Mula nang Magtrabaho sa Abroad ang Ama ay Puro Pagdurusa na ang Sinapit ng Dalaga sa Kinakasama Nito; Magandang Bukas pa rin Pala ang Nag-Aabang sa Kaniya

Anim na taon nang nagtatrabaho sa abroad si Magnus. Mula nang pumanaw ang unang asawa ay nagdesisyon itong mangibang bansa para mas mabigyan ng magandang buhay ang nag-iisang anak na si Nedine. Naiwan naman ang dalaga sa pangangalaga ng bago niyang kinakasama na si Ilonah. Hindi pa niya pinapakasalan ang babae, saka na kapag bumalik na siya sa Pilipinas.

Sumakabilang buhay ang misis niya ilang taon na rin ang nakakalipas at naiwan sa kanya ang unica hija niya. Muling tumibok ang puso niya nang makilala si Ilonah na dating saleslady sa department store pero nang ibahay niya ang babae ay huminto na ito sa pagtatrabaho. Kahit labag sa loob niya ang pag-alis ay tinatagan niya ang sarili para sa kinabukasan ng anak na si Nedine. Habang lumalaki kasi ito ay mas lumalaki rin ang gastos sa pag-aaral nito na nasa ikatlong taon na sa kolehiyo.

Isang gabi ay tinawagan niya ang anak sa selpon at kinausap.

“Kumusta ka na, anak? Ang pag-aaral mo pinagbubutihan mo ba?” masayang tanong ni Magnus sa anak.

“Okay naman po ako, papa. A, eh, o-opo pinagbubutihan ko po sa eskwela. Hmmm…pa, ‘yung ano po pala…p-pwede pong magpadala po ulit kayo? M-may project po kasi kami at medyo malaking halaga po ang kakailanganin,” wika ng dalaga sa kabilang linya.

Nagtaka si Magnus. “Kakapadala ko pa lang ng pera sa Tita Ilonah mo, a? Ang sabi ko’y ibigay niya sa iyo ang budget mo sa eskwela,” tugon niya.

“Binigyan na po ako ni tita kaso kulang pa po ‘yon eh. Sabi ng professor namin ay dun daw sa project ibabase ang final grade namin,” sabi ni Nedine.

“Sige, sige, magpapadala ulit ako ng pera sa tita mo. Basta huwag mong papabayaan ang pag-aaral mo ha?” saad pa niya.

Advertisement

Ilang minuto pa silang nag-usap ng anak hanggang sa matapos iyon at nagpasiya na siyang mahiga sa kama at nagpahinga. Masaya siya na nakausap muli ang dalaga niya.

Samantala, nang ibaba na ni Nedine ang selpon ay padabog iyong hinablot sa kanya ni Ilonah habang nakasimangot na kanina pa pala nakikinig sa usapan nila ng ama.

“Ang tagal niyo namang mag-usap! O, ano? Kailan daw magpapadala ang ama mo? Sana ay nilakihan mo na ang perang hinihingi mo! Kahit kailan ay ang t*nga, t*nga mo!” nanggigigil nitong sabi sabay sabunot sa buhok niya.

“S-sorry po, ang sabi ko po ay magpadala siya ng dalawang libo,” sagot niya sa madrasta.

“T*nta! Napaka-g*ga mo talaga! Aanhin ko ang dalawang libo? Kulang pang pambili ng gusto kong sapatos, damit at branded na bag ang halagang iyon!” nanggagalaiting wika ni Ilonah tapos ay pinagkukurot sa tagiliran ang dalaga.

“N-nahihiya na po kasi ako kay papa. Palagi na lamang po akong nanghihingi sa kanya kahit po kakapadala lang niya ng pera sa atin. Mahirap din naman po ang buhay niya roon bilang OFW. Hindi po basta-basta ang kumita ng pera sa ibang bansa,” pangangatwiran niya.

“Ang dami po pang sinasabi! Wala akong pakialam kung magkandakuba ang ama mo sa abroad ang mahalaga ay hindi siya magmimintis ng pagpapadala ng pera rito! Kung mahirap ang buhay niya roon, mas mahirap ang buhay dito! Kaya kapag nakausap mo siya ulit ay manghingi ka lang nang manghingi ng pera, naiintindihan mo?” utos pa ni Ilonah.

Ang totoo ay hindi naman sa eskwela niya gagamitin ang perang hinihingi sa ama kundi sa mga luho at kapritso lang ng madrasta niya. Pinahinto na siya sa pag-aaral ng malupit niyang ina-inahan. Imbes na gastusin sa matrikula, sa baon at projects ay hindi na siya nito pinapasok sa eskwela. Makadaragdag pa raw kasi iyon sa mga gastusin. Hindi na rin ito kumuha ng katulong at sa halip ay siya ang pinagagawa at inaalipin nito sa bahay.

