
Nawalan ng Trabaho ang Ama Dahil Idinawit Siya ng Kaniyang Kaibigan sa Kasalanang Wala Naman Siyang Kinalaman; Makabalik Pa Kaya Siya Kung Hihingi Siya ng Kapatawaran?
“Pare, bakit mo naman ako dinawit sa kasalanang ginawa mo? Iyan tuloy, kasama ako sa natanggal sa trabaho,” kompronta ni Mang Eddie sa kaniyang kasamahan sa trabaho at tinuturing na kaibigang si Mang Bong.
“Bakit? Hindi ba kasama ka naman sa inuman nang mapagplanuhin namin na mag-aklas sa management? Hindi mo ba nakikita na masyado na silang nanggigigipit sa mga kagaya natin? Kaya kung ayaw nilang ibigay ang mga gusto nila, daanin natin sa santong paspasan, ” saad ni Mang Bong.
“May punto naman kasi ang mga pinaglalaban ninyo, pero puwede naman kasing daanin sa maayos na pakikipag-usap ang lahat. Hindi na kailangan pang humantong sa unyon, na kailangan ninyong kalabanin ang mga may-ari ng kompanya,” saad naman ni Mang Eddie.
“Nasasabi mo lang iyan kasi hindi ka naman naapektuhan. Nasasabi mo lang iyan kasi hindi ka naman pinag-iinitan. Puwes, kung nawalan ako ng trabaho, dapat damay-damay na tayo rito. tandaan mo, ako naman ang nagpasok sa iyo rito, ‘di ba?” pang-aalaska ni Mang Bong. Napikon naman si Mang Eddie kaya naghalo ang balat sa tinalupan. Mabuti na lamang at naawat sila ng mga guwardiya sa kompanya.
Hindi malaman ni Mang Eddie kung paano sasabihin sa misis na si Aling Zening na wala na siyang trabaho. Tatlo ang kanilang mga anak. Dalawa sa kanila ay nag-aaral sa kolehiyo habang ang isa naman ay nasa Senior High School.
“Sa totoo lang hindi ko alam kung anong masamang hangin ang pumasok sa ulo ni Bong kung bakit dinamay niya ako sa kalokohan nila. Hindi naman talaga ako kasama sa unyon na nais nilang itayo, laban sa mga may-ari ng kompanya. Iyan tuloy tinanggal ako. Wala na akong trabaho. Anong gagawin natin ngayon?” nag-aalalang tanong ni Mang Eddie sa kaniyang misis.
“Hayaan mo na nga. Inggit lang yata sa iyo. Makakahanap ka rin ng mas magandang trabaho lalo na’t magaling ka naman,” pagpapalakas ng loob ni Aling Zening sa mister.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Mang Eddie. Araw-araw, naghahanap siya ng trabaho. Halos maubos na ang resume na kaniyang ipinagawa at pinaimprenta subalit wala pa ring tumatanggap sa kaniya. Dalawa lamang ang tinatanong sa kaniya na nagiging dahilan kung bakit hindi siya pinapansin sa kaniyang pag-aaplay: una, dahil sa kaniyang edad na malapit nang mag-50, pangalawa, dahil hindi naman siya nakatapos ng high school. Masuwerte lang talaga si Mang Eddie noon dahil ipinasok siya sa trabaho ni Mang Bong, na siyang dahilan din kung bakit siya nawalan ng trabaho ngayon.
“Balak ko bumalik sa mga may-ari at makiusap sa kanila. Wala naman talaga akong kinalaman sa mga balak ni Bong eh,” nasabi ni Mang Eddie sa misis.
“Kung iyan ang makabubuti at sa tingin mo ay tama, bahala ka…” saad naman ni Aling Zening.
Kinabukasan, nagsadya si Mang Eddie sa opisina ng kanilang dating boss. Nakiusap siya rito na pabalikin na siya.
“Parang awa na po ninyo, boss. Wala naman po akong kinalaman doon,” pakiusap ni Mang Eddie.
“Kaya lang kaibigan mo sina Bong. Makabubuting humanap ka na lamang ng trabaho. Kung pababalikin ka namin, baka masilip ng grupo nila at sabihin na may kinikilingan kami,” sagot ng kanilang boss.
Laglag ang balikat na umuwi na lamang si Mang Eddie. Tuliro siya. Paano na ang kaniyang pamilya? Hindi maaaring wala siyang trabaho lalo’t papaubos na rin ang kanilang ipon ng misis niya.
Habang naglalakad pauwi, napadaan siya sa tapat ng bahay nina Mang Bong. Nag-init ang ulo niya nang makitang nakikipagtawanan ito sa mga kainuman nito. Nagdilim ang paningin ni Mang Eddie. Lumapit siya kay Mang Bong at pinatikim ito ng sapok.
Gumanti naman si Mang Bong hanggang sa nagpambuno na ang dalawa. Mabuti na lamang at inawat sila ng mga rumerespondeng barangay tanod. Dinala silang dalawa sa barangay hall.
“Nakuha mo pang magsaya hayop ka, samantalang ako, hindi ko na alam ang gagawin ko kung paano ko bubuhayin ang pamilya ko dahil sa kagagawan mo!” galit na sumbat ni Mang Eddie kay Mang Bong.
“Eddie, patawarin mo ako. Humihingi ako ng dispensa. Hindi ko naman sinasadya,” paghingi ng tawad ni Mang Bong.
Hindi na nagsampa ng kaso o reklamo si Mang Bong laban kay Mang Eddie dahil sa ginawa niya rito; kasalanan naman niya talaga ang lahat.
Kinabukasan, nagtungo si Mang Bong sa boss ng dating kompanya at nilinaw na walang kinalaman si Mang Eddie sa kanilang binalak noon. Kaya naman, pinatawad ng boss si Mang Eddie at nakabalik siya sa kaniyang trabaho.