Nakapulot ng Bag na Mayroong Malaking Salapi ang may Matinding Pangangailangan na Dalaga; Gawin Kaya Niya ang Tama?
Panganay si Linda sa pitong na magkakapatid. Serbidora sa isang kainan ang ina niya at magsasaka naman ang kaniyang ama. Nakatira lamang sila sa isang bahay na gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy at yero.
Magmula pa noong bata ay nakikita na niya ang sakripisyong ginagawa ng mga magulang. Dahil nga marami sila, kinailangan mag doble-kayod ng kanilang magulang upang masuportahan ang mga pangangailangan.
“Nay, ako na ang bahala riyan sa mga labahan. Pagod na kayo sa trabaho, mas pinapagod ninyo pa ang sarili n’yo sa gawaing bahay,” pag-ako ni Linda sa mga nilalabhan ng ina.
“Okay lang ako, anak. Mas mabuti pa na magbukas ka na lamang ng mga aklat at mag-aral. ‘Wag mo na intindihin si nanay ha?” saad ng ginang.
“E ‘nay, gabundok iyang lalabhan ninyo. Tapos may trabaho pa po kayo mamayang tanghali. Tutulong na po ako ‘nay,” pagpupumilit pa ni Linda.
“Sige na nga, dahil mapilit ka, halika, tulungan mo na si nanay!” nakangiting sabi ng ina ng babae.
Agad na tumulong si Linda at saka ngumiti. Ito lamang ang nakikita niyang paraan upang maibalik sa ina ang mga pagpapagod at sakripisyong ginagawa para sa kanila.
Lalo rin nagpursigi ang babae na mas mapagbuti ang pag-aaral, inaalay niya kasi iyon sa kaniyang magulang.
Inspirasyon ni Linda ang kahirapang dinaranas upang mas maging mabuting estudyante pa. Nakatatak kasi sa kaniyang isipan na ang edukasyon ang susi sa magandang kinabukasan.
Sa murang edad, natutunan rin ni Linda ang magbanat ng buto. Nariyan ang magtulak ng kariton na bago pa man sumikat ang araw sa kalangitan ay nag-iikot na sila upang makakolekta ng ibebenta sa junk shop. Ang mga kinikita naman ay iniipon o ‘di kaya’y ginagamit sa gastusin sa eswela. Ganoon ang naging buhay ng babae simula elementarya hanggang mag hayskul.
Dahil nais makatugtong ng kolehiyo, kinailangan ni Linda ng trabahong mas mataas ang kita. Hindi sasapat ang pangangalakal lamang kaya’t pumasok siya bilang tagalinis sa isang kainan sa palengke. Tuwing hapon ay doon siya nagsisilbi pagkatapos ng klase.
Masamang balita naman ang ibinungad sa kaniya ng ina nang umuwi siya isang gabi galing sa trabaho.
“Anak, pasensiya na ha? Mukhang hindi na naming kakayanin ng tatay mo na papasukin ka sa kolehiyo. Nasa ospital ang tatay mo dahil napasama ang likod niya nang masuwag ng baka habang nagsusuga sa palayan,” umiiyak na sabi ng ginang.
Naawa si Linda sa sitwasyon ng magulang at nais rin niyang mapagamot ang ama kaya niyakap na lamang niya ito.
“Naiintdindihan ko po, ‘nay. Masakit sa akin, pero kailangan ko rin naman makatulong sa pamilya natin. Magtatrabaho po muna ako para rin makaipon po tayo kahit papaano,” sagot naman ni Linda sa kaniyang ina.
Labis ang lungkot at panghihinayang ang nadama niya nang malaman na hindi na siya makakapagtuloy ng kolehiyo. Maayos naman ang kaniyang grado at nagtapos naman siya na Valedictorian, pero dahil sa kahirapan ay pansamantalang naudlot ang kaniyang pangarap.
At dahil napilitan huminto ang dalaga sa pag-aaral, sinubukan niyang humanap ng trabaho na pasok sa lebel ng edukasyong kaniyang natapos. Paekstra-ekstra siya ng paglilinis sa kusina ng isang restorant, pero nakakuha rin siya ng permanenteng trabaho sa isang supermarket bilang kahera doon.
Minsan ay nakikita niya ang dating kamag-aral na namimili doon. Nakakramdam siya ng pagkainggit dahil mayayaman ang mga ito. Madalas nga nilalait pa siya ng iba dahil valedictorian daw siyang nagtapos pero tagabenta lamang sa supermarket ang kinauwian.
