
Kinukutya ang Lalaking Pulis Dahil Kahit Mataas ang Ranggo ay Mahirap pa Rin; Nararapat Pala Siyang Ikarangal ng Lahat
Dalawampu’t limang taon na sa serbiyo bilang pulis si Fernan. Ang kaniyang asawang si Saling ay nasa bahay lamang at ang dalawa nilang anak na sina Charlie at Jannah naman ay mga estudyante sa kolehiyo.
“Pagkatanggap mo ng retirement pay, mapapabago na rin natin ang bubong at makakapaglagay na tayo ng kisame. Tumutulo na kasi rito sa loob ng bahay kapag umuulan,” sabi ni Saling.
“Oo nga, itay. Saka makakabili na tayo ng bagong TV,” sabad naman ng bunso niyang si Jannah.
Sarhento ang ranggo ni Fernan, dapat ay ‘makuwarta’ na siya, ngunit kahit mataas ang posisyon ay mahirap pa rin ang buhay nilang mag-anak.
“Itay, pahinging pamasahe, papasok na ako sa eskwela,” wika naman ng panganay niyang si Charlie nang makita nitong paalis na siya papunta sa trabaho.
“Wala na akong sobrang pera rito, anak, eh. Wala pa namang isang kilometro ang eskwelahan niyo mula rito sa bahay natin ‘di ba? Maglakad ka na lang para makapag-ehersisyo ka rin. Tena, sabay tayong maglakad,” yaya ni Fernan sa anak.
Ang mga kapitbahay tuloy nila ay panay ang kutya sa kanila kapag nakikita silang naglalakad lang imbes na sumasakay papunta sa kanilang mga pupuntahan.
“Tingnan mo ang mag-amang ‘yan, nagtitiis maglakad sa init,” sabi ng isang tsismosang babaeng nakamasid sa kanila.
“Mahina kasing klaseng pulis ‘yang si Fernan, eh,” sabi pa ng isa.
“Naturingang sarhento, hangang ngayon eh, isang kahig isang tuka pa rin ang pamilya. Hindi yata ginagamit ni Fernan ang utak niya, bugok na pulis, pwe!” pang-aasar pa ng isa.
Bukod sa mga salita ng dalahirang kapitbahay ay higit na masakit ang maririnig sa mismong presintong pinagtatrabahuhan ni Fernan.
“Ayan na si sarhentong pulpol. Ewan ko ba kung bakit naging sarhento ‘yan, wala namang alam,” natatawang sabi ng isa sa mga kasama niya.
“Ni hindi marunong mangotong o tumanggap ng lagay ang g*go. Mahinang nilalang!” sabad pa ng isang pulis.
Hindi na lang pinapansin ni Fernan ang mga bulung-bulungan tungkol sa kaniya. Ayaw niyang patulan ang mga taong makikitid ang isip. Ang mahalaga ay nagagawa niya nang maayos ang kaniyang trabaho.
Isang araw…
“Isang milyon ang parte mo, sarge, wala kang gagawin kundi huwag mag-assign ng mga pulis sa bababaan ng mga kontrabando,” utos ng isa sa mga nakatataas sa kaniya.
“Iyon lang po ang gagawin ko?” tanong niya.
“Oo. Dalawang oras lang ang kailangan namin na walang aabala sa pagbababa,” anito.
Pagkatapos nilang mag-usap…
“Kunin mo muna itong sampung libo, sarge, panghapi-hapi,” sabi ng kausap.
“Saka na po ‘yan,” sagot niya.
Pagdating niya sa bahay, iniisip pa rin ni Fernan ang napag-usapan nila ng kaniyang kasamahan sa serbisyo.
“Isang milyon! Hindi lang kisame at bubong ang maipakukumpuni rito sa bahay,” bulong niya sa sarili.
Kahit sa paghiga niya sa kama ay hindi pa rin maalis sa utak niya ang iniuutos sa kaniya.
“Dalawampu’t limang taon akong may malinis na rekord, pero kinukutya ako sa halip na purihin ng mga tao. Walang kumikilala sa mabuti kong gawa maliban sa aking pamilya,” saad pa niya sa isip.
Makaaraan ang ilang araw…
“Areglado na sarge, bukas darating ang mga kargamento, alas nuwebe namin ibaba ha?” sabi ng kasama niya sa trabaho. Lingid sa kaalaman ng iba nilang ka-trabaho, lider ng isang malaking sindikato ang lalaking pulis at may malaking transaksyon itong gagawin. Lumapit ito sa kaniya dahil siya lang ang mapagkakatiwalaan nito.
Inilahad ng puno ng sindikato ang isang mapa, ipinaliwanag nito kay Fernan ang gagawin.
“Dito sa may ekis ilulunsad ang mga kargamento, badang alas onse, magbabayaran tayo,” anito.
At bago sila muling maghiwalay ng kausap…
“Limampung libo ito, sarge, paunang bayad,” saad pa nito.
“Saka na lang po ‘yan. Pupunta ako bukas sa paglulugaran at doon ako kukulekta,” sagot niya.