Advertisement

Masyadong maluho si Ilonah. Kaya lang naman pinakisamahan ng babae ang ama niyang si Magnus dahil alam nitong mag-a-abroad ang lalaki. Ngayon ay nagbubuhay reyna ito sa pamamahay nila at siya ay alilang kanin kung ituring nito.

Nang sumunod na araw ay nagulat at napabalikwas nang bangon si Nedine sa sahig nang pagsisipain siya ni Ilonah. Pupungas-pungas siyang nagkusot ng mata. Hindi pa nakuntento ang babae at binuhusan pa siya ng isang timbang tubig. Para tuloy siyang basang sisiw na kaawa-awa ang lagay sa mga sandaling iyon.

“B-bakit po, tita?” tanong ng dalaga.

“P*tang i*a! Bumangon ka nga diyan! ‘Di ba sabi ko sa iyo humingi ka pa ng pera sa ama mo? Hindi pa rin dumadating hanggang ngayon! At dahil kulang ang intrega niya sa akin ay ikaw ang sisingilin ko! Mag-ayos ka ng sarili mo at isasama kita sa bagong bukas na grocery sa kanto. Ipapasok kitang staff doon na tiga-ayos at tiga-salansan ng mga de lata, sabon at iba o ‘di kaya ay tiga-linis o saleslady para makatulong ka naman sa mga gastusin dito at para hindi ka lang palamunin. Ang sasahurin mo roon ay ibibigay mo sa akin!” wika ni Ilonah sabay hinila siya patayo at pinagkukurot na naman siya sa tagiliran. “O, ano pa ang hinihintay mo? Maligo ka na at magbubukas na iyon. Hinihintay ka na rin doon ng bago mong amo, bilis at huwag kang kukupad-kupad!” saad pa nito.

Pinagbantaan din siya ng madrasta na huwag itong ipapahiya sa trabaho kundi ay malilintikan siya pag-uwi niya sa bahay.

Ilang minuto lang ay naroon na sila. Isa iyong bagong bukas na grocery na ipinatayo raw ng maperang lalaki na nagtatrabaho rin sa abroad. Maya maya ay lumabas doon ang isang binata na maayos ang suot na damit. Napansin niyang guwapo at may katangkaran na sa tingin nila ay ito ang manager kaya agad nila itong nilapitan.

“Good morning, sir! Ito po ‘yung anak-anakan kong ipapasok ko ng trabaho sa inyo, ‘yung sinabi ko sa inyo kahapon. Masipag ito kaya hindi kayo lugi,” wika ng babae.

Tinitigan siya ng binata mula ulo hanggang paa at tila sinisipat-sipat siya nito. Medyo nahiya naman siya sa pagkakatitig nito sa kanya, pagkatapos ay tumango ito at tinanggap siya bilang tiga-linis at tiga-salansan ng mga produkto sa grocery.

Advertisement

“Okay, pwede na siyang magsimula ngayong araw. Ako nga pala si Mr. Paul Rivas, ang manager nitong grocery,” sambit ng binata.

‘Di nga sila nagkamali, manager nga ang kausap nila.

“G-gusto ko siyang personal na makausap muna para idetalye ang iba pa niyang gagawing trabaho rito. Gusto kong kaming dalawa lang at walang istorbo,” sabi pa nito na hindi pa rin maalis ang tingin kay Nedine.

Ang paghanga niya sa guwapong binata ay napalitan ng kaba dahil nararamdaman niya na may hindi tama rito. Ang mga mata nitong panay ang sulyap sa kanya ay parang may pagnanasa kaya binulungan niya ang madrasta na huwag na silang tumuloy.

“Tita, ayoko na po. W-wala po akong tiwala sa lalaking ‘yan. Kanina pa po niya ako tinitingnan,” sabi niya.

“G*ga! Nandito na tayo ngayon ka pa aatras? Sira ka ba? Anong pinagsasasabi mo? Magtigil ka nga! Susunod ka sa utos niya, hindi ka na maaaring umatras,” wika nito na biglang hinila ang buhok niya.

Nakita niyang nakatingin sa kanila ang binata kaya labis siyang napahiya sa ginawa sa kanya ng babae.

Wala na siyang nagawa kundi ang sumunod. Nakakagat-labi siya at mahigpit ang hawak sa mga kamay habang niyaya na siya ng binata sa loob ng opisina nito.

Advertisement

Tatawa-tawa naman si Ilonah nang tuluyan na siyang dinala ng manager sa loob ng grocery. Wala na itong pakialam kung ano ang maaaring mangyari sa kanya sa kamay ng binatang iyon, ang mahalaga ay ang magkapera ito.

Nasa loob na sila ng isang kwarto nang biglang hubarin ng binata ang suot na kurbata at polo shirt hanggang sa t-shirt na lamang ang pantaas nitong saplot.

Pinaupo siya nito sa sofa.

“Ikaw si Nedine, ‘di ba?” tanong nito.

Kahit malakas ang kabog sa kanyang dibdib ay sinagot niya ito.

