Inday TrendingInday Trending
Pink ang Kabaong ni Lola Carlota

Pink ang Kabaong ni Lola Carlota

“Dulce! Dulce! Palitan mo ang salawal ko. Dali!”

Binitiwan ni Pamela, isang registered caregiver ang kutsarang panimpla para sa gatas na ipaiinom niya kay Lola Carlota na kaniyang pasyente at ina ng isang kongresistang si Luisita. Kahit hindi naman siya si Dulce, alam niyang siya ang tinutukoy nito. May sakit na dementia ang matanda. Sabi ng ibang mga katulong sa bahay, si Dulce raw ang bunsong anak nito na namayapa dahil sa sakit na lupus.

“Heto na po ako. Magpapalit na po tayo,” nakangiting pag-aalo ni Pamela sa kaniyang amo. Basang-basa na ang suot nitong adult diaper. Kailangan nang palitan.

“Hindi ikaw si Dulce ko!” inaninaw ni Lola Carlota ang mukha ni Pamela.

“Opo. Ako po si Pamela. Ang tagapangalaga ninyo,” nakangiting tugon ni Pamela sa amo. Sanay na siyang tinatawag nitong Dulce.

“Nasaan si Dulce? Tawagin mo nga’t tuturuan ko pa siyang magpiano,” utos sa kaniya ni Lola Carlota.

Hindi na pinansin ni Pamela ang matanda. Tinurukan niya ito ng pampakalma. Ilang segundo lamang ay tumalab na ito at nanahimik na ang matanda.

Bed-ridden na si Lola Carlota kaya isinasakay niya ito sa isang wheelchair kapag kailangang ipasyal. Mamaya lamang ay mahihimasmasan na ito at tatawagin na ulit siyang Pamela.

Makalipas ang ilang oras, nagising na ulit ito.

“Pamela, ang tubig ko.” utos ni Lola Carlota sa caregiver. Tumalima naman ang inutusan at pinainom ng tubig ang alagang matanda.

“Bukas samahan mo ako sa punerarya. Gusto kong pumili ng aking kabaong.”

Nagulat si Pamela sa kahilingan ni Lola Carlota. Kailangan niya itong sabihin sa anak nitong kongresista na siyang nagpapasuweldo sa kaniya. Tinawagan niya ang amo upang sabihin dito ang panibagong kakatwang request ni Lola Carlota.

“Ano na naman ba ang gustong mangyari ng mama. Sumasakit ang ulo ko. Sige sasamahan ko kayo bukas.”

Kinabukasan, sumama nga ang kongresista sa kanila. Nagtungo sila sa isang sikat at pangmayamang punerarya kung saan namili si Lola Carlota ng kaniyang kabaong. Isang pink na kabaong ang pinili nito.

“Iyan ang gusto kong kabaong kapag namatay ako anak,” sabi nito sa anak na kongresista na si Luisita.

“Sige ipapareserve na natin mama kung iyan ang gusto mo,” tugon ni Luisita. Kinuha niya ang kaniyang checkbook at anyong pipirmahan na ito nang matigilan sila sa sumunod na sinabi ng matanda.

“Hindi ipapareserve. Bibilhin na natin. Gusto kong masanay na diyan mahiga,” utos ni Lola Carlota.

“Pero mama parang sobra naman iyang hinihiling mo. Hindi ako papayag,” matigas na tutol ni Luisita.

Walang nagawa si Luisita kundi pagbigyan ang kapritso ng ina. Kahit nangingilabot sa ideya, pikit-matang binili at ipinauwi ni Luisita ang pink na kabaong sa bahay, sa mismong kuwarto ng ina.

Tuwing gabi, sa naturang kabaong nahihiga si Lola Carlota. Inuutusan niya lagi si Pamela na kuhanan siya ng larawan habang nakahiga at nakapikit. Gusto raw niyang makita ang sarili kung ano ang hitsura niya sa loob ng kabaong.

“Nararamdaman kong sinusundo na ako ni Dulce. Malapit na kaming magkasama ng aking anak,” minsan ay naibahagi ni Lola Carlota kay Pamela.

“Huwag ninyo pong sasabihin iyan, Lola. Malakas pa po kayo. Paano na lang po ako kung wala kayo?” naiiyak na sabi ni Pamela sa alagang matanda.

Kinuha nito ang kamay ni Pamela.

“Maraming salamat sa pag-aalaga sa akin ha. Kahit mismong anak ko hindi ako maalagaan. Masyadong abala si Luisita sa kaniyang karera bilang ina ng bayan. Pero ang maging anak para sa kaniyang inang malapit nang mamatay hindi niya magawa,” at sumungaw ang butil ng luha sa mga mata ni Lola Carlota.

Isang araw, muling sinumpong si Lola Carlota. Gusto raw niyang marinig ang magiging eulogy kapag siya ay namatay na. Pinasabi niya kay Pamela na gusto niyang anyayahan ang lahat ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan ng pamilya upang isagawa nang advance ang eulogy. Walang kwenta raw ang mga sasabihin ng isang magpapatotoo kung hindi maririnig ng patutungkulan nito.

Sa tulong na rin ni Luisita, naisagawa nga ang maagang eulogy para kay Lola Carlota. Sabi ng mga bulong-bulungan, ganoon daw talaga ang matanda noon pa mang aktibo pa ito sa buhay. Laging may pasabog. Laging gustong pinag-uusapan. Isa raw ito sa mga hindi niya nakalimutan.

Hanggang sa isang umaga, nagisnan nilang wala ng buhay si Lola Carlota. Nakangiti ito at payapa ang mukhang nahihimlay. Tila nagkatotoo ang sinabi nitong sinusundo na siya ni Dulce. Ipinagdasal ni Pamela na sanay maging masaya ang kaluluwa ni Lola Carlota kung nasaan man ngayon ito. Binigyan siya ng maringal na burol at libing ni Luisita.

Advertisement