Biglang Tumakas at Nawala ang Makulit na Bata; Isang Misteryosong Babae ang Magbabalik sa Kaniya Pauwi
Tradisyon na ng pamilya ni Marra na magdamit ng maganda at sama-samang magsimba tuwing araw ng Linggo. Ang paboritong parte ng bata ay ang pagtapos ng simba. Sama-sama kasi silang naglalakad-lakad at mamamasyal sa mga tindahan sa tabi ng simbahan. Sobrang tuwang-tuwa si Marra sa napakaraming bilihin doon.
Nang sumunod na linggo, malungkot si Marra nang hindi pasamahin ng magulang sa pagsisimba dahil sa lagnat.
“Sa susunod na linggo ka na lamang sumama anak ha? Kailangan mong magpahinga,” sabi ng ama ng bata.
Tumango lamang ang bata at ngumiti.
“Halika na, Marra. Papatulugin ka na ni yaya!” pagtawag ng kasambahay sa bata.
Humimig ang kasambahay habang tinatapik-tapik ang bata. Ayun nga lang, mas nauna pa itong nakatulog kaysa sa alaga.
Nang masigurado ng bata na tulog na ang kaniyang yaya, mabilis itong tumakbo at nagmamadaling lumabas. Gustong-gusto talaga ni Marra na makalibot sa mga tindahan doon.
Nakarating ang bata sa simbahan. Tapos na ang misa at naglalabasan na ang mga tao noon. Nag-ikot-ikot ang bata at maligayang-maligaya na naggala. Ngunit nagulat ang bata nang mapansing may matandang babae na sumusunod sa kaniya. Hindi naman niya pinalampas ang panahon at agad siyang pumunta at nag ikot-ikot sa mga tindahan.
“Good morning po! Sino ka po? Bakit ka po sumusunod?” nakangiting bati ng bata.
Lumapit naman ang matandang babae at kinausap ang ito. “Hija, alam ba ng magulang mo na narito ka?”
Nahihiyang umiling-iling lang ang bata.
“Alam mo bang delikado sa ngayon ang maglakad mag-isa? ‘Di ba sabi ko sa’yo ‘wag ka nang tatakas ulit? Nako, tiyak na magagalit ang mommy mo! Halika na at uuwi na tayo!” sabi ng matanda.
Kinuha ng matanda ang kamay ng bata at saka sinamahang maglakad pauwi.
Nang malapit na sila sa bahay ay tumigil ang matanda at nagsalita. “’Wag mo nang uulitin ito ha? Tayo na at pumasok. Baka nag-aalala na sila,” wika ng matanda.
Nagulat at namangha naman si Marra dahil alam ng matanda kung saan mismo ang bahay nila. “Bakit alam ninyo po ang bahay namin?” tanong ng bata.
“Mahabang istorya. Basta mangako ka na hindi mo na uulitin ang pagtakas. Ikaw na bata ka, pinag-aalala mo talaga si yaya!” nakangiting sabi pa ng matanda.
Napatingin naman ang bata. Paano niya naging yaya ang matandang iyon, e hindi naman niya ito kilala?
“Salamat po ulit sa paghahatid!” kumaway si Marra bago pumasok.
Kumaway at ngumiti lamang din ang matanda habang minamasdan na pumasok ang bata.
“Ayan na pala si Marra!” sigaw ng kasambahay.
Alalang-alala ang mga tao sa bahay dahil bigla na lamang nawala ang bata.
“Ikaw na bata ka! Saan ka ba nanggaling ha? Pinag-alala mo kami ng daddy mo e!” naiiyak na sabi ng ina ni Marra.
“Sa simbahan po mommy. Pero may naghatid naman po sa akin na lola po pabalik dito. Tapos ‘wag na raw po akong tatakas,” sabi ng bata.
“S-sino raw? Nasaan na siya para mapasalamatan naman namin,” sabi ng ama ng bata.
Lumabas ang mag-asawa upang pasalamatan ang matanda pero wala silang nakitang tao sa labas ng bahay.
Umalis muli ang mag-asawa at nagtanong-tanong sa mga tindahan doon. Dahil sikat naman sila, hindi mahihirapan ang mga taong makilala ang batang si Marra.
“Parang may napansin akong matandang kausap niya. Nakakulay abong daming ito at itim na balabal,” sabi ng isang tindera.
Nang umuwi ay tinanong nila ang bata:
“Anak, anong hitsura ng lola na naghatid sa’yo kanina? Pwede mo bang ikwento kay daddy?” tanong ng ama.
“Old lady na nga po siya. May white hair na po and may lines po sa face tapos cute po yung nose,” sagot ng bata.
“Bakit parang si Manang Gloria ata ang tinutukoy ni Marra?” sabi ng kasambahay.
“Tama! Naaalala ko na! Si Manang Glo nga ang mahilig magsuot ng itim na balabal noong bata pa ako!” sabi naman ng am ani Marra.
Agad na pinapuntahan ng pamilya si Manang Glo upang pasalamatan. Ang alam nila, matandang-matanda na ito, pero paano kaya nito nakilala ang bata?
Ang bumalik doon ay nagpakilalang apo ni Manang Gloria.
“Magpapasalamat sana kami kay Manang Gloria sa paghahatid niya kanina sa anak namin. Nawala kasi si Marra kanina, pero base sa kwento ng bata, si Manang Glo ang naghatid sa kaniya,” pahayag ng ama ng bata.
“A-ano po? Kailan po hinatid ni Nanay Glo si Marra?” naguguluhang tanong ng binatilyo.
“Kanina lamang pagkatapos ng simba,” sabi naman ng lalaki.
“Pero pumanaw na po si Lola Glo matagal na panahon na rin ang nakakalipas. Kaya imposible po iyan! Ibang matanda po ata ang naghatid sa anak ninyo,” sabi naman ng apo ni Manang Gloria.
Inilabas ng kasambahay ang lumang photo album at pinakita ang mga litrato roon. Para lamang makasigurado na hindi nga si Manang Gloria iyon.
“That’s her! Siya po ‘yung lola na sinasabi ko!” tuwang-tuwa na sabi ni Marra habang tinuturo ang litrato ni Manang Glo.
Nagulat naman rin ang lahat nang makita ang litrato ng lola ni Marra na kamukhang-kamukha nito noong kabataan rin.
“Hindi kaya, akala ni Manang Gloria na si Marra ay ang alaga niya noon dahil magkamukhang-magkamukha talaga ang mag lola? Grabe, photocopy ni Marra ang mommy ninyo, sir!” sabi pa ng kasambahay.
“Siguro nga… Kahit na sumakabilang buhay na si Manang Glo, talagang inaalala pa rin pala niya ang pamilya natin,” sabi ng daddy ni Marra.
“Salamat, Manang Glo…” sabay-sabay nilang sinambit.