Nauuhaw at Nanghihina na ang Binata Dahil sa Gutom; Sino’ng Mag-Aakalang May Kakayahan ang Isang Batang Tulungan Siya?

Nauuhaw at Nanghihina na ang Binata Dahil sa Gutom; Sino’ng Mag-Aakalang May Kakayahan ang Isang Batang Tulungan Siya?

InspiringMiracleStories

Kumakalam na ang tiyan ng binatang si Sandro, nauuhaw at gutom na gutom na siya. Kanina pa siyang naglalakad mula Recto, hanggang Cubao. Sa kamalasan kasi ay hindi niya alam kung ano ba talaga ang nangyari sa pitaka niya, nahulog ba iyon o sadyang dinukot mula sa bulsa sa kaniyang likuran. Wala tuloy siyang maipangpamasahe kaya nagdesisyon na lamang siyang maglakad.

Sapo-sapo ang humihilab na tiyan ay nagdesisyon siyang umupo sa gilid ng daan upang magpahinga. Pinunasan ng palad ang namumuong pawis sa mukha. Grabe ang malas niya sa araw na ito. Sana kung sinuman ang kumuha ng pitaka niya’y makonsensya sa ginawa. Kung nalaglag man iyon— na imposibleng mangyari. Sana kontakin siya ng nakapulot at ibalik sa iyon sa kaniya kahit kunin na ang pera sa loob.

Malalim ang iniisip niya nang mapansin ang batang lalaking tumabi sa kaniya at matamis na ngumiti. Gusto niyang gantihan ang ngiti ng bata ngunit hindi niya magawa. Sino bang may gustong ngumiti sa sitwasyon niya ngayon?

“Anong nangyari sa’yo, kuya?” maya maya ay tanong ng batang lalaki.

Sa totoo lang ay wala siyang panahon para sagutin ang tanong nito, ngunit naisip niyang wala naman itong nagawang kasalanan sa kaniya. Kaya bakit niya ibubuhos ang inis na naramdaman dito?

Malalim siyang naglabas ng buntong hininga saka nagsalita. “Nagugutom na kasi ako kaya medyo sumasakit na ang tiyan ko,” aniya.

Iyon naman talaga ang totoo kaya naisip niyang sabihin sa batang lalaki ang totoong nararamdaman. Alam naman kasi niyang tanong pambata lang iyon at hindi nito iyon seseryosohin. Magpapahinga lang siya saglit at magpapatuloy ulit sa paglalakad. Sana nga kayanin pa niya hanggang sa makarating siya sa bahay nila.

“Wala kang pera, kuya?” muling tanong nito.

Nakukulitan siya, pero pinili pa rin niyang sagutin. “Nawala nga ang pitaka ko e. Hindi ko alam kung saan nahulog. Naglakad tuloy ako mula Recto hanggang dito sa Cubao,” aniya.

Malakas na napasinghap ang bata tanda ng matinding pagkagulat. Bahagyang napangiti si Sandro sa naging reaksyon nito. Akala mo talaga naiintindihan nito ang sinasabi niya.

“Kawawa ka naman pala, kuya,” komento nito.

Pinili na lamang niyang ngumiti at bahagyang tumango sa sinabi nito. Kung kaniyang tatantyahin ay nasa edad walo o siyam na taon lamang ang kausap na batang lalaki. Ano bang alam nito sa ibig niyang sabihin?

Pinili niyang manahimik upang ipunin ulit ang lakas, upang magamit na naman sa mahaba-habang lakaran. Habang ang batang lalaki naman ay panay ang sulyap sa gawi niya, patungo sa isang mamihan at muli’y balik sa kaniya ang tingin nito.

“Kuya, gusto mong kumain roon?” anito, sabay turo sa mamihan. “Libre kita, kain tayo doon,” anito.

Hindi naiwasan ni Sandro ang pagtaasan ito ng kilay. “Ililibre mo ako? May pera ka ba?”

Matamis na ngumiti ang batang lalaki. “Nagpa-parking kaya ako rito,” buong pagmamalaking sambit nito. “Ito ang kinita ko ngayong araw, kaya malamang may pera ako,” dugtong pa nito.

