Inday TrendingInday Trending
Matagal na Panahong Nagkawalay ang Magkasintahan Dahil sa Isang Masamang Pangyayari; May Plano Pala ang Mapaglarong Tadhana Para Muli Silang Pagtagpuin

Matagal na Panahong Nagkawalay ang Magkasintahan Dahil sa Isang Masamang Pangyayari; May Plano Pala ang Mapaglarong Tadhana Para Muli Silang Pagtagpuin

Kolektor ng magaganda paintings ang coffee shop owner at businesswoman na si Natalie. Bumibili siya ng mga magagandang obra at likha na siya naman inilalagay niyang pang-disenyo sa dingding ng kaniyang coffee shop.

Ang kaniyang panibagong koleksiyon ay larawan ng ipinintang bulaklak. Kitang-kita na pinaghirapan at metikulosong ginawa ang larawang iyon. Hindi pangkaniwan at halang pinagbuhusan ng maraming panahon.

Habang nagmamaneho pauwi ay nadaanan niya ang isang matandang babae na nakatayo habang nag-iintay ng masasakyan sa isang bus stop. Alam ni Natalie na tuwing ika-dalawang oras ang dating ng bus at kadadaan lamang ng huling bus roon.

Matagal pa ang magiging pag-iintay ng matanda at mukhang lalamigin ito dahil sa manipis na damit na suot. Disyembre na kasi noon ang malamig na ang klima.

Tumigil si Natalie at saka ibinaba ang bintana, “Nay, saan po ba ang punta ninyo?”

“Sa bayan sana, hija. Sayang nga lang at nalagpasan ako ng bus,” nakangiting sabi ng matanda.

“Sakto po pala, ‘nay. Dito na kayo sumabay sa akin. Pababa na po ako ng bayan at idadaan ko na lamang kayo sa inyong pupuntahan. Baka magkasakit pa po kayo sa lamig ng panahon,” paanyaya ng babae.

“Nako, hija, hulog ka ng langit. Maraming salamat!”

Nagpalitan ng kwento ang dalawa habang nasa daan. Nalaman ni Natalie na hindi na pala nag-asawa ang matanda dahil hinintay nitong ang nag-iisang lalaking minahal na nangakong babalik daw noon.

“Baka po gusto ninyong pumunta muna sa coffee shop ko saglit. Magkape po muna tayo at doon ituloy ang kwentuhan,” pag-imbita ni Natalie.

“Hija, salamat, pero hindi na kasi sapat ang dala kong pera.”

“Don’t worry, ‘nay, ako ang bahala. Ipapakita ko pati sa inyo ang painting na nabili ko,” nakangiting sabi ng dalaga.

Nang makarating roon, pinaupo muna ni Natalie ang matanda at ipinakuha ng pinakamasarap nilang kape.

Binuksan ni dalaga ang painting na binili at ipinakita sa matanda. Nanlaki ang mata ng matanda at tila ba natulala sa larawan.

“S-saan mo nabili itong larawang ito?” tanong ng matanda, nangingilid na ang luha sa mata nito.

“Binili ko po sa isang shop doon sa katabing probinsiya malapit kung saan ko po kayo nakita kanina. Napakaganda, ‘di ba po?” sagot naman ni Natalie.

“Maaari ko bang makita ng mas malapitan ito?” tanong ng matanda.

Inabot naman ni Natalie ang painting sa matandang babae.

“Hindi ako maaaring magkamali, ito nga iyon. Tingnan mo ang letrang nakapinta rito, DVM. Mga letra iyon sa unahan ng pangalan ko. Ako si Dahlia, ang inspirasyon kung bakit naipinta ang larawang iyan,” ipinakita ng matanda ang ID nito at kumpirado na kapareho nga ang mga letra ng unahang titik sa pangalan nito.

“Kayo po ang unang nag may-ari nito?” namamanghang tanong ni Natalie.

“Ipininta iyan ng lalaking ikinukwento ko sa’yo soon. Napakahusay niyang gumuhit at magpinta. Alam niya kasing bukod sa pangalan ko, mahilig ako sa mga bulaklak ng dahlia,” kwento pa ni matanda.

