Nakipaghiwalay sa Kaniya ang Nobya nang Malamang Taga-Kuskos Lang pala Siya ng Banyo; Isang Anunsyo ang Magbabago ng Lahat

“Clark, may bisita ka,” ani Jobert ang kasama niya sa trabaho. “Hindi mo naman sinabi sa’kin, p’re, na may maganda ka pa lang nobya,” dugtong nito na may makahulugang ngiti sa labi.

Umiling si Clark sabay ngiti nang malapad. “Sira ulo! Bumalik ka na nga sa trabaho mo,” aniya.

Inalis ang gloves sa kamay pati na ang suot na apron saka inayos ang sarili sa harapan ng salamin. Ito ang unang beses na dinalaw siya ng nobyang si Mitch sa kaniyang trabaho, kaya masaya siya dahil sa wakas magkikita na naman sila ulit ng nobyang halos dalawang linggo na niyang hindi nakikita.

“Mitch, mahal, kumusta?” masayang salubong ni Clark sa nobyang tila naguguluhan sa hindi malamang dahilan.

“Clark, anong trabaho mo sa malaking kumpanyang ito?” nagugulumihang tanong ni Mitch. “B-bakit g-ganyan ang suot mo?”

Nagtataka man ay pinilit maging normal ni Clark sa harapan ng nobya. “Ano bang mayroon sa suot ko, Mitch?”

“Hindi ko alam… pero,” anito, hindi kayang bigkasin ang nais sabihin. “J-janitor ba ang trabaho mo sa kumpanyang ito, Clark?”

Sa wakas, naisatinig din ng nobya ang nais nitong sambitin.

Advertisement

“Akala ko maganda ang trabaho mo rito sa sikat na kumpanyang ito, Clark, tapos malaman-laman ko, isa ka lang palang janitor, taga-kuskos ng sahig, taga-kuskos ng inidiro at kung ano-ano pang dapat mong kuskusin,” dismayadong wika nito. “Bakit hindi mo agad sinabi sa’kin, Clark?” anito. May himig panunumbat.

Trabaho pa rin naman iyon… marangal na trabaho, kaya wala siyang nakikitang mali sa pagiging isang janitor. Ang tanging pinagtatakhan niya’y bakit nadidismaya ito sa kaniyang pakiwari.

“Tatlong buwan na tayong magkasintahan, Clark, tapos ngayon ko lang malalaman na isa ka lang palang hamak na janitor. Kung ‘di pa ako pumunta rito’y hindi ko malalaman ang totoo mong trabaho!” inis na wika nito.

“Ano bang mali sa pagiging janitor, Mitch? Marangal naman ang trabaho ko’t wala akong sinasaktan na ibang tao, kumakayod ako at kumikita nang marangal kaya wala akong nakikitang mali sa pagiging isang janitor ko,” aniya.

“Ayoko ng isang hamak na janitor lang, Clark! Hindi mo ba naiintindihan ang bagay na iyon? Akala ko malaki ang posisyong hawak mo sa kumpanyang ito, iyon naman pala’y inidoro, sahig at dumi lang ang kaya mong linisin,” nang-iinsultong wika ni Mitch.

“Mas maigi pang maghiwalay na tayo hangga’t maaga pa. Ayoko sa mahirap na lalaki, ayokong maghirap, Clark, at sa tingin ko’y hindi ikaw ang lalaking para sa’kin,” anito.

Akmang tatalikod na nang magsalita si Clark.

“Hindi ako ang lalaking para sa’yo dahil hindi ako mayaman, Mitch, gano’n ba iyon?”

Advertisement

Lumingin si Mitch at matalim ang tinging ibinigay sa kaniya. “Kulang pa sa luho ko ang sahod mo, Clark. Anong gusto mong gawin ko kung sakaling ikaw ang mapangasawa ko, maging losyang dahil sa kahirapan mo? Praktikal akong babae, at ayoko ng lalaking walang kakayahang ibigay sa’kin ang kung anuman ang gusto ko,” anito.

Tuluyan nang naglakad palayo sa pwesto niya. Isang tabinging ngiti ang pinakawalan ni Clark habang tinitingnan ang papalayong anino ni Mitch. Mas ayos na rin iyong maaga pa lang ay alam na niya ang tunay nitong ugali.

Nagsimula na rin si Clark na maglakad pabalik sa kaniyang trabaho. Marami pang babae ang mas nararapat para sa kaniyang pagmamahal. Iyong babaeng mahal siya, hindi dahil sa mataba niyang bulsa, kung ‘di siya bilang si Clark mismo.

Makalipas ang tatlong buwan abala si Clark sa pag-iikot ng mabangga ang pamilyar na babae. Si Mitch, walang-kupas, maganda pa rin ito gaya ng dati. Ngunit kumpara noon ay mas lalo itong gumanda, dahil sa mga palamuting suot sa katawan. Mukhang nakabingwit na nga ito ng mayamang lalaki na kayang bilhin ang lahat ng kaniyang luho.

