
Pangarap ng Anak na Maging Kagaya ng Kaniyang Itang na Isang Mahusay na Barbero Subalit Ito Mismo ang Tumututol Dito; Ano nga Ba ang Plano Nito?
Tandang-tanda pa ni Resty na ang kaniyang Itang na si Mang Gusting ang pinakasikat na barbero sa kanilang baryo noong bata pa siya. Halos walang kalalakihan, mula bata hanggang sa pinakamatanda, ang hindi nakakikilala sa kaniya. Sila lamang ang may barberya sa naturang baryo. Bukod sa mahusay naman talaga sa paggugupit ang kaniyang ama, inaabangan din ang kaniyang mga “kuwentong barbero.” Hindi ito nauubusan ng mga kuwento upang maaliw lamang ang mga parokyanong ginugupitan.
“Resty, anak… tigilan mo nga ang pagpunta-punta sa barberya. Bakit mo pinapanood ang ginagawa ko? Sa halip na nag-aaral ka na lang bata ka. O kaya naman tulungan mo ang Inang mo sa mga gawaing-bahay,” minsan ay sita ni Mang Gusting sa kaniyang kaisa-isang anak na lalaki habang sila ay naghahapunan.
“Eh Itang, gusto ko pong maging kagaya ninyong barbero kaya inaaral ko na po,” simpleng tugon naman ni Resty.
“Naku Resty, hayaan mo na sa akin ang pagiging barbero. Ang gusto ko sa iyo, tuparin mo ang pangarap mo sa buhay. Ano ba ang gusto mong maging pagtanda mo?” tanong ni Mang Gusting.
Hindi na nag-isip pa si Resty.
“Maging barbero!” nakangiting sagot ni Resty.
“Puwes, iwaksi mo. Maging negosyante ka, guro, doktor, inhinyero, pulis, o kahit na anong ibig mo huwag lamang ang maging barbero,” reaksyon ni Mang Gusting.
“Bakit ayaw po ninyo akong maging barbero? Masaya pong maging barbero. Dahil sa inyo, naibabalik po ang tiwala sa sarili ng mga lalaki rito sa ating baryo. Parang… kapag nagupitan na po ninyo, parang may bitbit po na pag-asa…” tugon naman ni Resty.
Napahinto naman sa pagnguya si Mang Gusting.
“Masyado kang makata mangusap, anak. Iyan ang dahilan kung bakit ayaw kitang maging barbero. Mahusay kang magsalita. Matalas ang isipan. Gamitin mo iyan upang umasenso ka. Kapag nagamit mo iyan sa tama, kahit ilang barberya pa ang ipatayo mo, walang magiging problema.”
Subalit ang totoo, hindi pa rin lubos na maisip ni Resty kung bakit ayaw siyang payagang maging barbero ng kaniyang Itang. Gusto niyang maranasan na mangitian nang ubod-tamis ng mga customer na tuwang-tuwa sa resulta ng gupit. Pakiramdam niya, napapaguwapo niya ang mga Tatay na nagkakaroon ng problema sa pakikipagrelasyon sa kani-kanilang mga asawa. O kaya naman, nabibigyang-pag-asa ang mga binatang namimintuho sa mga dalaga.
Minsan, nagkasakit ang kaniyang ama. May ilang araw na hindi ito nakapasok sa kanilang barberya. Naisipan ni Resty na buksan ito at siya ang tumanggap ng mga customer. Walang may gustong magpaguit sa kaniya dahil bata pa nga naman siya. Subalit isang matandang lalaki, na gustong-gusto na talagang magupitan, ang nagtiwala sa kaniya. Maganda naman ang naging resulta.
“Manang-mana ka sa iyong Itang. Ikaw ang magmamana sa husay niya sa paggugupit,” saad ng matandang lalaki. Binigyan siya nito ng malaking tip. Tinandaan iyon ni Resty.
Nang malaman ni Mang Gusting ang ginawa ni Resty, sa halip na matuwa ay nagalit pa ito. Nang gabing iyon, hindi nakatulog si Resty sa masakit niyang puwit dahil sa hampas ng hanger sa kaniya ng Itang na kababalik lamang sa lakas nito matapos ang ilang araw na trangkaso.
“Sinabi ko sa iyo hindi ba na huwag na huwag kang mag-isip na maging barbero. Matigas ang ulo mong bata ka!” sabi sa kaniya ni Mang Gusting.
Subalit ipinangako ni Resty sa kaniyang sarili na magiging mahusay na barbero siya gaya ng kaniyang ama.
Matuling lumipas ang panahon. Nakatapos sa kolehiyo si Resty at may matatag na trabaho bilang isang Inhinyero. Matanda na noon ang ama at hindi na ito naggugupit. Nagsulputan na kasi ang iba’t ibang mga makabagong barberya at salon sa kanilang baryo na unti-unti na ring pinasok ng modernisasyon.
“Inang, gusto kong magnegosyo,” saad ni Resty sa kaniyang inang.
“Ano naman?” tanong sa kaniya nito.
Hindi na sumagot si Resty. Balak niyang magtayo ng barberya at salon sa Maynila, gamit ang kaniyang malaki-laking ipong pera dahil sa kaniyang trabaho. Sinorpresa niya ang kaniyang Itang.
“Hindi mo talaga nakalimutan ang tungkol sa pagbabarberya ‘no?” nakangiting saad sa kaniya ni Mang Gusting.
“Itang, noong bata pa ako, gusto ko talagang maging barbero kagaya ninyo. Pero tinandaan ko rin ang sinabi ninyo. Sabi ninyo, mangarap pa ako nang mas malaki, at kapag may pera na ako, puwede ko pa naman magawa ang pagiging barbero. Kaya heto po. Wala naman pong nagbabawal sa isang inhinyero na maging barbero rin, tama po?”
Ang totoo, alay niya sa kaniyang mga magulang, lalo na sa kaniyang itang, ang negosyo nilang barberya, dahil kung hindi dahil sa kaniya, hindi naman siya makatatapos ng pag-aaral at hindi magkakaroon ng magandang buhay.

Nasawi ang Mag-asawa sa Nang Bumagsak ang Eroplanong Sinasakyan Nila Kaya Naulila Nila ang Tatlong Anak; Laking Gulat ng Lahat nang Bumalik ang Ina Makalipas ang Ilang Buwan
