Inday TrendingInday Trending
May mga Kaibigan raw ang Lalaking Ito na Hindi Nakikita ng Pangkaraniwang Mata Lamang; Totoo nga Kaya Ito?

May mga Kaibigan raw ang Lalaking Ito na Hindi Nakikita ng Pangkaraniwang Mata Lamang; Totoo nga Kaya Ito?

Lumaking mahilig magtanim ng halaman si Tupe. Laging sinasabi ng mga kapatid nito sa mga naging supling ni Tupe, ay ‘dahil daw noong bata ito ay lagi daw itong nagsisira ng mga halaman sa hardin ng kanilang ina kaya naman madalas daw itong mapagalitan.’

“Kaya iyan nagbabawi ngayon sa mga halaman,” biro ng panganay na kapatid ng lalaki na si Cholo.

Natawa lamang si Tupe sa sinabi ng kaniyang kuya na dahilan upang maalala niyang muli ang mahiwagang pangyayari noon na siyang nagpabago ng pananaw niya sa kalikasan at kung paano niya ito rerespetuhin.

Panahon pa iyon ng kabataan ni tupe, pilyo at maloko talaga ito. Ang kanyang ina na si Ada ay mahilig sa mga mabubulaklak at makukulay na halaman, kaya naman napakaganda ng hardin sa kanilang bakuran.

Magaganda at makukulay na bulaklak, punong mangga, kalamansi at iba-iba pang puno ay naroroon din. Marami ang nagtataka kung bakit at paano naaalagaan ito ni Ada lalo na’t abala rin ito sa iba pang mga bagay?

Isang araw ay napadpad si Tupe sa kanilang malaking hardin. Dala ng kapilyuhan ay pinaghahampas niya ang mga bulaklak at tinagpas ang mga ito. Hinampas din niya ng patpat ang iba pang mga halaman na naging dahilan ng pagkasira nito.

Sakto at nakita ito ni Ada kaya naman galit na galit nitong sinuway ang anak, “Tupe! Ano ba naman iyang ginawa mo?! Alam mo bang masama ang sumira ng halaman? May mga buhay rin iyan at hindi dapat ginaganiyan!”

Tumawa lamang si Tupe at tumakbo ng mabilis. Nagtago agad siya dahil alam niya na lagot siya sa kaniyang ina.

Habang kumakain ng hapunan, kinausap ni Ada ang mga anak. “Ilang beses ko ba kayong pagsasabihan na ‘wag na ‘wag ninyong sisirain ang mga halaman sa hardin. Napakaimportante noon sa atin at sa mga iba pang nakikinabang doon.”

“Si Tupe lang po iyon!” pagtuturo naman ni Cholo.

“Tupe, sa susunod na makita kong nagsira ka, sa labas na kita patutulugin! Magagalit ang mga bantay doon kaya tigilan mo na iyan!”

“A-anong bantay po?” tanong ni Tupe.

“Basta, mga kaibigan na nag-aalaga sa hardin. Kaya ‘wag mo nang uulitin iyon kasi magagalit sila sa’yo. O siya, ‘wag nang maraming tanong. Magsitulog na kayo!” saad pa ng ginang.

Kalagitnaan ng gabi noon nang makarinig si Tupe ng maliliit na tinig. Mayroon din tila ba maliliit na yabag siyang naririnig. Dahil sa kyuryosidad at tiningnan ito ng bata.

Nanlaki ang mga mata niya ng makita ang maliliit na tao sa lamesa. Kumakain ito ng mga biscuit at ibang matatamis na pagkain na iniwan ng ina niya sa lamesa.

“Bakit maliliit kayo? Sino kayo?” tanong ni Tupe sa mga maliliit na taong nakikita.

“Kami ang nagbabantay sa hardin. At malaki ang kasalanan mo doon!” sagot ng isa. Napakiliit ng tinig nito pero sapat upang marinig at maintindihan.

“K-kayo pala ang sinasabi ni mama na nagbabantay doon. Pasensiya na po at hindi na mauulit,” sabi ng bata.

“Dapat lamang dahil may kaparusahan ang kung sinumang sisira sa mga bagay na aming inaalagaan,” sabi ng maliit na tao.

Sa ating kasaysayan, duwende ang tawag sa mga ganoong nilalang. Sila ay ang maliliit na taong nangangalaga sa kalikasan. Pinapaniwalaan ng iba na may mabubuti at masasamang nilalang na ganoon. Mabuti na lamang ang mabait ang nakilala ni Tupe.