“Ang mahalaga, kumikita ako ng malinis at sa marangal na paraan,” pagkumbinsi lagi ng dalaga sa sarili. “Hindi ito ang buhay na ninais ko para sa akin at para sa pamilya ko. Wala akong mararating sa buhay ko kung hindi ako kikilos,” mahinang bulong niya sa kaniyang sarili habang pumapatak ang mga luha.
Habang nasa CR ng supermarket ay napansin niyang may naiwang pouch sa loob ng cubicle. Tiningnan niya iyon at nakita ang wallet na may makapal na pera. Sasapat ang perang iyon para makapag-aral na siya. Natutukso man siyang kunin ito, pero hindi sila pinalaking magnanakaw ng mga magulang.
“Mahirap lamang kami, pero hindi kami magnanakaw,” bulong niya sa sarili.
Lumabas siya sa CR at agad na nagpunta sa Customer Service. Nakita niya ang isang may edad na babaeng mangiyak-ngiyak doon.
“May nakita po akong pouch sa cubicle. Nais ko po sanang ipa-announce upang makuha ng may-ari,” sabi ni Linda.
“A-akin ang pouch na iyan. Ako ang may-ari. Hindi ko kasi matandaan kung saan ko nalaglag o naiwan. Salamat at ibinalik mo,” sabi ng babae kay Linda.
Binuksan ang pouch at nakita ang ibang ID ng mga babae doon. Kompirmadong iyon nga ang may-ari.
“Napakabuti ng loob mo, hija, dahil nagawa mong ibalik sa akin ang ganito kalaking halaga ng pera. Lubos akong nagpapasalamat sa kabutihan mo,” nakangiting wika ng isang matandang babae.
“Tinuruan po ako ng magulang ko na huwag kukuha ng hindi naming pag-aari. Salat man po kami sa yaman, pero hindi ko po magagawang magnakaw,” sabi ng dalaga.
“Anong pangalan mo, hija at ilang taon ka na?”
“Linda po, ma’am at 16 na po ako.”
“Linda, kahanga-hanga ka. I am sure na proud sa’yo ang magulang mo. Nag-aaral ka ba?” tanong ng babae.
“H-hindi po, nagtigil po ako dahil sa hirap ng buhay. Hindi po kaya ng mga magulang ako.”
“Ako pala si Evelyn, ako ang presidente ng Unibersidad malapit rito. Eto ang calling card ko, tawagan mo ako at magse-set ako ng meeting para sa’yo,” nakangiting inabot ng babae ang kaniyang calling card sa dalaga.
Nag-alok ng pabuya si Evelyn, ngunit magalang itong tinanggihan ni Linda.
“Salamat po, pero pasensiya na at hindi ko po iyan matatanggap. Pag-aari ninyo po ang pouch at nararapat na ibalik lamang sa inyo. Ayos na po akong may nagawa akong kabutihan. Sapat na po iyon,” sabi naman ni Linda.
Nakipagkita nga si Evelyn kay Linda. Inalok niya ng scholarship with allowance ang dalaga. Wala siyang babayaran na kahit ano, sagot na rin lahat ng pangangailangan ng dalaga sa pag-aaral. Bilang pasasalamat sa kabutihang pinamalas nito.
Natuwa ang presidente ng paaralan paaralan dahil nalaman niyang valedictorian si Linda at siya lamang ang bukod tanging estudyanteng nakakuha ng 98% sa entrance exam nang pakuhain siya nito.
Kumuha ng kursong Education si Linda. Hindi naging madali ang kolehiyo pero buong sikap niya itong tinapos. Pagkatapos pumasa sa Licensure exam ay nag kumuha naman ng Master’s degree si Linda.
Ngayon ay nagtratrabaho na siya bilang professor sa Unibersidad kung saan siya nagtapos. Tumigil na rin sa pagiging serbidora sa kainan ang kaniyang inau pang mag-alaga na lang sa ibang mga anak pa.
Ang ilang kapatid ni Linda ay nakakuha rin ng scholarship sa parehong unibersidad sa tulong ni Linda. Mas maginhawa na ang buhay nila ngayon, salamat sa katapatang ipinamalas ng dalaga at sa mabuting puso ni Evelyn na nagbukas ng oportunidad na makapag-aral siya.
Dahil sa pagsusumikap at kabutihang loob ay lubos ang pagpapala na bumuhos sa buhay ni Linda. Sa buhay na ito mapapatunayan din na nakasalalay sa pagkilos at tamang pagpapasya ang tagumpay ng isang tao.