
Walang Palya ang Pagpunta ng Matanda sa Kainang Iyon; Ano nga ba ang Kwento sa Likod Nito?
Matamang minasdan niya ang matandang lalaki. Walang talagang palya kung pumunta ito sa kainang ‘yun.
Sa matagal na pag-oobserba niya rito ay halos nakabisado niya ang mga kilos nito.
Sa tuwing papatak ang alas tres ng hapon ay dadating ang matandang lalaki, at uupo ito malapit sa bintana.
Tutulala lamang ito sa labas habang hinihintay ang pagkain na in-order nito mula sa tindera.
Ilang saglit lamang ang lumipas ay lumapit ang isang babae dito dala-dala ang tray na naglalaman ng pagkain.
“Sir Lando, heto na po ang order n’yo,” magiliw na wika ng serbidora.
Napangiti siya. Tila kilalang kilala na ang matanda sa lugar na iyon. Marahil ay matagal nang suki ng kainang iyon ang matanda.
Nang inilapag ng babae ang pagkain sa lamesa ay napangiti siya.
Paborito niya rin kasi ang pagkaing in-order nito – puto’t dinuguan na may kasama pang umuusok na kape.
“Naku, nagutom tuloy ako,” sa loob loob niya.
Nakumpirma niya ang hinala na suki nga talaga sa kainang iyon ang matanda nang saglit na umupo ang serbidora upang makipagkwentuhan.
Ang matanda naman ay nagsimula nang kumain.
“Naku, wala talagang panama ang kahit na anong mamahaling restawran pagdating sa puto’t dinuguan niyo!” matapos sumubo ng pagkain ay komento ng matanda.
“Salamat naman ho at nagustuhan niyo,” natutuwang wika ng serbidora.
“Oo naman, hija. Alam mo naman na kahit ang asawa kong si Mila ay gustong gusto rin dito.” May lungkot na masisilip sa mata ng matanda nang banggitin nito ang asawa.
“Oo nga po, naalala ko. Naalala ko nga po na gustong gusto rin ni Ma’am Mila ang puto’t dinuguan namin,” sagot ng serbidora.
“Sayang nga po at maaga siya kinuha sa atin. Halos dalawang taon na rin ang lumipas simula nang mawala siya,” mahinang dagdag nito. Bakas na rin sa mukha ng serbidora ang lungkot.
“Kahit naman wala na ang asawa ko, nararamdaman ko pa rin siya. Lalo na kapag nandito ako sa lugar na ito. Kaya nga gustong gusto kong pumupunta dito.”
Luminga linga sa paligid ang matanda at nagtama ang kanilang paningin. Nais niya sana itong bigyan ng isang ngiti subalit agad din nitong ibinalik ang atensiyon sa kausap.
“Masaya naman po ako na may mga magagandang alaala kayo sa lugar na ito, Sir Lando!” Bumalik ang sigla sa mukha ng serbidora at matanda.
“Oo naman, at alam mo ba na espesyal talaga ang lugar na ito dahil dito kami unang nagkakilala. Saka pasasaan ba’t magkikita rin kami ulit ng mahal kong asawa. Nararamdaman kong malapit na iyon,” ngiting-ngiting wika ng matanda.
Nanlaki ang mata ng serbidora.
“Sir Lando naman! ‘Wag naman po kayong magbiro ng ganiyan!” tila kinikilabutang sagot ng babae.
Isang halakhak lamang ang naging tugon ng matanda. Ang mata nito ay puno ng ligaya. Tila masayang masaya ito sa ideya na makikita nitong muli ang mahal na asawa.
“Sige ho, enjoy ho kayo sa masarap na merienda. Tawagin n’yo lang po ako kung may kailangan kayo,” paalam ng babae.
“Sige, hija. Maraming salamat ha,” bulalas ng matanda.
Ngunit nanlaki ang mata niya nang bago pa makalayo ang serbidora ay bumulagta na sa sahig ang matandang lalaki.
Napatayo siya sa gulat. Nakita niya ang matanda na mariin ang pagkakasapo sa dibdib nito. Tila inaatake ito sa puso!
“Sir Lando!” gulat na sigaw ng serbidora bago ito tumakbo pabalik sa matanda upang magbigay saklolo.
Mabilis na naalerto ang mga nagtatrabaho sa kainan at dinaluhan ang matanda.
“Diyos ko! Anong nangyari kay Sir? Ayos pa naman siya kanina!” Dinig niya ang panginginig sa boses ng serbidora ka kani-kanina lang ay kausap ng matanda.
Napaiyak ang babae nang tuluyan nang lumungayngay ang ulo ng matanda at nawalan na ito ng malay.
“Tumawag kayo ng ambulansiya!”
Tila may kamay na pumiga sa puso niya sa nakitang kondisyon ng matandang lalaki. Subalit wala naman siyang maitutulong, kaya nanatili siya sa isang tabi.
“Doktor ako! Titingnan ko ang kondisyon ng pasyente!” sabat ng isang kustomer. May hawak itong first aid kit.
Agad na pinulsuhan ng doktor ang pasyente. Umiling ito bago tumingin sa relong pambisig.
“Wala na siyang pulso,” tarantang wika ng doktor bago sinimulang diinan ang dibdib ng pasyente.
Subalit makalipas ang ilang minuto ay huminto rin ito. Tagaktak ang pawis ng doktor nang ideklara nito ang pagpanaw ng matanda.
Napuno ng pagtangis sa loob ng kainan. Talaga yatang napalapit na nang husto ang mga empleyado sa matandang pumanaw.
“Sa wakas, makakasama niya na ulit ang pinakamamahal niyang asawa,” garalgal na wika ng serbidorang kausap nito kanina, habang mahigpit itong nakahawak sa kamay ng matanda.
Naramdaman niya ang pagdaloy ng mainit na luha sa kaniyang pisngi. Kasabay noon ay naramdaman niya ang mahigpit na yakap mula sa kaniyang likuran.
“Mahal ko, matagal ka bang naghintay sa akin? Pasensiya na at matagal kang napag-isa,” wika ng lalaki.
Nilingon niya ang lalaki, na walang iba kundi ang asawa niyang si Lando.
Pinalis nito ang luha sa kaniyang mga mata.
“‘Wag ka nang umiyak, mahal kong Mila. Nandito na ako uli. Salamat sa walang sawang paghihintay dito sa tagpuan natin,” maligayang wika nito.
Niyakap niya nang mahigpit ang asawa. Matagal na panahon na ang lumipas simula nang maramdaman niya ang mainit nitong bisig.
Muling tumulo ang masaganang luha mula sa kaniyang mga mata. Ngunit sa pagkakataon ‘yun, dahil sa saya.
Natutuwa siya dahil alam niya na hindi na sila muling maghihiwalay pa.