Hindi maipalawanag ni Tupe kung bakit at paanong nakikita na niya ang mga maliliit na nilalang na ito, pero isa lang ang sigurado niya, mababait ito at mga kaibigan na niya agad. Napagkasunduan nilang maglalaro sa hardin palagi ngunit walang ibang dapat na makaalam noon.

Magmula ng gabing iyon, parati nang sumasama si Tupe kapag naghahalaman ang kaniyang ina. Natagpuan rin niya ang tahanan ng mga duwende na tinatawag na punso. Parang isang maliit na burol ito na nakatumpok sa hardin.

Sa paglipas ng mga araw, tinuruan ng mga duwende si Tupe kung paano magpalago, mag-alaga at magpabulaklak ng mga halaman, pero kapalit ng kaalamang iyon ang pagbibigay ni Tupe sa kanila ng matatamis na pagkain bilang handog.

Maraming nakakapansin na palaging naglalaro at tumatawa mag-isa si Tupe sa hardin, pero naiintindihan ng ina niya at alam ng ina niya ang dahilan kung bakit, kaya naman hinayaan niya ang anak na makipaglaro sa kaibigang hindi nakikita ng mga regular na mata.

Naging maganda ang pagkakaibigan ng tao at ng duwende. Magkaibang mundong ginagalawan, pero iisa ang nais, mapangalagaan ang kalikasan. Hanggang isang araw, hindi inaasahang pangyayari ang naganap.

“Mama, bakit kayo umiiyak? Ano po ang nangyari?” tanong ni Tupe sa ina.

“Ang papa mo… pinatanggal ang punso sa ating hardin. Hindi niya alam ang balik ng ginawa niyang iyon!” nag-aalalang sabi ng ginang.

“Po? Pero paano na sila? Bakit po ginawa iyon ni papa?” umiyak na rin ang bata.

“Gusto raw magpalagay ng maliit na lawa ng iyong ama para sa mga alagang isda doon. Pero kahit pilit kong pigilan, ginawa pa rin niya ang kaniyang nais,” paliwanag pa ng ginang. Masama kasi ang ugali talaga ng lalaki kaya ganoon.

Tumakbo ang bata doon at nakitang wala na nga ang punso. Hanap siya ng hanap sa maliliit na kaibigan pero wala na roon ang mga iyon. Naglaho na rin tulad ng punsong hinukay.

Noong araw na iyon, bigla na lamang nalumpo ang ama ni Tupe. Kasunod naman noon ay pag-atake ng sakit na tinatawag na stroke. Paralisado ang buong katawan nito at parang lantang gulay na. Ilang araw pa ang lumipas at binawian rin ito ng buhay.

Lungkot na lungkot si Tupe dahil sa pagkawala ng maliliit na kaibigan. Sinubukan niyang gumawa ng punso ngunit wala rin nangyari. Wala na nga ang dating mga kaibigan. Ang kanilang hardin din ay biglang natuyo at nalanta ang mga tanim. Kahit anong dilig nila ay hindi muli pang nabuhay ang lupa at tanim doon.

Umalis sila Tupe sa dating tirahan at lumipat na ng bahay. Nang magbinata ay sinubukan niyang balikan iyon at nakita ang kaunting pagsibol ng mga maliliit na halaman, senyales na nabubuhay nang muli ang lupa. Marahil ay napatawad na sila ng duwende sa nagawa noon.

Matagal naghintay si Tupe ngunit hindi na talaga niya nakita pa ang maliliit na tao, ngunit taos-puso naman ang pasasalamat niya sa mga itinuro nito dahil ngayon, may-ari na si Tupe ng malaking tindahan ng mga halaman at asensadong-asensado na.

Iyon ang istorya sa buhay ni Tupe na hinding-hindi niya makakalimutan. Katawa-tawa man sa iba, pero may mga bagay na hindi talaga nakikita ng normal na mata ngunit kasama rin natin naninirahan sa mundo.

Maging marespeto sana ang lahat maging sa bagay na hindi natin nakikita dahil tulad natin, may mga buhay rin sila at gusto ng payapang buhay gaya ng mga tao. Naniniwala man o hindi, maging maingat tayo dahil hindi natin alam kung ano ang pwedeng maging balik nito sa atin.

Advertisement