
Ipinahiya at Nilait-Lait Siya ng Dating Kaibigan, Mayaman na raw Kasi Ito at Mahirap pa rin Siya; Bakit Nanlaki ang Mata Nito sa Dulo?
Nang marinig ang pagtunog ng wind chime ay agad na tumayo si Rowella upang salubungin ang pagpasok ng kustomer. Nakahanda na ang kaniyang malapad na ngiti at ang masiglang pagbati nang agad ding mahinto nang makilala ang babaeng pumasok sa tindahan nila.
“Uy, Olivia, ikaw pala iyan,” nakangising bati ng kustomer na matagal na niyang kilala mula pa noong nasa sekondarya pa lang siya. Si Daniella, ang dati niyang kaibigan na mula noong nalaman nitong mahirap lamang ang pamilya nila’y agad siya nitong nilayuan sa kadahilanang… ayaw nito ng kaibigang ultimo lamang sa buhay. Ang nais nito’y kaibigan na karapat-dapat ipagmalaki ang estado ng buhay. Hindi daw sila lebel kaya basta-basta na lamang nitong itinapon ang pagkakaibigan nila.
“Magandang araw po, ma’am, maligayang pagpasok sa tindahan namin. Ano po ba ang dapat naming ipaglingkod sa inyo?” mahinahon at magalang na bati ni Olivia sa dating kaibigan.
“Napaka-pormal mo naman, Olivia, para namang wala tayong pinagsamahan niyan,” nakangisi pa ring sambit nito.
Ngising nakakainsulto. Iyon ang mukhang nakikita niya ngayon sa muka ni Daniella. Hindi pa man ito nagsasalita’y alam niya na pinagtatawanan na siya nito sa isipan. Kumpara kasi rito’y wala siyang kahit anong suot na alahas sa katawan. Hindi rin magarbo at de-signature ang suot niyang damit, ‘di kagaya nito na sa pananamit pa lang ay masasabi mo nang mayaman.
“Dito ka ba nagtatrabaho, Olivia? Hanggang ngayon ba ay mahirap ka pa rin?” anito saka inikot ang buong paningin sa paligid.
Gusto niyang ibuka ang bibig upang magsalita ngunit hindi niya nagawa dahil muli itong nagsalita.
“Hindi ka man lang umasenso sa buhay? Pareho naman tayong grumaduate noon, pero bakit nasa lupa ka pa rin, kung saan kita nakita noon ay naroon ka pa rin hanggang ngayon? Tsk! Magkano ang sahod mo rito, Olivia? Mukhang mababa kasi… halata naman sa itsura mo ngayon. Mukhang tipid sa buhay,” anito.
Tinapunan siya ng tingin mula ulo hanggang paa sabay ismid at ngiti ng tabingi. Labis na siyang naiinsulto pero ayaw niyang gumawa ng eksena sa mismong tindahan dahil ayaw niyang maistorbo ang ibang naroroon na kustomer.
Kung sa tingin nito’y hanggang ngayon ay nasa lupa pa rin siya kung saan siya nito huling nakita. Para naman sa kaniya’y ang pangit pa rin ng pag-uugali nito gaya noong huli niya itong nakita.
“Gusto mo bang lumipat ng trabaho sa kumpanya ko, Olivia? Bibigyan kita ng magandang posisyon, tutal dati naman tayong naging magkaibigan. At saka lalakihan ko ang sahod mo, kumpara sa sinasahod mo rito,” patuloy nito.
Hindi napigilan ni Olivia ang pagsalubong ng kaniyang kilay sa sinabi ni Daniella. Kung ito rin naman ang magiging amo niya’y mas maiging huwag na lang.
“Ano, Olivia? Gusto mo bang tanggapin ang offer ko? Mabibigyan ka noon ng magandang buhay ‘di tulad dito,” ismid nito.
Tumikhim si Olivia, upang ihanda ang sarili sa litanyang nais sabihin sa kaibigang kanina pa siya iniinsulto nang biglang lumapit sa kaniya si Vina at nakikiusap na personal niyang kausapin ang kustomer nito na humihingi ng tawad sa bawat item na pinamili.
