Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Dating Kasalanan ni Mister, Lalaki ang Piniling Masahista ni Misis Para sa Kaniya; Nagsisi ang Ginang sa Kinahinatnan Nito

Dahil sa Dating Kasalanan ni Mister, Lalaki ang Piniling Masahista ni Misis Para sa Kaniya; Nagsisi ang Ginang sa Kinahinatnan Nito

“O, bakit naghahanap ka ng masahista sa social media?” masungit na tanong ni Edna sa asawa nang makita niya itong naghahanap ng masahista sa selpon nito, isang gabi bago sila tuluyang matulog.

“Ang sakit sakit kasi ng likod ko, mahal, eh. Pakiramdam ko, naipitan ako ng ugat. Gusto ko sana magpamasahe,” malumanay na sagot nito habang patuloy sa paghahanap ng masahista.

“Masahe lang ba talaga ang gusto mo o babae?” diretsahang tanong niya rito habang nakataas ang kilay dahilan upang mapatawa ito nang bahagya.

“Siyempre naman, masahe, mahal! Aanuhin ko ang babae, eh, may asawa’t anak na ako,” sambit nito saka siya nilambing.

“Pero, gusto mo babae ang magmasahe sa’yo, ano?” tanong niya rito.

“Oo, sana, mahal, para hindi gaano mabigat ang kamay. Baka kapag lalaki kasi, lalo lang mabugb*og ang likod ko,” tugon nito na ikinais niya dahilan upang bahagya niya itong hampasin sa braso.

“Lalaki ang kuhanin mo kung ayaw mong malayasan naming mag-iina!” sigaw niya rito.

“O, sige, ha, ikaw bahala sa akin kapag namilma ako ng lalaki,” wika nito na ikinais niya pa lalo.

“Ang sabihin mo kasi, extra service ang gusto mo kaya babae ang gusto mong magmasahe sa’yo!” giit niya pa saka agad na umalis sa kanilang silid at piniling matulog sa katabing silid kasama ang kanilang dalawang anak.

Simula nang mahuli ng ginang na si Edna ang kaniyang asawa na may kausap na ibang babae sa social media, hindi na ito nawala sa isip niya.

Nagsisi man ito, wala mang nangyari sa pagitan nito at ng naturang ibang babae at humingi ng tawad sa kaniya, hindi niya pa rin ito nakakalimutan. Pakiramdam niya pa rin, niloko siya nito.

Labis naman itong inintindi ng kaniyang asawa lalo na’t bagong panganak siya noon. Halos araw-araw siyang sinusuyo nito, nagpakitang gilas sa pagkilos sa bahay at higit sa lahat, binibigay nito lahat ng gusto niya, mapapagkain man o kahit anong gamit.

Sa kabutihang palad, kahit papaano, nabawasan ang sama ng loob na dinadala niya para rito. Ngunit, sa tuwing naaalala niya ang tagpong ito, tila bumabalik ang masakit na pangyayaring iyon sa isip niya dahilan upang paulit-ulit nila itong pag-awayan.

Minsan nga’y natatawa na lang ang kaniyang asawa dahil halos isang dekada na ang nakalipas, ganoon pa rin ang galit niya rito.

Noong araw na ‘yon, nang makita niyang naghahanap ng masahista ang asawa niya, tila nanginig ang laman niya kaagad sa galit. Pakiramdam niya, may balak na naman itong mangbabae dahilan upang pagbantaan niya ito at matulog sa tabi ng kanilang mga anak. Kinaumagahan, nagising na lang siyang may nakahanda ng almusal para sa kaniya at sa kanilang mga anak.

“May kasalanan, eh, kaya bumabawi na naman!” sigaw niya habang sinisipat kung anong nakahaing pagkain.

Maya-maya pa, habang nag-aalmusal silang mag-iina. Biglang dumating ang kaniyang asawa at may kasama isang lalaki na labis ikinagulat ng kaniyang mga anak dahil sa laking tao nito.

“Mahal, si Jon nga pala, siya ‘yong nahanap kong masahista,” kamot-ulong sambit ng kaniyang asawa nang mapansing nagulat silang mag-iina.

“Ah, eh, sige, magpamasahe ka na, may pasok ka pa sa trabaho mamayang tanghali,” wika niya dahilan upang agad na itong mag-ayos ng lugar kung saan magpapamasahe.

Ilang minuto lang ang lumipas, natapos na itong magpasamahe. Umalis na rin ang naturang mahista at agad siyang nilapitan ng kaniyang asawa habang siya’y nagluluto ng pananghalian.

“Galit ka ba sa akin? Lalaki na ang nagmasahe sa akin, huwag ka na magsungit,” bulong nito sa kaniya saka siya hinalikan dahilan upang siya’y mapangiti.

“Maligo ka na, anong oras na naman, mahuhuli ka na naman sa trabaho niyan!” sigaw niya rito upang huwag makita ang kaniyang pagngiti dahilan upang agad itong sumunod sa kaniya.

Ngunit, halos isang oras na silang naghihintay ng kaniyang mga anak sa kaniyang asawa upang sila’y makakain na, hindi pa rin ito lumalabas ng banyo dahilan upang katukin na niya ito.

Nakailang katok na siya ngunit hindi pa rin sumasagot ang kaniyang asawa dahilan upang buksan na niya nang sapilitan ang pintuan at tumigil ang mundo niya nang makitang duguan ang kaniyang asawa.

“Anak, mga anak, tumawag kayo ng tulong!” sigaw niya.

Laking pasasalamat niya dahil agad siyang tinulungan ng kanilang mga kapitbahay at sa ospital, doon napag-alamanang tila napasobra ang masahe sa asawa dahilan upang ito’y makaramdam ng kirot sa likod. Dagdag pa ng kaniyang asawa, “Sakto namang nawalan ako ng balanse kaya nauntog ako sa inidoro,” dahilan upang ganoon na lang siya maawa sa asawa.

Wika niya, “Kung hindi dahil sa pagseselos ko, sana hindi ‘to nararanasan ng asawa ko,” saka niya pinisil ang kamay nito at nangakong kakalimutan na ang kasalanan nito.

Advertisement