“Clark, long time no see,” nakangiting bati ni Mitch sa kaniya.

“Long time no see, Mitch,” balik bati ni Clark.

“Anong ginagawa mo rito? Dito ka na ba nagtatrabaho ngayon bilang janitor? Hindi ko alam na nalipat ka na pala, wala na rin kasi akong balita tungkol sa’yo mula noong naghiwalay tayo,” anito.

“Ang totoo’y nandito kami sa sikat na resort na ito ng nobyo ko, Clark, bale 5 days kami rito sa mamahaling resort na ito. Kaya malamang magkikita at magkikita pa rin tayo, kamustahan na lang gano’n kasi may pinagsamahan din naman tayo,” daldal nito.

Advertisement

“Enjoy your stay here, Mitch,” ani Clark at akmang magpapaalam na sana nang kaniyang pigilan.

“Ngayon ko mas napatunayan, Clark, na tama ang naging desisyon kong hiwalayan ka noon. Siguro kung hanggang ngayon ay tayo pa rin, baka hindi ko man lang naranasan ang ganitong pakiramdam, baka nga hindi man lang ako nakarating rito kung nagkataon. Kaya sa kabilang-banda’y wala akong pinagsisihan sa naging desisyon ko,” ani Mitch.

Isang matamis na ngiti at marahang tango ang itinugon ni Clark sa sinabi ni Mitch.

“Excuse me lang po muna. Good afternoon, Sir Clark, pero hinahanap na kayo ng board leader sa meeting room, kanina pa po naghihintay ang mga iyon sa pagdating mo,” ani Elise, ang manager ng hotel ang result na pag-aari ng pamilya ni Clark.

“Ganoon ba, Elise, sige, papunta na rin naman ako. May itinatanong lang si madam,” ani Clark, na ang tinutukoy na madam ay si Mitch. “Enjoy your stay here in our resort and hotel, Miss Mitch, sana mag-enjoy kayo sa pananatili niyo rito,” magalang na kausap ni Clark sa kaniya.

Akmang aalis na nang may maalala kaya humakbang siya pabalik upang kausapin si Elise. “Sayang, Mitch, kung hindi ka sana nakipaghiwalay sa’kin noon, hindi lang limang araw o isang linggo kang makakapag-stay rito. Makakapag-stay ka sa kahit saang resort o hotel na pag-aari ko. Ang kaso’y pinakawalan mo ako, na mas naging pabor rin naman sa’kin,” nangungutyang kausap ni Clark saka binalingan ang manager.

“Asikasuhin mo muna si madam, Elise, para hindi siya mahirapan sa unang pananatili niya sa lugar natin. Good day ma’am and enjoy your stay,” ani Clark saka agad na nagmartsa palayo.

Hindi maiwasan ni Mitch ang hindi mabigla sa nalaman. Pag-aari ni Clark ang resort and hotel na kinaroroonan niya ngayon. Gusto niyang habulin ang lalaki at klaruhin ang totoo, ngunit pinigilan na siya ng babaeng tinawag nitong Elise.

Advertisement

“Ano ba siya sa kumpanyang ito? Hindi ba siya isang taga-kuskos lang ng inidoro?” tanong niya.

Biglang natawa si Elise sa sinabi niya. “Taga-kuskos ng inidoro, ma’am? Sa pagkakaalam ko po ay anak siya ng mismong may-ari ng naglalakihang kumpanya pati na ang resort at hotel na ito,” ani Elise.

Hindi napigilan ni Mitch ang mapasinghap nang malakas. Anak ng mayamang negosyante si Clark? Pero bakit noong minsang binisita niya ito’y nakasuot ito ng pang-janitor na uniporme?

“Ugali po ni Sir Clark ang makihalubilo sa lahat ng empleyado nila ma’am, baka noong nakita mo siyang nagkukuskos ng inidoro’y iyon ang panahon ng training niya. Tini-training kasi sila ng ama niya sa maliliit na posisyon para alam nila ang pakiramdam kung paano pakisamahan, kahit iyong nasa pinakamababang posisyon lang ng kumpanya, gano’n po ang pamilya nila. Hindi ko kailanman nakitang nangmata sila ng ibang tao dahil lang isang taga-linis ng banyo ang empleyado nila. Lahat po ay pantay-pantay ang turing nila sa lahat ng empleyado,” paliwanag ni Elise.

Nakaramdam naman si Mitch na tila siya pinapatamaan ng dalaga sa sinabi nitong nangmamata siya at hindi pantay ang tingin niya sa lahat.

“Gusto niyo po ng tour sa buong resort, ma’am?” maya maya’y alok ni Elise.

Hindi na nagawang sumagot ni Mitch. Gusto niyang lagnatin, gusto niyang makausap si Clark at humingi ng tawad rito, kahit alam niyang malabo na siyang mapatawad pa ng lalaki. Nagsisisi siya… kayamanan na sana’y bigla pang naging bato.