. 

“Hindi, ha, hindi naman ako kusinera,” pangbabara nito na ikinagulat niya.

“A-anong ibig mong sabihin?” pagtataka niya.

“Alam mo, nagkamali talaga siguro ako kung bakit ikaw ang pinakasalan ko. Ni isang gawaing bahay, hindi ka gumagawa dahil ikaw ang nagpapakain sa akin. Hindi naman yata tama ‘yon dahil pagod din naman ako sa mga bata. Kailangan ko ng lalaking makakatuwang ko sa buhay, hindi lalaking aalilain ako habang buhay,” sambit pa nito saka agad na nagkulong sa kanilang silid dahilan upang biglang tumigil ang mundo niya.

Doon niya labis na napagtantong tila hirap na hirap na ang kaniyang asawa sa pag-ako ng lahat ng responsibilidad sa bahay habang siya, walang pakialam sa nararamdaman nito.

Ito ang dahilan upang siya’y magmakaawa rito na huwag siyang iwan at mangakong gagawin ang lahat upang maging isang mabuti at responsableng asawa alang-alang sa kanilang maliit na pamilya.

Hindi man niya agad makuha muli ang loob ng asawa, araw-araw niya itong pinatutunayan sa pamamagitan ng pagtulong sa gawaing bahay at pag-aalaga sa kanilang mga anak.