“Ano po ang nangyari, Aling Dahlia?” tanong ni Natalie.

“Ayaw sa akin ng mga magulang niya. Itinakas siya ng mga ito at dinala sa ibang bansa noon. Halos apatnapung taon na rin ang nakalips. Mahirap lamang kasi kami at mayaman naman sila. Hindi raw kami nababagay sa isa’t isa. Iyan ang una at huling regalo kong natanggap mula sa kaniya.”

Nang marinig ni Natalie ang kwento, nagmagandang loob siyang ibalik sa matanda ang larawan ngunit tumanggi ito.

“Binili mo na iyan at mas matutuwa akong maraming makakakita ng magandang larawan na ‘yan. Pakaingatan mo sana, hija,” bilin ng matanda.

Bilang pasasalamat sa sinabi ng matanda, napagdesisyunan ni Natalie na ihatid na lamang ang matanda sa tahanan nito.

Hapon kinabukasan sa coffee shop. Isang tao ang nagtungo roon na nakapansin sa magandang larawan.

“Excuse me, maari ba akong magtanong?” sabi ng matandang lalaki.

Lumapit si Natalie at saka ngumiti sa matanda. “Ano po iyon?”

“Saan mo nakuha ito? Pamilyar kasi sa akin,” tanong pa ng lalaki.

“Sa isang shop po sa kabilang probinsiya,” tugon ng dalaga.

Biglang tumulo ang luha ng matandang lalaki. “Hindi ako pwedeng magkamali… ito ang larawan na ipininta ko at iniregalo ko sa kaniya noon. Ito ang paborito niyang bulaklak.”

“T-talaga po?” gulat na tanong ni Natalie.

“Oo, hija. Si Dahlia. Ang una at huling babae sa buhay ko. Ngayon nakita kong muli ang ipinintang ito, lalong lumakas ang aking pag-asa na muli ko pa siyang makikita at makakasama?” Kwento pa ng matandang lalaki.

Nagliwanag ang mukha ni Natalie at sinabing, “kilala ko po siya!”

Agad na isinama ni Natalie ang matandang lalaki sa bahay kung saan niya ibinaba si Dahlia noon.

Nadatnan nilang nakaupo si Dahlia sa may hardin. Nang makababa ay agad na nagtama ang mga mata ni Dahlia at nang matandang lalaking nakatayo sa hindi gaanong kalayuan sa kaniya.

“E-Eduardo!” gulat na pagtawag ng babae.

“Dahlia… ikaw nga!”

Lumabas si Dahlia at saka niyakap ng mahigpit ang lalaking kay tagal hinintay.

“Akala ko’y hindi na kita muling makikita pa,” umiiyak na sabi ng babae.

“Ang tagal kitang hinanap! Sa wakas natagpuan rin kita!” nakayakap na sabi naman ni Eduardo.

Matapos ang mahabang panahon, natuldukan rin ang pangungulila ng dalawang pusong kaytagal nag-intay at nagtiis ng kaytagal upang muling pagtapuin.

Isang napakagandang regalo ang naging hatid sa kanila sa nalalapit na kapaskuhan noon. Nang dahil sa isang painting at babaeng may mabuting puso na nagsabay sa matandang hindi naman kilala, nagtagpong muli ang mga naliligaw na puso.

Sabi ng ilang mga tao noon, nagkataon lamang daw ang mga pangyayaring iyon, ngunit para kina Natalie, Dahlia at Eduardo, malaking regalo ito mula sa Maykapal. Nagpakasal pa rin sina Dahlia at Eduardo at itinuloy ang kanilang naudlot na pag-iibigan noon. Hindi pa naman huli ang lahat dahil ang pag-ibig, walang edad, kasarian at sukatan.

Isang larawan lamang pala ang magiging daan upang muling magkita ang dalawang taong pinaghiwalay ng panahon, ngunit inadya ng tadhana na muling pagtagpuin.

Advertisement