Babaeng Niyurakan ang Pagkatao nang Palayasin sa Bahay na Inuupahan, Binalikan ang Landlady at Pinaranas Dito ang Pinakamagandang Ganti
“Ano ba naman Lorna! Magbayad ka naman sa upa mo!” sigaw ng landlady niya kinaumagahan ng sabado. Wala siyang pasok ngayon kaya naman talagang inabangan siya ni Aling Baylot. Pinagbuksan niya ito ng pinto, “Aling Baylot, pasok po muna kayo.” Nakakahiya na kasi sa mga kapitbahay niyang nakakarinig. “Bakit? Nahihiya ka bang malaman ng iba na tatlong buwan ka nang hindi nakakabayad?!” Lalo siyang nahiya sa sinigaw nito. Hindi naman niya gustong madelay ng bayad dito. Gipit lang talaga siya dahil siya ang bumubuhay at nagpapagamot sa ama niyang maysakit. “Aling Baylot, babayaran ko rin naman po kayo ‘pag makaluwag na.” “Aba, Lorna kelan ka pa makakaluwag?!” “Pasensya na po kayo, binili ko po kasi ng gamot ang tatay ko. Ang mahal po kasi ng gamot ng–” “At ako pa talaga ang mag-aadjust sa tatay mong mamamatay na?!” putol nito sa kanya. “Pasensya na po kayo, magbabayad po ako sa isang linggo.” “Siguraduhin mo lang ha! Kundi sa kangkungan na kayo pupulutin!” Problemado ang dalaga sa buhay. Hindi lamang siya gipit sa pera kundi tumitindi na rin ang sakit ng kanyang ama. Hindi niya na alam kung anong pagsusumikap pa ang gagawin niya upang kumita ng salapi. Hanggang sa isang linggo ang lumipas ay hindi pa rin sapat ang kanyang pera upang makapagbayad sa renta ng bahay. “Lorna, asan na ang bayad mo?!” malakas na katok at sigaw ni Aling Baylot. Napapikit na lamang siya nang mariin at binuksan ang pinto ng kanilang maliit na tahanan. “Aling Baylot pasensya–” “Hindi ko kailangan ng pasensya mo, Lorna! Lumayas na kayo ng ama mong walang pakinabang!” Wala na siyang nagawa dahil may kasama na itong mga tanod. Naluluha lamang siya sa pagpapahiya nito sa kanilang mag-ama habang pinapaalis sa bahay. Nakitira muna ang mag-ama sa kanyang kaibigan. Wala siyang alam sa background history ng ama dahil ang madalas na sabihin lang nito noon ay lumayas ito sa dating pamilya at hindi na bumalik pa. Samantalang ang ina niya naman ay matagal nang namatay dahil sa isang aksidente. Hanggang isang araw ay nakita niyang naghihingalo na ang ama. Hindi na ito makapagsalita nang maayos. Iniabot nito sa kanya ang isang papel. Address iyon sa Maynila at numero ng telepono. “Tito mo…” nanghihinang sabi ng ama, “Pakisabi patawad…” Iyak nang iyak si Lorna sa pagkawala ng ama. Pero hindi niya pa rin binigo ang pangako dito. Matapos itong ilibing ay agad niyang hinanap ang umano’y kanyang tiyuhin sa Maynila. Hindi naman siya nahirapang hanapin ito dahil ‘yun pa rin ang number ng telepono ng pamilya. Gulat rin ito nang ibalitang wala na ang kapatid nito na kanyang ama. Iyak ito nang iyak lalo nang ikwento nito ang nangyari sa kanilang magkapatid. Nag-away daw sila noon dahil sa pera at hindi na kailanman nagkaayos dahil sa pride bilang magkapatid. “Ninakaw ko noon ang ipon ng tatay mo para sana sa pinangako niyang kasal sa nanay mo.” Nalaman niya ring sa sugal lang nito inilaan ang pera. Pero dahil nakonsensya ay nagsumikap ito upang maibalik ang ninakaw na pera sa kanyang. “Pero hindi ko na siya nakita pang muli.” Nalaman niyang nag-iba pala ng pangalan ang kanyang ama kaya hindi na sila nito natunton pa. Hindi na rin ikinasal ang mga magulang niya kaya nagtanim rin ng galit dito ang tatay niya. “Hayaan mong makabawi ako sayo, Lorna…” Tinupad ng tiyuhin ang pangako. Hindi lamang siya nito kinupkop at pinag-aral, binigyan rin siya nito ng napakagandang trabaho sa Amerika. Pagbalik niya sa Pilipinas ay nagdesisyon siyang bumili ng lupain upang gawing negosyo. May nakita agad siyang rush sale na lote. Pero tila pamilyar sa kanya ang address. Pinuntahan niya iyon at laking gulat niya nang makilala ang pamilyar na mukha ng dating landlady. “Lorna?!” gulantang ito, “Ikaw ba ang secretary ng bibili ng lupain ko. Asan na ‘yun? Kailangan ko na ng pera. May sakit ako kaya rush ko itong pinagbibili.” Napangiti siya, “Ako po ‘yung bibili.” Tila atakihin ito sa narinig. Namutla at natahimik, “Pinapatawad ko na po kayo sa lahat ng nangyari noon. Kung hindi rin naman po nangyari iyon ay hindi ko mararating kung nasaan ako ngayon.” Hindi makapagsalita ang matanda. “Dadagdagan ko nalang po ang bayad sa lote para sa pampagamot niyo.” Napaluha ang matanda, niyakap si Lorna at humingi ng tawad. Sa pagbabalik-tanaw ni Lorna, tuluyang binawian ng buhay ang kanyang ama dahil sa pagpapalayas sa kanila ni Aling Baylot. Halos manlimos sila ng tulong mula sa ibang tao nang mga panahon na iyon. Nanlilimos ng kahit maliit na espasyo mula sa mga kaibigang panandalian lamang ang tulong na kayang ibigay. Hindi niya kayang isipin na posible itong mangyari kay Aling Baylot. Maaaring pinaglupitan siya nito ngunit maayos na ang buhay niya ngayon upang isipin pa ang paghihiganti. Bago pa man siya umalis ay sinigurado niyang maayos ang lagay ng matanda. Inabutan niya ito ng tulong pinansyal upang maipagpatuloy ang pagpapagamot at tuluyan nang gumaling. Ang sabi nga nila, ang pagiging matagumpay ang pinakamagandang ganti na maibibigay mo sa mga taong umapak sa iyo.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!