“Ma’am, marami po kasi ang kinuha ni madam, kaya sabi niya baka raw pwedeng makahingi siya ng kahit kaunting discount. Syempre, hindi ko naman ‘yon madedesisyunan dahil hindi naman ako ang may-ari, kaya ikaw na mismo ang makipag-usap aa kaniya, ma’am, ako na lang ang mag-aassist dito kay madam,” ani Vina.
Halata kay Vina na walang alam sa nangyari sa pagitan nila ni Daniella. Ang akala siguro nito’y normal na kustomer lamang ang babaeng inaasikaso niya. Hindi nito alam ang pang-iinsultong natanggap niya kani-kanina lang.
Ngumiti si Olivia saka nagsalita. “Hindi na kailangan, Vina, mukhang paalis na rin naman itong si ma’am,” aniya. Pasimpleng taboy niya kay Daniella. “Naparito kasi siya hindi para bumili, naparito siya upang alukin ako ng trabaho sa kumpanya niya,” dugtong niya.
Agad namang nagsalubong ang kilay ni Vina saka bumusangot. “Bakit? Hindi mo na kaya kailangang magtrabaho ma’am, sa dami ng tindahang pag-aari mo, higit pa nga po sa sapat iyon. Kahit nga humilata ka ng ilang taon at walang gawin ay hindi ka maghihirap dahil maganda naman lahat ang kita ng tinadahan mo. Bakit ka pa niya aalukin ng trabaho e mayaman ka naman?” ani Vina.
Naguguluhan sa nangyayari kaya hindi maiwasang itanong ang katotohanan. Isa ang tindahang ito sa pagmamay-ari ni Olivia, kung kaniyang susumahin ay maroon na siyang kulang-kulang dalawampong tindahan na nagkalat sa buong Luzon, at balak pa nga niyang pasukin ang Visayas at Mindanao.
Hindi man halata sa kaniyang pananamit, alam niyang isa siya sa maituturing na may ikabubuga sa buhay. Hindi siya naghihirap at nabibili niya ang gusto niyang bilhin, hindi nga lang siya mahilig sa mga pabongga upang masabi lamang na mayaman siya.
Pinaghirapan niya ang perang kinikita, kaya ayaw niyang basta-basta na lamang iyong gastusin. Hindi masamang bumili ng mamahaling gamit upang magmukhang mayaman, at hindi rin naman masamang gustuhin niyang maging simple lang sa buhay. Ang masama ay hinusgahan mo na agad ‘yong tao base sa nakikita mong kasuotan niya.
“Ikaw ang may-ari ng tindahang ito?” tanong ni Daniella. Hindi mapigilan ang panlalaki ng mga mata sa nalaman.
“Ako nga mismo, Daniella. Long time no see nga pala, at nakakatuwang isipin na nagkita pa tayong muli. Ngayon ako naniniwala sa kasabihang maliit ang mundo, kasi sa tinagal-tagal nagkita pa rin talaga tayo,” ani Olivia.
Hindi pa rin nawawala sa boses ang hinahon at galang nito sa babaeng kausap.
“Ang mas nakakatuwang isipin ay mula noon hanggang ngayon ay ang pangit pa rin ng ugali mo, Daniella. Mababang nilalang pa rin talaga ang tingin mo sa mga mahihirap at tila agila naman ang turing mo sa mga taong mayayaman,” aniya. Gusto niyang iparamdam rito ang inis niya, pero hindi niya makuhang singhalan ang babae.
“Alam mo, siguro ang hirap mong maging amo, Daniella,” aniya. “Kasi sa pananalita mo pa lang kanina’y halata na… na ang taas ng tingin mo sa iyong sarili. Payong kaibigan, hinay-hinay sa paglipad, baka bumulusok ka niyan bigla pababa,” ani Olivia saka iniwan ang babae upang harapin ang kustomer ni Vina.
Galit na lumabas ng tindahang iyon si Daniella. Akala niya’y sa pagkakataong ito’y nagtagumpay siya sa pang-aapak kay Olivia, nagkakamali pala siya dahil mas mayaman pa ito sa kaniya! Pahiyang-pahiya siya sa ginawa at wala na siyang mukhang maihaharap pa sa babae.
Hindi kailanman magiging basehan ang magara mong damit at makikintab na alahas upang sabihing mayaman ka at kaya mo nang mang-apak ng iba. Maraming mayayaman na mas pinipiling magmukhang simple at hindi ipinangangalandakan ang laman ng bulsa nila.