“Sige, kung iyan ang gusto mo,” sabi nito.
Kinagabihan, sumapit ang takdang araw ng transaksyon nila.
“Bilisan niyo ang pagbababa riyan, mga bata! Dalawang oras lang ang taning natin!” sigaw ng kasama sa serbisyo ni Fernan na lider ng sindikato.
“Yes, boss! Ito na nga, binibilisan na nga namin!” tugon ng isa sa mga tauhan.
Makaraan ang dalawang oras…
“Nariyan na ba ang lahat ng kargamento?” tanong ni Fernan.
“Oo, sarge, hindi ako nagkamali ng pagkuha sa iyo, walang sabit. Sa susunod, lalong malaking kontrabando ang darating, mas malaki ang parte mo. Eto ang isang milyon mo,” wika ng kasama.
Ngumiti ng makahulugan si Fernan bago nagsalita.
“Saka na po ‘yan, sa presinto niyo na lang iabot sa akin,” tugon niya.
Napaatras ang lalaki. “H-Ha? Anong ibig mong sabihin?”
At sa isang hudyat ni Fernan ay…
“Round them up, men!” sigaw niya. Dumating ang mga kasamahang pulis at pinalibutan ang mga sindikato.
“Walang hiya ka! Napaglamangan mo kami! Sinet-up mo kami, hay*p ka!” galit na galit na sabi ng lalaki.
Madaling nadakip ng kaniyang mga kasama ang mga buhong. Bago sumakay sa sasakyan ng mga pulis ang lider ng mga sindikato…
“Totoo pala ang sabi ng iba sa iyo na wala kang ‘utak’,” wika nito.
Hindi niya pinansin ang sinabi nito. Wala siyang pakialam, ang mahalaga ay nagawa niya ang kaniyang tungkulin.
“Dami mo pang satsat! Sige, isakay niyo na ‘yan!” aniya.
Dumating ang araw ng pagreretiro ni Fernan.
“Isa kang tunay na alagad ng batas, Sarhento Natividad! Ikinararangal kong ibigay sa iyo ang plakeng ito. Labis naming ikinalulungkot na mawawala ka na sa serbisyo,” hayag ng kanilang pinuno.
“Maraming salamat po, sir! Ginawa ko lang po ang tama. Habang buhay ko pong ipagmamamalaki na ako’y isang pulis,” nakangiti niyang sagot.
Pag-uwi niya sa bahay ay masaya siyang sinalubong ng kaniyang mag-iina. Luhaan sa pagmamalaki ang kaniyang pamilya sa narating niya.
“O, Fernan, mahal ko, proud na proud kami sa iyo ng mga anak mo!” hagulgol ng kaniyang asawa.
“Ikinararangal ka naming maging ama, itay. Congratulations,” sabi ng anak niyang si Charlie.
“Para sa amin, ay ikaw ang best tatay, binabati ka namin,” sabad naman ng anak niyang si Jannah.
Isang mahigpit na yakap ang iginawad niya sa mga ito.
“Salamat, mahal kong misis, salamat mga anak ko!” lumuluha rin niyang tugon.
Habang pinagsasaluhan nila ang inihandang pagkain ni Saling sa hapag…
“Hindi ka ba nagsisisi, Saling, na ‘walang utak’ ang napangasawa mo? Tumatanggi sa ginhawa?” tanong niya.
Ngumiti ang ginang. “Hindi ganoong klaseng ginhawa ang gusto ko. Alam kong nagpapakatatag ka dahil sa pagmamahal sa amin, Fernan,” sagot ng misis.
“Oo nga, itay, kahit araw-araw akong maglakad papuntang eskwela, okey lang, marangal naman ang pamilya natin, at iyon ang pinaka-importante kaysa sa pera,” sabad ni Charlie.
Nang gabing iyon, tulog na ang mag-iina ni Fernan pero siya’y gising pa rin. Panatag ang kaniyang isipan at malinis ang kaniyang konsensya.
“Tama ang anak ko, hindi kailanman mapapalitan ng pera ang karangalan ng isang pamilya. Salamat po, Diyos ko at mas nangibabaw sa akin ang kabutihan. Salamat po sa pagbibigay sa akin ng katatagan upang gawin ang tama kaysa sa mali,”dasal niya.
Dahil malaking halaga ang nakuha ni Fernan sa kaniyang pagreretiro, ginamit niya iyon sa pagtatayo ng negosyo nilang mag-asawa. ‘Di nagtagal ay nakatapos na rin sa pag-aaral ang dalawa nilang anak. Ang mga ito ang nag-ahon sa kanila sa hirap. Habang buhay na ipagpapasalamat ng mga anak niya sa kaniya ang narating dahil siya ang inspirasyon ng mga ito, isang marangal na ama at haligi ng tahanan.
Ipinakita sa kwento na hindi mahalaga ang pagkakaroon ng maraming pera kung ang kapalit naman ay ang dangal ng pagkatao. Mas importante pa rin ang pagkakaroon ng malinis na budhi at konsensya kaysa sa anupamang materyal na bagay.