“O-opo, ako nga po. P-parang awa niyo na po, huwag niyo po akong sasaktan. Huwag niyo pong ituloy ang gagawin niyo,” buong tapang niyang sabi sa nakikiusap na tono.

Napangiti ang binata.

“Ano ba ang akala mong gagawin ko sa iyo? Naghubad ako ng aking pantaas na damit dahil hindi ako sanay na nagsusuot ng ganitong ka-pormal. Huwag kang matakot, hindi ako masamang tao,” anito.

Advertisement

Nagulat siya sa tinuran ng kausap.

“Eh, bakit niyo ako dinala rito?”

“Dinala kita rito dahil may taong gusto kang makita,” wika ng binata na binuksan ang isa pang pinto na nasa loob ng kwarto.

Napamulagat siya nang makilala ang tinutukoy nito.

“P-papa?”

Bumungad sa harap niya ang amang matagal na nawalay sa kanya.

“Ako nga anak,” sambit ni Magnus na niyakap nang mahigpit ang dalaga. “Ang grocery na ito ay pagmamay-ari natin, anak. Malaki na ang naipon ko sa anim na taon kong pagtatrabaho sa abroad kaya naisip kong magtayo ng negosyo sa Pilipinas para hindi na ako babalik doon. Isinama ko rito si Paul na dati ring tauhan sa pinasukan kong restawran sa Jeddah. Binigyan ko siya ng trabaho at ginawang manager. Mabait na binata itong si Paul at masipag na gagawin din ang lahat para sa pamilya. Nang puntahan siya rito kahapon ng Tita Ilonah mo at pinakiusapan na ipasok sa trabaho ang nagngangalang Nedine Crisanto ay napatunayan ko na tama ang kutob ko na may hindi magandang nangyayari sa iyo, anak. Dahil si Paul ang manager ay sinabi niya sa akin ang mga pangalan ng mga gustong magtrabaho rito kaya nang banggitin niya ang pangalan mo’y nawindang ako. Hindi ko akalain na magagawa ito sa iyo ni Ilonah. Ipinagkatiwala pa naman kita sa kaya, iyon pala ay….” hindi na natapos ng ama ang sasabihin at napahagulgol na ito.

‘Di makapaniwala si Nedine na ang ama pala niya ang nagpatayo ng grocery na iyon. Niyakap niya ito at ipinagtapat ang lahat ng pinagdaanan sa kanyang madrasta.

Advertisement

“Napakasama niya. Balak ko pa sanang yayain na siyang magpakasal kami pero hindi pala siya ang karapat-dapat na humalili sa naiwang pwesto ng mama mo, anak. Mula sa araw na ito ay hinding-hindi ka na niya masasaktan at maapi,” wika ni Magnus sa anak.

Dali-dali nilang pinuntahan si Ilonah sa bahay at kinompronta ito ni Magnus. Gulat na gulat naman ang babae na ‘di makapaniwalang dumating siya. Sinubukan pa nitong magpalusot.

“H-hindi totoo ang mga isinumbong sa iyo ng anak mong ‘yan na malandi! Nagrerebelde lang ‘yan sa akin kaya kung anu-anong kwento ang sinabi niya tungkol sa akin. Napakawalang kwenta niyang babaeng ‘yan na walang galang sa akin at puro pakikipag-nobyo ang alam,” pagsisinungaling nito.

Pero hindi umubra kay Magnus ang pangangatwiran ng kinakasama.

“Ang mabuti pa’y umalis ka na, Ilonah. Ayoko nang makita ka pa rito sa pamamahay ko. Tao kitang tinanggap, pero itinuring mo namang hayop ang anak ko kaya tapos na ang lahat sa atin, lumayas ka!” galit na galit niyang sabi.

Napahiyang tumakbo palabas ng bahay si Ilonah na hindi na binitbit ang mga gamit.

At muling niyakap ni Magnus ang anak.

“Sorry, ‘nak, patawarin mo si papa,” paulit-ulit na sabi niya habang hinahalikan ito sa noo.

Advertisement

“Wala ka pong kasalanan, papa kaya huwag ka pong mag-sorry,” sambit naman ni Nedine na yakap din nang mahigpit ang ama.

Mula noon ay hindi na umalis pa si Magnus at nagkasama na ulit sila ng kanyang anak. Hindi na rin sila ginulo ni Ilonah na nabalitaan nilang balik sa hirap nang kalasan ni Magnus. Nagpatuloy sa pag-aaral si Nedine sa kolehiyo at ‘di nagtagal ay naka-gradweyt din ito sa kursong Business Management. Naging malapit din sa isa’t isa ang dalaga at si Paul na kalaunan ay nagkagustuhan na rin at naging magkasintahan. Botong-boto naman si Magnus sa binata kaya makalipas lang ang ilang buwan ay ibinigay na niya sa dalawa ang basbas para magpakasal.