Ipinakita ng batang lalaki ang pera nitong kulang-kulang dalawang daang piso. Hindi niya maiwasang bumilib sa bata. Bata pa lang ito, pero marunong nang maghanapbuhay.

“Hali ka na, kuya, kain tayo doon. Masarap kasing kumain ng ganyan kapag may kasama, kaya samahan mo na ako.” Muling aya nito, saka tumayo sa kinatatayuan.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Sandro, sumama na siya sa bata upang mailibre siya nito ng mami. Bukod sa mami ay nilibre din siya nito ng palamig na buko, kaya ang gutom na naramdaman kanina’y agad na nawala at ang nanghihinang katawan, ngayon ay muling nanumbalik ang lakas.

“Nabusog ka ba, kuya?” tanong ng batang lalaki, matapos nilang kumain.

Marahan siyang tumango at nginitian ang batang lalaki. “Anong pangalan mo, boy?”

“Dominic Fria,” pakilala nito. “Traysikel dryaber ang papa ko, kapag walang klase sumasama-sama ako sa papa ko para makapag-parking ako rito. Nag-iipon kasi ako para sa kaarawan ng nanay ko, ibibili ko siya ng cake,” masayang daldal nito sa kaniya.

“Gano’n ba? Nakuhanan mo pa tuloy ang ipon mo dahil sa panlilibre mo sa’kin,” aniya. Tila nakaramdam ng konsensya.

“Sus! Magkano lang naman itong mami at buko, maliit lang iyon na bagay, kuya, at saka tingnan mo ngayon masigla ka na ulit kasi busog ka na. Kanina kasi ang hina-hina mo kaya nilapitan kita,” anito.

“Paano mo nalaman iyon?” taka niyang tanong.

Sa batang itsura nito’y hindi niya akalain na marunong na itong kumilatis ng tao.

“Bilin sa’kin ng mama ko na kapag napansin kong pawis na pawis na si papa at namumutla, ibig sabihin no’n gutom na si papa, kaya dapat ayain o sa madaling salita’y kulitin ko na siyang kumain sa mga oras na iyon. Sabi rin ni mama, kapag nakita ko sa orasan na alas-dose na’t alas-tres, dapat kakain na daw kami no’n, kaya alam ko na nagugutom ka na kanina. Kasi iyon ang pala-tandaan ko kapag nagugutom si papa,” paliwanag nito.

Hindi makuhang makapagsalita ni Sandro, gusto niyang umiyak sa labis na paghangang naramdaman para sa batang si Dominic. Hindi ito gaya ng ibang bata na tanging laro at saya lamang ang nasa isip. Salamat at si Sandro ang nakakita sa kaniya kanina.

“Ito kuya oh,” ani Dominic sabay abot ng singkwenta pesos. “Pamasahe mo na iyan, para ‘di ka na maglakad pa pauwi sa uuwian mo.”

Hindi niya napigilang maluha sa muling ginawa nito. Parang isang anghel si Dominic na bumaba sa lanbit upang siya’y tulungan. Hindi rin naman pala gano’n kamalas ang araw niya dahil may nakilala siyang kagaya ni Dominic.

“Paano kaya kita mababayaran sa kabutihan mo, Dominic?” aniya.

Matamis na ngumiti ang batang si Dominic. “Hindi naman kita pinapautang, kuya, kaya wala kang dapat na bayaran,” anito. “Sana magkita pa tayong muli, kuya, at mag-iingat ka sa pag-uwi ah,” anito saka nagpaalam na dahil magpaparking pa raw ito.

Nang tuluyang nawala sa paningin niya ang rebulto ni Dominic ay hindi niya napigilang titigan ang singkwenta pesos na binigay nito. Sinong mag-aakalang isang batang lalaki ang tutulong sa kaniya. Matamis siyang napangiti at tiningnan ang dinaanan ni Dominic.

“Pangako, babalik ako rito, Dominic at hahanapin kita… babawi ako sa kabutihan mo,” aniya sa sarili.

Nagsimula na siyang naglakad sa terminal ng bus kung saan ang sakayan pauwi sa bahay niya. Salamat sa batang si Dominic at hindi siya tuluyang napahamak sa susunod pa sana niyang gagawin.

Nakakatuwang isipin na may isang anghel ang bumaba sa kung saan man para lang tulungan siya.

More Stories